CAPÍTULO 28

16 1 41
                                    

Agad sumilay sa aking mga labi ang ngiti. Hindi pa man din ako nakaka-kaway ay halos matumba na ako sa kinatatayuan nang bigla akong yakapin ni Lusianna.

"Akala ko hindi ka pupunta," bulong niya habang hindi pa rin bumibitaw sa pagkakayakap sa akin. "P'wede ba 'yun? Marami ka pang kwento, hindi ba?" may ngiti kong wika.

Kumalas si Lusianna sa pagkakayakap at masayang tumango sa akin. Hinila niya ako agad papasok sa loob ng mansyon. Nakaramdam ako ng ginhawa't saya nang muling maramdaman ang aking sarili sa loob ng aming tahanan. Pakiramdam ko, halos isang taon akong hindi nakatapak sa aming lupain kahit na isang buwan mahigit lang naman akong nawala.

"Sayang, nagpunta sa Manila si Lolo Arman. Sabi ko sa kanya hintayin ka man lang niya dumating ngunit hindi na raw kasi makahihintay pa ang kinakailangan niyang asikasuhin sa kompanya."

Tila natigilan ako sa winika ng aking pinsan. Nagbalik sa aking alaala ang huling pag-uusap namin ni Lolo. Totoo nga bang may problema na naman sa negosyo? Bakit hindi niya sabihin sa akin? Dahil ba nangangamba siyang madagdagan na naman ang aking iisipin?

Sa pagkakataong iyon, naglakbay ang aking isipan sa aking mga narinig sa araw na nagdaan.

"Huwag kang mag-alala, Lolo. Ako'ng bahala sa mga Monticilla. Makakaasa ka."

Makakaasa na ano? Makakaasang tuluyang babagsak ang aming negosyo? Makaaasang malulugmok kami sa kahirapan at wala na kaming iba pang paraan kundi ang pumayag sa kondisyon nila? Kung may kondisyon man silang ibibigay?

Pakiramdam ko'y sinaksak ang aking puso. Hindi ko matanggap na ang taong sa tingin ko'y aking mapagkakatiwalaan ay marahil masamang tao. Pero may parte sa akin na naniniwalang hindi ganoon si Matteo. Imposible. Hindi niya naman kaya iyong gawin, hindi ba?

Napabuntong hininga ako at pinili munang isantabi ang usaping iyon. Naririto ako, kasama si Lusianna, upang magpagaan ng kalooban at bahagyang malimutan ang problemang pansamantala kong iniiwan sa El Azul.

Napansin kong pagawi kami sa kwarto niya, siguro mas gusto niyang dito kami magkuwentuhan sa halip na sa sala. Hinayaan ko na lamang siyang hilain ako. Ramdam ko ang pagkakasabik niya, tila ata marami siyang nais ikuwento sa akin.

Mabuti na lamang ay nagawa kong pumuslit, sa tulong nina Paulíta at María. Hindi ko pa nga akalaing magagawang makiisa ni María sa plano kong pagtakas. Napangiti ako nang maalalang nakabusangot ang kanyang mukha habang kasakasama kami ni Paulíta at paulit ulit na sinasabing hindi namin siya maaaring idawit sakaling mabunyag ang pagtakas ko.

Saglit lamang ako rito sa Anaranjado. Pinakamatagal ko na ang dalawang oras. Pagkatapos n'on, kailangan ko na agad umalis at bumalik sa El Azul, dahil kung hindi, maaaring mapansin ng ibang tagapagsilbi ang pagkawala ko, lalo na't palagi kong kasama si Paulíta. Paniguradong magkakaroon ng pagtataka sa kanila kung bakit hindi niya ako kasama.

"Nabuburyo na ako rito sa mansyon, alam mo ba iyon, Alleina? ¡Dios mio! Wala akong makausap kundi ang mga halaman!" Napatawa ako sa kanyang sinabi.

"Mainam. Nakakatulong naman iyon, hindi ba?" pagbibiro ko.

"Sa mga halaman, oo. Pero sa akin, mukhang hindi. Pakiramdam ko nga'y iniisip ng mga tagapagsilbi rito nababaliw na ako dahil sa mga halaman ko ibinubuntong ang aking pagkakaburyo."

Napaupo ako sa isang mahabang sofá na naririto sa silid ni Lusianna. "Sa Amerika ba, palagi kang may kausap?" pagsisimula ko. Hindi ko itatanggi, may pagkamadaldal itong si Lusianna, lalo na sa mga taong malapit sa kanya, ngunit gayunpaman, napakamayumi niya rin, kung posible man ang bagay na iyon.

Ercasio, El Menaje | On-GoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon