CAPÍTULO 1

77 10 5
                                    

Isang malalim na hininga ang aking pinakawalan. Tila ngayon 'ko lang napagtanto ang lahat lahat. Bakit 'ko nga ba pinasok ang bagay na ito?

Mabilis kong iniiling ang aking ulo. Sa ayaw ko man o sa hindi, bahagi ako ng gusot na ito. Hindi lang dahil sa matagal nang may alitan ang pamilya sa mga Ercasio, bagkus pumayag ako sa kung ano ang napagkasunduan kamakailan lamang.

Isang katok ang nagpalingon sa akin sa pinto ng silid-aklatan. Bahagya itong bumukas at isang tagapaglinis ang sumilay sa aking paningin.

"Nakarating na po si Señora Lusianna, Señora Alleina. Naroroon po siya't naghihintay sa tanggapan."

Tila nabuhayan ako ng loob nang malaman ang pagdating ng aking pinsan. Agad ko'ng isinara ang librong babasahin 'ko sana, ngunit tila mas nalunod ako sa kakaisip ng naging usapan kahapon sa opisina ni Lolo Arman.

"Salamat, ika'y makakaalis na," wika ko sa tagapaglinis. Tumayo na ako sa aking pagkakaupo at nagtungo muna sa aking kuwarto upang makapag-ayos ng buhok.

"Alleina! Napakaganda mo talaga kahit kailan. Kamukhang kamukha mo si Lola Fanta!" bati niya sa akin.

"Tigilan mo nga ang mga salitang iyan, Lusianna. Sa ating dalawa, ikaw ang sigurado akong pag-aagawan ng mga ginoo! Sabihin mo nga sa akin, may kasintahan ka na 'no?"

Napahalakhak ang aking pinsan sa aking sinabi. "May mga nagpakita ng interes, Alleina. Pero, wala pa sa isip ko ang pakikipagrelasyon. Isa pa, gusto ko munang lumibot sa mundo."

"Hindi ba't mas magandang libutin ang mundo na may kasama?" pang-aasar ko sa kanya.

"Ano ka ba naman! Wala nga sa isip ko iyan, pinsan. Ikaw ba? Ikaw siguro ang may kasintahan na. Sino naman ang maswerteng ginoo ang nakabingwit sa isang dalagang tulad mo?"

Napatawa ako sa kanyang sinabi. Hindi ko maiwasang maalala ang isang binata na aking hinahangaan noon. Kung noon ang pag-uusapan, sigurado ako'ng siya ang nais kong maging kasintahan. Ngunit ang kanyang puso ay pagmamay-ari na ng iba. Wala naman akong balak pa na kunin ang kanyang atensyon.

"Walang matapang na nais bumingwit. Halika na Lusianna. Hinihintay ka na rin ni Lolo Arman. Narito rin pala si Lolo Benito kaninang tanghali pero umalis din siya agad. Baka may aasikasuhin," wika ko at nagsimula nang maglakad papunta sa hagdan upang umakyat sa ikalawang palapag.

"Oo nga pala, Alleina. Balak kong magtagal dito ng dalawang buwan."

Napahinto ako sa paglalakad dahil sa kanyang isinambit. Kung gano'n, malalaman niya na sasadyain 'ko ang kabilang baryo. Panigurado'ng uulanin ako ni Lusianna ng mga katanungan sa kung bakit ako paroroon.

Marahan ko siyang hinarap. Ang kanyang matamis na pagngiti ang sumilay sa kanyang mukha. "Hindi ka ba masaya, Alleina? Makakasama mo ako nang mas matagal pa!"

"M-masaya. Ma-masaya ako na mananatili ka rito nang gano'n katagal ngunit..."

"Ngunit? Bakit? May balak ka bang puntahan? Saan naman?"

"Lusianna! Apo!" Kapwa kami napalingon kay Lolo Arman na papalapit sa aming direksyon. Mabuti na lang at dumating siya. Makakapag-isip pa ako nang maaari kong idahilan kay Lusianna. Hindi ko naman akalaing tatagal siya rito ng dalawang buwan. Ang sinabi niya sa akin ay dadalaw lamang siya sa loob ng tatlong araw.

Agad niyakap ni Lolo Arman si Lusianna. Niyakap din naman siya ng huli. "Matagal tayong di nagkita, Lolo! Kamusta ka na po?" wika ng aking pinsan pagkakalas niya sa yakap.

"Mabuti ang aking kalagayan. Malakas pa naman ang inyong lolo. Ikaw ija, kamusta ang Amerika?"

"Mas naging bihasa ako sa wikang Ingles, Lolo. Katunayan nga'y nahihirapan na akong magsalita ng ating wika. Nakasanayan ko na kasi ang Ingles."

Ercasio, El Menaje | On-GoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon