8.21.19﹉﹉﹉﹉﹉﹉﹉﹉﹉﹉﹉﹉﹉﹉﹉
Isang lihim na taguan sa loob ng gubat ng palaruan, ito ang tambayan ni Jihoon. Hindi na siya bata, ngunit ito ang takbuhan niya tuwing nalulungkot siya. Bata pa lamang siya noong nadiskubre niya ito.
Isang gabi, habang naglalakad siyang mag-isa pauwi, nakita niya ang ilaw na nagmumula sa loob ng gubat ng palaruan. Alam niya na agad na galing iyon sa taguan niya dahil yun lang naman ang lugar doon na may ilaw.
At dahil hindi uso ang mga multo sa lugar nila, dali dali siyang tumakbo patungo sa taguan niya, at isang umiiyak na lalaki ang kanyang natagpuan.
"Tangina.. Ang gago ko ba para iwan na lang ako ng mga tao.." pabulong na sambit nito na narinig pa rin ni Jihoon.
Kunot-noo niyang pinagmasdan ang lalaki, tila sinisigurado na hindi ito masamang tao.
"Gusto ko lang namang mahalin ako eh..." nanghihinang sambit nito na ikinaiyak na naman niya.
"Baka kasi hindi sila 'yung taong nakatadhana para magmahal talaga sa'yo?" agad na napatakip ng bibig si Jihoon ng bigla na lamang siyang magsalita.
"S-Sino ka...?" gulat na tanong nito.
Agad siyang napatayo at nagpunas ng luha bago tumingin ulit kay Jihoon.
"A-Ay.. Sorry.. Akala ko kasi may nagtatangkang mang-agaw ng paborito kong lugar kaya nagmadali ako papunta rito," nahihiyang sabi ni Jihoon.
Namula namang bigla ang lalaki ng malamang may nagmamay-ari na pala ng lunggang natagpuan niya. Sayang, akala niya na may bago na siyang taguan.
"Hala... Pasensiya na.." pagpapaumanhin nito. Bakas ang lungkot sa boses niya at akma na itong aalis nang pigilan siya ni Jihoon.
"H-Hoy! Punggak 'to... Hindi ko naman sinabing hindi ka pwedeng makitago..." tila nahihiyang sabi niya.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay napangiti ang nagluluksang lalaki saka nilahad ang kamay niya kay Jihoon.
"Soonyoung nga pala. Taga-Sebong St. ako," pagpapakilala nito.
"Jihoon. Malapit kami dun," sagot naman niya saka nakipag-kamay kay Soonyoung.
----
Lumipas ang ilang araw at halos araw-araw na silang nagkikita sa taguan sa palaruan. Lumipas ang ilang araw at hindi na nila namamalayang nahuhulog na sila sa presensya ng isa't-isa. Hanggang sa isang araw, napagtanto na lamang nila na hindi na pagkakaibigan ang nakikita nila sa bawat isa.
"S-Soonyoung..." mahinang pagtawag ni Jihoon.
Kasalukuyan silang nakatambay sa isa ilalim ng isang puno sa loob ng gubat. Tanghaling tapat ngunit dahil sa malalagong dahon ng mga puno ay hindi sila nasasaktan sa init.
"Gusto rin kita Jihoon," pabulong na sagot ni Soonyoung.
Natigilan si Jihoon at tila nanigas sa kinauupuan niya. Hindi niya maintindihan kung nagbibiro ba ito o sadyang totoo ang kanyang sinabi.
Napalunok siya at dahan-dahang lumingon rito upang linawin ang kanyang narinig ngunit laking gulat niya nang makitang nakatitig pala ito sa kanya.
Ang kanyang maliliit ngunit malamlam na mga mata ay nakatitig sa kanya na para bang kinagagalak na may pagkakataon siyang mapagmasdan ang lalaki sa tabi niya.
"Oo, gusto nga kita," sabi pa nito na para bang narinig ang pag-aalangan sa isip ni Jihoon.
Biglang namula at naiyak si Jihoon, siguro'y dahil sa galak at kilig. Gusto kasi siya nang taong gusto niya.
"Bwisit ka..." sabi nito sabay yakap kay Soonyoung.
----
"Ano bang problema kasi?!" pasigaw nito na halos pumiyok na. Nalilito na siya sa kinikilos ng nobyo at hindi niya na alam kung ano dapat ang itanong para lang makakuha siya ng sagot mula dito.
"Pwede ba, Jihoon.. Tama na. Ayoko na," malamig na sabi nito.
Halos hindi siya makahinga sa narinig. Para bang naubos lahat ng lakas niya at gusto na lamang niyang lumuhod at magmakaawa.
"S-Soonyoung... H'wag naman ganito oh..." humihikbing sabi niya habang unti-unting lumalapit sa binata.
Sa kabilang banda, tila nawawasak ang puso ni Soonyoung sa nakikita. Ang dating matapang at pasaway na nobyo ay nagmumukhang mahina sa harapan niya. Anong kagaguhan ba 'tong ginagawa niya?
"B-Baby.. Please... H'wag ganito.. H-Hindi ko kayo..." halos mabulunan siya sa mga salitang lumalabas sa bibig niya.
Nag-uunahan ang mga luha niya sa pag-agos. Nahihirapan siyang isipin na sa ganito magtatapos ang pagmamahalan nila. Hindi niya kayang isipin na mabuhay ng mag-isa ulit. Nang walang Soonyoung na mangungulit sa kanya.
"I'm sorry..." bulong ni Soonyoung at mahigpit na niyakap si Jihoon.
Lalong naiyak si Jihoon sa ginawa niya at mahigpit niya rin itong niyakap.
"H-H'wag mo k-kong iwan..." bulong nito.
"Shhh... Hindi..."
----
"Naalala mo pa nung una tayong nagkakilala dito?" mahinang wika ni Soonyoung habang nakangiting pinagmamasdan ang maliwanag na kalangitan.
Kasalukuyan silang nakahiga sa ilalim nang puno..sa loob ng gubat..
Bumuntong hininga ng mahina si Jihoon saka ngumiti.
"Oo. Akala ko magnanakaw ka eh... Pero parang totoo nga kasi ninakaw mo 'yung puso ko," sabi naman nito na ikinatawa nilang pareho.
"Mahal na mahal kita Jihoon. Ikaw lang 'yung mamahalin ko ngayon pati sa susunod ko pang mga buhay," matapos niyang sabihin 'yun ay niyakap niya ang binata at saka pumikit habang nakangiti.
Dumaan ang katahimikan at tanging mahihinang hikbi na lang ni Jihoon ang maririnig sa paligid. Tanghaling tapat ngunit hindi sila nasasaktan sa init ng araw. Siguro...salamat sa masaganang dahan ng mga puno... Salamat sa taong gumawa ng taguang ito... Salamat sa isang sawing gabi noong una silang nagkita..
At salamat sa lahat ng mga ala ala at pagmamahal na iiwan ni Soonyoung para sa kanya.