CAPÍTULO 46

4 0 0
                                    

Malapit nang sumikat ang araw. Sinong mag-aakalang ganito namin sisimulan ang umaga.

"Lahat tayo pinaikot ng babaeng iyan! Sa mga naririto, higit na siya ang may motibo upang nakawin ang mga dokumento..." rinig ko ang mga paratang ni Adela, ngunit ni isa sa kanyang mga isinambit ay wala akong naiintindihan. Tanging mga mata lamang ni Alvaro ang aking nakikita.

Paulit ulit kong ibinulong ang salitang patawad, dahil nais kong...ayaw ko lang na mawala siya sa akin. Por favor, kahit na anong parusa ay tatanggapin ko, huwag lamang na kamuhian niya ako.

"...Hindi ba't palugi na ang negosyo ng mga Monticilla? Kaya ba naririto ang isa sa kanila para magnakaw ng ideya mula sa mga Ercasio? Tignan mo nga naman! Bistado ka na, Señora. Aminin mo nalang ang lahat lahat ng ginawa mo!" sigaw ni Adela.

"¡Carajo! Ang lakas ng loob mong pumasok sa pamamahay ko!" Sa pagkakataong ito, napalingon ako kay Don Rivas na naghihimutok sa galit. Kita ko ang mabilis na paglakad niya papalapit sa akin.

"Papá, huminahon muna tayo-" si Señor Alejandro na sinundan na rin ang kanyang ama.

"Huminahon?! Paano ako magiging mahinahon sa lapastangan na ito!" duro sa akin ni Don Rivas at wala akong magawa kundi iiyak ang bigat sa aking puso. Nanghihina na ang aking mga tuhod na animo'y anumang oras ay kusa na itong bibigay.

"Magsitigil kayo!" sigaw ni Matteo. "Pag-usapan natin ito ng pribado!"

"Hindi, Matteo. Pag-uusapan natin ito ngayon dito nang malaman ng lahat ang totoo sa mga pinaggagawa niya! Alam mo, kasalanan mo 'to eh. Kung hindi ka rin sana naglihim!" Galit na wika ni Adela.

Gusto ko nang takpan ang aking tenga. Ayaw ko nang marinig ang lahat ng pagtatalo na ito ngunit ni hindi ko magawang kumilos.

"Anong sinasabi ni Adela, Matteo? Alam mo na isa siyang Monticilla?!" Gulat na tanong ni Don Rivas.

Namayani ang katahimikan at tanging ang impit kong mga hikbi na lamang ang naririnig. Sinubukan kong pigilan ang aking pagluha ngunit masyado nang mabigat. Pakiramdam ko'y sasabog ako.

Kita ko ang pagpukol sa akin ni Matteo ng kanyang mga mata at batid kong pati si Alvaro ay kanya na ring tinignan. Tila lihim siyang humihingi ng pasensya dahil sa paglilihim niya.

Napayuko siya at mahinang nagwika. "Si, Lolo."

Nagpupuyos sa galit si Don Rivas dahil sa kanyang narinig mula sa kanyang apo. "Isa kang inutil! Para mo na rin akong trinaydor, Matteo!"

"Lo siento, Lolo," tanging mga katagang naisambit ni Matteo.

"Bakit, Matteo?! Bakit?! Tignan mo ang nangyayari ngayon?! Masyado kang nagtiwala sa kanya! Ayan! Ninakaw niya ang dokumento!-"

"Huwag muna tayong manghusga hangga't hindi pa napapatunayan ang-"

"Patunay na ang kuwintas, Matteo! Siya ang nagmamay-ari n'on!" Pagdidiin pa lalo ni Adela.

"Hindi ba't sinabi ko na sa iyong ako ang nagmamay-ari ng kuwintas. Iniwan iyan sakin ni Mamá." Nagawi ang atensyon ko kay Alvaro. Tila walang emosyon ang tono niya ngunit may galit sa kanyang mga mata. Hindi nakaligtas sa akin ang pagkuyom ng kanyang mga kamay.

Rinig ko ang pagtawa ni Adela na tila nang-aasar. "Sige. Para matapos na ito..." wika niya at tinuro si Paulíta na nakatayo lamang sa aking likuran. "Ikaw!" dugtong niya.

Napalingon ako kay Paulíta at gaya ko, may takot sa kanyang ekspresyon. Kita ko rin ang pag-aalala niya nang tumingin siya sa akin.

"Pumunta ka sa silid ninyo ng Monticilla'ng ito at halughugin mo ang gamit niya, nang sa gayon malaman natin ang totoo!" utos ni Adela.

Ercasio, El Menaje | On-GoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon