CAPÍTULO 16

23 1 17
                                    

Uminom ako ng tubig nang sa gayon ay mahimasmasan ako. Halos mabusog na ako sa ilang baso pero tila hindi pa rin humuhupa ang kabang aking nararamdaman.

¡Mierda! Hindi niya ba kayang magpunta mag-isa at kailangan niya pa akong isama?

"Mukhang handang handa ka na, Jewel ah. Nakaayos ka pa talaga," komento ni Paulíta. Ano bang sinasabi niya? Nagsuklay lang ako at nagsuot ng presentable. Huwag niya sanang bigyan ng anumang kahulugan ang aking pananamit dahil si Alvaro naman mismo ang nagsabing suotin ko ay maayos at hindi ang uniporme ng mga tagapagsilbi.

"Utos niya ito, Paulíta," tugon ko at lihim na napairap. Binigyan niya lang ako ng makahulugang ngiti at nagbalik na sa paghahanda niya ng pagkain para sa agahan nina Don Rivas at Adela. Abala ang ilan dito sa kusina, maging si María ay tahimik lang na nakikinig sa usapan namin ni Paulíta.

Bahagyang lumapit sa akin si Paulíta para bumulong. "Umamin ka nga sa akin, Jewel. Niyaya ka ba niya sa isang tipanan?"

Agad nanlaki ang mga mata ko sa kanya. "Hindi ah! Bakit naman niya ako aayain sa isang tipanan?"

Nagkibilit balikat si Paulíta. "Malay mo lang naman. Isa pa, hindi naman imposible iyon. Maganda ka naman kaya baka nahumaling na sa iyo si Señor," wika ni Paulíta at tila kinikilig pa. Napasapo na lamang ako sa aking noo at napailing.

"Malay mo rin naman ay magiging isang alalay lamang niya ako sa pupuntahan namin. Huwag ka ngang mag-isip ng kung anu-ano," tugon ko sa kanya. Nagpalinga linga pa ako sa aking paligid dahil baka narinig ng iba ang sinabi ng aking kausap. Mahirap na baka mabigyan pa ng kahulugan ng iba.

Narinig ko ang mahinang paghagikgik ni Paulíta. "Nariyan na ang iyong Señor," bulong niya sa akin at mahina pa akong kinurot sa aking tagiliran. ¡Santo Cielo! Ano bang problema niya? At ano? ¿Aking Señor?

"Señora," rinig ko ang kanyang boses sa aking likuran kaya naman agad ko siyang nilingon at napatayo sa aking pagkakaupo sa isa sa mga matatangkad na silya rito sa kusina.

Kita ko ang mga nakaw na tingin ng iba pang tagapagsilbi pero nanatiling tikom ang kanilang mga bibig. Marahil ay iniisip nila kung anong mayroon sa aming dalawa at tinawag niya pa akong señora.

At isa pa, sinong hindi magnanakaw ng tingin sa isang tulad niyang...ah basta! Sa isang tulad niya. Napaiwas na lamang ako ng tingin dahil sa mga pinag-iisip ko.

"¿Kumain ka na ba ng agahan, Señora?" wika niya at halos masamid ako kahit na wala akong iniinom na tubig. Napaangat tuloy ako ng tingin sa kanya.

"H-Ha?" ang tanging katagang lumabas sa aking bibig.

"Kumain ka na ba?" muli niyang wika. Hindi ko na alam, pakiramdam ko'y biglang nag-init ang magkabila kong pisngi, maging ang aking tenga. Tinanong niya lang naman diba? Ano naman, hindi ba?

Kita ko ang mga tingin ng iba pang tagapagsilbi sa aming dalawa. ¡Dios Mio!

"H-Hindi pa, Señor," wika ko na halos itago na ang aking mukha. Sana naman alam ni Alvaro na may nanonood sa amin.

Napatango siya sa aking sinabi. "Kumain ka muna bago tayo umalis, Señora. May tatawagan lang ako. Babalikan kita dito," sambit niya at lumabas ng kusina.

Ilang segundo pa akong nanatili sa aking puwesto bago ako napakurap. Bigla akong hinila ni Paulíta pabalik sa silyang inupuan ko kanina. "Kumain ka raw, ayaw ni Señor nagugutom ka," usal niya at napahagikgik pa.

"Paulíta," saway ko sa kanya ngunit nginitian niya lang ako ng nakakaloko. "Kukuha na ako ng pagkain mo. Baka kasi pagalitan pa ako ni Señor," wika niya habang nangingiti pa.

Ercasio, El Menaje | On-GoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon