💚JAYVEEN💚
MARTES na at hindi pa rin ako nakakatanggap ng mensahe mula kay Toni simula nang binigay ni Therese ang sulat ko. Pangalawang araw na rin ito ng paggising ko ng napakaaga upang ihanda ang sarili sakaling may mensahe akong matatanggap mula rito pero nadismaya lang ako.
Hawak-hawak ang mga natitirang aralin na inihanda para sa kaibigang may sakit ay puno ng kabang pinindot ko ang door bell ng bahay nila. Ayokong sa ospital magtungo dahil malamang doon lang din nakatambay ang magbarkada.
Hindi pa ako handa na magpakita sa kanilang lahat, lalong-lalo na ngayon na may pabigay-bigay pa ako ng sulat na nalalaman. Iniisip ko pa lang ang nakakaasar na mga ngiti ni Galaxy ay gusto ko nang matunaw sa hiya. Ewan ko ba kung bakit paborito akong asarin ng taong 'yon.
Ilang minuto pa ang lumipas at wala pa ring lumalabas ng bahay upang pagbuksan ako. May ilaw naman sa loob at mukhang may tao.
Nagsisimula na ring magparamdam ang mga alaga ko sa tiyan. Kaka-alas-syete pa nga pero nagugutom na ako. Baka dahil lang siguro ito sa kaba na nandito ako ngayon sa labas ng pamamahay nila at hindi alam kung ano ang magiging kahihinatnan nito.
Hayaan na nga lang! Nandito na ako, eh!
Sinubukan ko ng panghuling beses na magdoorbell ulit, nagbabakasakaling hindi lang talaga nila ako narinig. Ngunit dumaan ang isa o dalawang minuto ay wala pa ring pumapansin sa'kin. Napalibot ako ng tingin sa buong kapaligiran. Kahit sabihin pa nating safe ang subdivision na tinitirhan nila Toni ay nakakatakot pa ring tumayo ng mag-isa sa napakatahimik na kalsada.
Dahil ayokong maka-istorbo pa sa mga magulang ni Toni na siyang posibleng nasa loob ng bahay ay minabuti kong umalis na lang. Wala rin kasi akong kaide-ideya kung alam ba ng mga magulang niya ang hidwaan naming dalawa. At kung meron man ay posibleng isa iyon sa dahilan kung bakit ayaw nila akong pagbuksan.
Nag-iisang anak nila si Toni. May karapatan silang magalit sa kahit sinong sa tingin nila ay nanakit sa anak nila. Kasalanan ko kung bakit may nangyaring masama sa anak nila sa araw na iyon. Sa pag-alis ko kasi nagsimula ang lahat ng trahedya. Wala sanang aksidente, Troy na nangungulit, na-confine sa klinika at halik na di dapat nangyari.
Mabigat ang loob na tinalikuran ko ang malaking gate ng bahay nina Toni. Kung kelan ay paalis na ako ay doon naman ako nakatanggap ng tawag sa selfon.
Hindi ko ito pinansin noong una dahil tila nahigup na ng buwan ang buo kong enerhiya. Baka nga pagdating ng dormitoryo ay sasayangin ko lang ang buong gabi sa pagmumukmok at pag-iisip ng mga posibleng rason kung bakit walang nagbukas sa'kin ngayon. Panigurado, hinding-hindi ako mapapanatag sa kinahinatnan ng pagpunta ko rito.
Sadyang kahit gaano ka pa ka positibo sa lahat ng aspeto sa buhay, kung pa ulit-ulit at paunti-unti ka namang inuubos ng mga negatibong enerhiya ay matatalo at matatalo ka talaga.
BINABASA MO ANG
Drunken Love (Lesbian Story)
Roman d'amour🌈 | Tagalog |SHE LOVES HER BARKADA SERIES # 1 | Jayveen Raye is the eldest to a family of four who doesn't let any distraction get in the way to her goals. Her determination and persistence earned not only the scholarship she prayed for, but as wel...