CAPÍTULO 29

17 1 22
                                    

Manuel Ercasio...

Manuel Ercasio...

Manuel Ercasio...

Sino siya?

Napahilamos na lamang ako sa aking mukha. Hindi ko alam kung ano ba balak ng tadhana...sa akin...kay Lusianna...sa aming lahat! Kanina pa okupado ang aking isipan sa Manuel na iyan. Maaaring pinsan siya nina Matteo at Alvaro, pero ang kaba sa aking dibdib ay tila nagpapahiwatig na mali ang aking hinahuna.

Alleina, ano ba?! Isantabi mo muna ang bagay na iyan, maliwanag? Dapat ay pagtuunan mo ng pansin ang imbestigasyon!

Napatango tango ako, tila ba sumasang-ayon sa sinasabi ng aking isipan. Tama, tama! Hindi mahalaga kung sino si Manuel, hindi ko dapat isipin ang Manuel na iyon!

"Jewel, uy!"

"Ay, Manuel!"

Napatalon ako sa gulat nang kalabitin ako ni Paulíta't napahawak pa sa aking dibdib. Pero saglit akong natigilan nang mapagtanto kong naisigaw ko pala ang ngalang 'Manuel'. Kita sa mukha ni Paulíta ang pagkakabigla at binigyan niya ako ng isang tingin na tila ba may tumubong panibagong ulo sa aking katawan.

"Manuel?" pabulong niyang sambit, at dilat na dilat pa ang mga mata.

Saka lamang pumasok sa utak ko na isang Ercasio si Manuel at baka kilala siya ni Paulíta kaya gayun na lamang ang kanyang reaksyon nang ito'y lumabas sa aking bibig. Tama! Kay Paulíta ko maaaring malaman kung sino si Manuel!

Ngunit bago ko pa maibuka ang aking bibig para magtanong, kita ko ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha ni Paulíta. Mula sa pagkakagulat, ay napalitan ito ng ngiting nang-aasar. "Iba ka, Jewel ah. Hindi ko naman akalaing pati ang bagay na iyan ay malalaman mo."

Ha? A-Anong pinatutungkulan niya?

Lumapit nang bahagya si Paulíta sa akin para bumulong, tila takot na marinig ng mga pader ang kanyang sasabihin. "Ayaw ni Señor na tinatawag siya sa ngalang iyan, kaya, mabuting huwag mo nalang gamitin. Liban na lang kung pinayagan ka niya. Ay teka, pumayag na ba siya?"

Siya? Señor? Hindi ko siya maintindihan. Pakiramdam ko lalo pang dumoble ang pagkakakunot ng aking noo, kung posible man ang bagay na iyon. "S-Sino'ng señor ang tinutukoy mo?"

May parte sa akin na nais malaman kung ano ang binabanggit ni Paulíta, pero may parte rin sa akin na, ayaw kong malaman ang kapaliwanagan sa bagay na iyon. Kaba ang tanging nangingibabaw sa aking dibdib dahil ang pinangangambahan ko ay maaaring totoo. Isang tao lamang ang pumapasok sa aking isipan, at hindi ko gusto ang naiisip ko ngayon. Sana hindi siya! Sana hindi siy-

"Si Señor Alvaro."

Mistula akong binuhusan ng malamig na tubig. H-Hindi p'wede. Si Lusianna at Alvaro...ay-

Bigla na lamang kusang gumalaw ang aking mga paa palabas ng kusina, palayo kay Paulíta, palayo sa lahat, sa kung sino man. Narinig ko ang pagtawag ni Paulíta sa akin, pero hindi ko na alam ang gagawin, hindi ko na siya nilingon pa at nagpatuloy lang. Gusto kong...mapag-isa.

Nagiging malala lang nang bumabalik sa aking alaala ang mga sinabi ni Felipe at Lusianna.

"Wala. Sinusubukan ko lang kung siya pa rin ba. Malakas kasi pagkakatama niya."

"At pakiramdam ko, isang maling pagkakamali na tinanggihan ko ang kanyang pagsinta, Alleina."

...pagsinta...pagsinta...pagsinta

Tila hirap akong ipasok sa aking utak ang...ang mayroon sa kanilang dalawa. Ang lahat siguro ng mga bagay na maaari kong isipin na may kinalaman sa dalawang taong nag-iibigan ay naisip ko na. Mga bagay tulad ng paano mag-alala si Alvaro para kay Lusianna, anong epekto ni Lusianna sa kanya, paano siya kumilos sa tuwing nakikita niya si Lusianna, sa tuwing kasama niya si Lusianna. Bumibilis din ba ang tibok ng kanyang puso?

Ercasio, El Menaje | On-GoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon