CHAPTER 3

1.5K 43 0
                                    

Please don't show up. You're not there... You could be anywhere but not here. Not today... paulit-ulit na dasal ni Heleina habang hinihintay na bumukas ang engrandeng pinto ng mansion ng mga Escobillo.

Gaya ng hiling ng lola niya, heto siya ngayon para magbigay galang sa mag-asawang Escobillo. Malaki ang utang na loob ng pamilya nila sa mga ito. Sa katunayan, halos lahat ng pamilya sa Miasong ay malaki ang utang na loob sa angkan ng Escobillo. Dahil sa farm ng mga ito, nagkaroon ng trabaho ang lahat ng pamilyang naninirahan doon. Binibigyan nito ng pagkakataon ang mga anak ng trabahante nito na makapag-aral sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship. Isa siya sa mga maswerteng batang nakakuha ng Escobillo Education's Assistance Program. Madalas ay sa General Santos City o sa Davao nag-aaral ang mga batang pinipili ng mga ito. Sa kaso niya, highschool na siya nang humingi ng tulong sa pamilya Escobillo. Hindi naman iyon ipinagkait sa kanya at pinili pa ng mga itong sa Davao siya mag-aral base na rin daw sa matataas na marka niyang nakuha.

Nang makapasa siya sa UP Diliman at naging iskolar ng bayan, pinayagan siya ng mga magulang at ng mag-asawang Escobillo na ipagpatuloy sa Manila ang pag-aaral. Suportado siya ng lahat ng mga taong nakapaligid sa kanya sa lahat ng pangarap niya. Ni minsan ay hindi humingi ng kapalit ang mga Escobillo sa mga tulong na ibinigay ng mga ito sa kanila.

Papano kung gaya ng dati ay siya ang bumukas ng pinto? tudyo ng isip niya.

Wala sa sariling itinirik niya ang mga mata. At kahit ayaw, unti-unti siyang nabalik sa nakaraan...

Halos pilipitin ni Heleina ang sariling mga kamay habang hinihintay na bumukas ang engrandeng pinto ng mansion ng mga Escobillo. Hindi niya alam kung papano kakausapin ang mag-asawang nagmamay-ari ng ekta-ektaryang lupain sa bayang tinitirhan nila.

Ang sabi ng lola niya, wala daw mapapala ang isang tao kung puro hiya ang paiiralin. Pero sa pagkakataong ito, parang mas gusto niya pa yatang maging mahiyain kaysa ang pakapalin ang mukha. Kahit pa sabihing hindi naman siya ang kauna-unahang batang hihingi ng tulong-pinansiyal sa pamilyang iyon.

Ilang buwan na lang at gagraduate na siya sa elementarya. Grade five pa lang siya ay alam niya ng hindi na siya kayang pag-aralin pa ng mga magulang. Pinapag-aral pa rin din kasi ang kapatid niyang si Helga, maging ang kuya niya na ngayon ay nasa secondarya na. Hindi din sasapat ang sweldo ng mga magulang niya sa farm ng mga Escobillo para ipangpa-aral sa kanya. Kung magpupumilit siya ay kakailanganing tumigil ng kuya niya sa pag-aaral. Pero hindi niya maatim na hilingin iyon sa mga magulang niya.

Wala ng ibang paraan Heleina. Gusto mong makaahon sa hirap, diba? Pwes, eto na yun. Pagkausap niya sarili para hindi maisipang tumalikod at tumalilis ng takbo.

Kahit papano ay nakapagbigay iyon ng lakas ng loob sa kanya. Bumalik ang kagustuhan niyang makausap ang mag-asawang Escobillo. Pero napaigtad pa rin siya ng todo at muntik nang mapatalon sa gulat nang biglang bumukas ang pinto. Inihanda niya ang matamis na ngiti para kay Manang Inda na siyang madalas na nagbubukas ng pinto sa kanya. Pero napatda siya nang hindi ang ginang ang tumambad sa kanya. Sa halip isang hindi katangkarang binatilyo ang nagbukas sa kanya ng pinto.

"Hi!" very warming ang ngiting ibinigay nito sa kanya.

Bumukas-sara ang bibig niya. Sinubukan niyang magsalita pero bigla yata siyang nawalan ng boses. Nataranta siya bigla. Anong nangyayari sa kanya?

Nabahala naman ang lalaki sa iginawi niya. "Okay ka lang ba?"

Tumango na lang siya bilang sagot. Pero walang matinong tao ang magsasabing okay siya nang mga oras na iyon. Ramdam niya ang biglang pamamawis ng mga kamay at noo niya. Rinig niya din ang eratikong tibok ng puso niya. Sa loob ng labin-dalawang taon niya sa mundong ibabaw, ngayon lang siya nakaramdam ng ganoon. Parang malulunod ang puso niya sa kabang nararamdaman habang tinitingnan ang nakangiting mga mata at ngiti ng lalaki. Moreno ito, matangos ang ilong at medyo patpatin. Kakaiba ang kulay ng mga mata nito dahil kulay abo. Nagtataglay din ito ng cleft chin. Sabi ng kaibigan niya, kapag daw may cleft chin ang isang lalaki, habulin daw ito ng mga babae. At sa nakikita niyang kagwapuhan ng lalaki, hindi nga malabong pagkaguluhan ito ng mga kabaro niya. Mata pa lang nitong nakangiti na ay tiyak na magpapabaliw na sa kanilang mga kababaihan.

Home is Where the Heart Is (UNEDITED & COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon