"Sa dulo ay aral na lang pala"
@mahina-
"Ano? Ganiyan na naman mukha mo, hoy. Para kang pinagsakluban ng langit at lupa." napabuntong hininga na lang ako sa sinabi ng kaibigan kong si Leticia.
"Nag-away na naman kayo ni Armando, ano? Alam ko na 'yang mga ganiyan mo, Sonia! Ano bang nangyari?" dagdag pa niya.
Ikwinento ko naman sakaniya ang nangyari.
Magdadalawang taon na kami ni Leti rito sa Taiwan para maghanap buhay. Nang una'y hindi pumayag si Armando dahil nga ayaw niyang malayo kami sa isa't isa ngunit salamat sa kaibigan ko, nang dahil sakaniya ay pumayag si Armando.
Matagal na kaming magkasintahan ngunit wala pa rin sa balak namin ang magpakasal.
Simula nang magtrabaho ako rito ay madalas na kaming mag-away at hindi magkaintindihan.
"Huwag kang mag-alala, kakausapin ko siya para sa 'yo." salamat sakaniya't siya ang dahilan ng mga pag-aayos namin.
-
"Sonia naman, ilang taon ka ng nandiyan. Kailangang-kailangan kita ngayon, hindi ka man lang ba uuwi para damayan ako?" saad ni Armando mula sa telepono.
Namayapa na ang Nanay niya. Gusto niya akong umuwi ngunit hindi pa ako puwedeng magbakasyon.
"Mahal, alam mo namang hindi pa tapos ang kontrata ko rito, 'di ba? Hindi pa ako puwedeng umuwi kahit gustuhin ko."
"Lagi na lang ganiyan! Hindi ko alam kung magkasintahan pa ba tayo o hindi na. Pakiramdam ko'y hindi mo na ako mahal, Sonia! Puro ka na lang trabaho, paano naman ako?" sagot niya sa akin saka ako binabaan. Napabuntong hininga ako sa sinabi nito.
Umuwi ako sa Pilipinas nang nakaraang buwan sapagkat namayapa rin ang isa naming kamag-anak. Hindi pa tapos ang kontrata ko kaya't hindi talaga ako puwedeng umuwi.
"Leti, pasensya na, ha? Lagi na lang ikaw ang takbuhan ko tuwing nag-aaway kami."
"Ano ka ba? Ano pa't magkaibigan tayo, hindi ba? Huwag mong intindihin 'yon." napangiti ako sa sinambit niya.
"Salamat, ha? Ihahabilin ko na muna siya sa 'yo. Alagaan mo siya para sa akin, pakisabi ring hintayin niya ako't gagawa ako ng paraan para makauwi." sakaniya ulit ako humingi ng pabor. Uuwi siya ngayon, pinayagan siya ng amo niya. Tapos na rin ang kontrata niya kaya't ayan.
-
Makalipas ang ilang buwan ay pinayagan na akong makabalik sa Pilipinas. Natapos na rin ang kontrata ko, sa wakas!
Hindi ako pinayagang makauwi nang mamatay ang Ina ng aking kasintahan. Wala akong nagawa kung kaya't nanatili ako rito't kumayod na lang.
Wala na akong balak pang mangibang bansa. Sisimulan ko na ang buhay ko rito sa Pilipinas. Nagkaroon na rin naman ako ng ipon. Tumatanda na rin ako't gusto ko na ring magkaroon ng pamilya.
-
Ngunit akala ko'y magiging masaya ang pagbabalik ko sa aming bayan, akala ko lamang pala iyon.
Nang makarating ako sa aming tahanan ay agad nagsilapitan ang aming mga kapitbahay at malapit na kaibigan.
"Sonia, nakabalik kana pala! Maligayang pagbabalik!" bati nila. Nagpasalamat naman ako sa mga ito.
Mainit nila akong tinanggap sa aking pagbabalik. Hindi rin naiwasan ang kwentuhan.
"Sonia, kaya siguro umuwi ka para sa kasal ni Armando at Leticia ano?" nagulat ako sa sinabi ni Aling Isang.
Nagkakamali ata siya sa mga sinasabi niya. Paanong ang kasintahan ko at kaibigan ang ikakasal eh hindi pa naman kami hiwalay?
"Po? Ano pong ibig niyong sabihin?"
"Eh hindi ka ba nila inimbitahan?" sagot nila.
"Oh! Si Leticia pala, oh. Sige na't mauuna na kami." dagdag pa niya saka sila umalis.
Nakita kong nakatayo si Leti sa bungad ng aming bakuran. Napatingin ako sa tiyan niyang lumaki.
Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko.
"S-sonia...Sonia, patawarin mo 'ko. H-hindi namin sinasadya." mangiyak-ngiyak na paghingi niya ng tawad. "Hindi namin naiwasang magkahulugan ng loob nang wala ka." paliwanag pa niya.
"Naiintindihan ko... salamat. Ikaw ang pumuna sa mga pagkukulang ko sakaniya. Kung alam ko lang sanang ganito ang mangyayari ay sana hindi ko na hinayaang maging tulay ka sa pag-aayos namin tuwing hindi kami nagkakaintindihan." napayuko siya sa sinabi kong iyon.
"Imbitasyon ba 'yan para sa akin sa nalalapit niyong kasal?" tumango siya bilang sagot.
"Huwag kang mag-alala, dadalo ako."
-
Ngayon nga ang araw ng kasal nila. Sa muling pagkakataon ay magkikita na naman kami ni Armando.
"Bago natin simulan ang pag-iisang dibdib ni Leticia't Armando, may tumututol ba rito?" tanong ng pari.
Napasulyap naman sa akin ang ibang kaibigan namin.
"Kung gayon ay simulan na natin ang kasalang ito."
Nagsimula na ang seremonya, "Kayo ay aking binabati! Mabuhay ang bagong kasal." saad ng nanguna sa kanilang pag-iisang dibdib nang matapos ito.
"Binabati ko kayo. Inaasahan ko nang dadalo ako sa kasal mo, Leti ngunit hindi ko akalain na sa taong akala ko'y siyang magiging kaisang dibdib ko." saad ko saka umalis roon.
Isang aral 'to para sa lahat. Natuto na ako sa nangyari sa amin. Hindi dapat hinahayaang magkaroon ng tulay sa isang relasyon. Nagkamali akong hinayaan kong si Leti ang nag-aayos nang mga away namin.
Siguro nga ay hindi ako ang tamang babae para kay Armando. Hindi ko inaasahang isa kami sa magiging halimbawa ng 'pinagtagpo ngunit hindi itinadha'
-
Lumipas ang mga taon ay nagkaroon na rin ako ng asawa at tatlong anak. Sila nama'y masaya na rin. Umalis na kami roon at nagsimula ng buhay sa kabilang bayan.
Hindi man siya ang nakasama ko sa pagtupad ng mga pangarap namin dalawa ay masaya pa rin ako sapagkat parehas kaming nagkaroon na ng sariling pamilya.
Marahil ito ang nakatakda. Hinayaan ng Ama na siya ang magsilbi naming tulay noon nang sa gayon ay magkakilala't magkamabutihan sila.
Sa una'y biyaya, sa dulo ay aral na lang pala.