Kung darating ang araw na muli mo akong makita, masaya at tila ba walang dalahin na dinadala, huwag sana akong pag- isipan ng masama; sasabihin sa sariling kinalimutan na kita at ang mga alaala— mas pinipili ko lang namang maging masaya, ang maging matatag kahit sa harapan lang ng iba.
Kung sakaling sa araw na makita ako at tumatawa, tila ba malaya sa nakaraang hanggang sa ngayon ay pasan mo pa, huwag mo sanang isipin na niloko lang kita at pinaniwala— nais ko lang namang maramdaman kung paano ba ang maging masaya, ang makalaya sa katotohanang nagbibigay sa akin ng lungkot at pagdurusa.
Kung sa muli nating pagkikita at makita akong tila ba malaya na, nakalimutan ang mga nangyari maging ang pagkawala niya, huwag sana akong kasuklaman at muli pa ay iparamdam na ako ang may sala; nais lang naman sanang maghanap ng dahilan upang itong buhay ay ipagpatuloy pa— hanggang sa araw na kapatawaran niyong lahat ay makamtan ko na.
//FB: Sheng Margarette