CAPÍTULO 17

24 1 10
                                    

"Ano na? Nagtapat na ba ng pag-ibig si Señor?" Mahina kong hinampas ang braso ni Paulíta dahil sa kanyang sinabi.

"Paulíta, walang ganoon. Huwag na natin bigyan ng mga kahulugan ang bagay bagay," wika ko at napaupo na lamang sa aking kama.

"Sus! Si Señor Alvaro ang pinag-uusapan natin dito, Jewel. Señor Alvaro! Hindi mo na dapat pa pinapalagpas ang mga tulad niya. Malay mo, nahihiya lamang siya umamin sa iyo. Unahan mo na!"

Napahawak na lamang ako sa aking sentido. Hindi ito ang dapat na iniisip ko. Hindi ito ang ipinunta ko rito. Wala pa nga akong nagagawa! Kamusta naman ang bagay na iyon? Isang linggo na lang at mag-iisang buwan na ako sa baryo pero wala pa ring progreso ang aking misyon.

"Oo nga pala! Babalitaan mo pa ako sa kung anong ginawa niyo sa pinuntahan niyo. Baka naman hinalikan ka na ni Señor tapos ayaw mo lang ikuwento!"

A-Anong?! Saan ba napupulot ni Paulíta ang mga pinagsasabi niya? Ang lawak ng imahinasyon niya, sa totoo lang.

"Hindi niya ginawa iyon, Paulíta. Itigil mo na ang pag-iisip sa mga ganoong bagay," wika ko sa kanya at napahiga na lamang sa kama. "Nagpunta kami sa plánta, at pinatulong niya lang ako sa nag-aani ng mga ubas," dagdag ko. Iyon na lamang ang idinahilan ko kay Paulíta, wala rin naman akong maisip na magandang dahilan.

"Halata namang hindi niya iyon ipapagawa sa iyo. Hay naku, mapipilit din kitang magkuwento. Sige, baba na muna ako," tugon ni Paulíta at lumabas na ng aming silid.

Napabuntong hininga na lamang ako at ipinikit ang aking mga mata. Wala naman talaga akong ginawa roon. Namuti lang ang mga mata ko kakapanood sa mga nag-aani ng ubas, habang si Alvaro ay tinitignan ang mga kalidad ng mga naani.

Pero napagtanto kong ang husay niyang kumilatis ng ganoon. Mukhang alam na alam niya talaga ang ginagawa niya. Isa ba siyang botanista? Iyon ba ang kursong kinuha niya nang nag-aaral pa lamang siya sa Amerika?

Iwinaksi ko ang mga naiisip at minabuting maglinis na lang muna ng katawan. Nagbihis na ako ng aming uniporme at bumaba na para matulungan pa ang ibang tagapagsilbi. Mamaya sabihin nila sa akin masyado akong pasarap sa buhay dahil lamang naisama ako ni Alvaro sa plánta.

Napadpad ako sa ikalawang palapag ng mansyon. Nadaanan ko ang pasilyo papunta sa silid ni Don Rivas. Napahinto tuloy ako sa paglalakad at pinakatitigan ang pasilyo. Dapat ba akong pumunta sa kanyang silid at humanap ng bagay na maaaring magamit ko sa aking imbestigasyon? Pero napakadelikado naman ata ng gagawin ko. Siya ang Don sa mansyon at mukha siyang nakakatakot sa totoo lang. Sinisigaw ng kanyang presensya ang awtoridad na mayroon siya.

Naroroon kaya siya sa kanyang silid? Napag-alaman ko ring mayroon siyang sariling opisina at nasa unang palapag iyon ng mansyon. Narinig ko sa ibang mga katulong na madalas siyang nasa kanyang opisina dahil inaasikaso niya rin ang kompanya kahit na naririto siya sa baryo.

Mas makakakuha ata ako ng pakipakinabang na bagay kung sa opisina niya ako magsisimula. Ngunit ang pagbabalak pa lang na pumunta roon ay nakakatakot nang isipin.

Napailing na lamang ako sa mga pinag-iisip ko at napabuntong hininga. Bahala na. Umabante ako papunta sa pasilyo at ilang beses na nagpalinga linga para masigurong walang ibang tao na naririto sa ikalawang palapag. Hapon na rin naman at sa mga oras na ito, marami ang abala sa kanya kanyang gawain.

Narating ko ang dulo ng pasilyo at kumaliwa para matagpuan muli ang panibagong pasilyo. Nang malaman ko kung nasaan ang silid ni Don Rivas, napagtanto kong sobra itong tago. Sasadyain talagang puntahan ang kanyang silid.

Walang humpay ang kabog ng aking dibdib nang marating ko muli ang dulo ng panibagong pasilyo. Isang likuan na lamang pakanan ay mararating ko na ang kanyang silid, pero mukhang gusto nang umatras ng aking katawan. ¡Dios Mio! Naririto na rin naman ako kaya dapat ko na itong ituloy.

Walang ibang silid na naririto kundi ang sa kanya lang, dahilan para madaling makita kung sino ang mga nanggaling at nagpunta sa bahaging ito ng mansyon. Ngayon pa lang, kinukwesyon ko na ang aking sarili kung tama ba ang naging desisyon ko. Lihim na lamang akong napadasal na nawa'y hindi ako mahuli. Wala naman akong kukuning bagay, may hahanapin lamang akong impormasyon.

Kaharap ko na ang pinto ng kanyang silid. Napahugot muna ako nang malalim na hininga bago ito dahan-dahang binuksan. Sinilip ko ang kanyang kwarto. Tahimik ang buong silid kaya napagtanto kong wala siya rito. Mukhang nasa baba siya at nasa kanyang opisina. Napapikit ako nang mariin nang maisip na sana pala ay plinano ko muna ang pagpunta rito bago ako sumugod. Tila isa akong sundalong walang armas na sasabak sa isang labanan.

Maingat akong pumasok at isinara ang pinto. Hangga't maaari, wala akong masyadong gagalawin nang hindi mahalatang may nanggaling dito sa kanyang kwarto. Pero matanda naman siya, hindi ba? Hindi naman siguro niya mapapansin ang ganoong klaseng bagay. Napailing na lamang ako. Kung anu-ano ang iniisip ko kumpara sa magsimula nang mangalap ng importanteng bagay sa kanyang kwarto.

Nagsimula kong buksan ang apador na naririto. Lahat ng maaaring paglagyan ng gamit. Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung anong hinahanap ko, basta ang nasa isip ko lang ay makahanap ako ng bagay na konektado sa amin.

Napabuga muli ako ng hininga. Napakalaki ng kwarto niya. Mistulang tahanan na ito na maaaring tirhan ng isa hanggang tatlong tao. Pumasok pa ako sa pinakaloob pa ng kanyang silid. Bumungad sa akin ang kanyang kama na may puting sapin. Sa gilid nito ay may mesa na may mga lagayan din. Binuksan ko ang unang kahon na lagayan. May nakita akong isang itim na kwaderno.

Kinuha ko ito at binuklat. Isa itong taalarawan ngunit hindi ngayong taon kundi nakaraan pa. Malamang nito'y ang taalarawan niya ngayong taon ay nasa kanyang opisina. Tinignan ko na lang din kung paano niya sinusulat ang nangyari sa kanyang araw pero patalon talon ang petsa nito at ang importanteng bagay lang ang mga nakalista. Ang iba pa ay hindi ko maintindihan dahil tila partikular na salita lang ang nakasulat. Ibinalik ko na lamang ito dahil wala rin naman akong makukuha mula roon.

Sinunod kong buksan ang ikalawang lalagyan. May nakita akong puting paniklop. Kinuha ko ito at binuksan. Bumungad sa akin ang lumang dyaryo. Hindi ngayon ang petsa kundi ilang buwan na ang nakakalipas. Nakaramdam ako ng kaba ng mabasa ko ang ulo ng balitang nakasulat.

Ang publikasyon nito ay ipinatigil ni Lolo Arman dahil magiging kasiraan ito sa aming pamilya at sa negosyo. Malaki laki rin ang ibinayad ng mga Monticilla para lang hindi maglabas ng maraming kopya ng balitang ito dahil kahit kami ay walang ideya kung paano nangyari ang bagay na kanilang ibabalita. Dito nagsimula ang lahat. Nagsimula nang gabing iyon.

Hindi ko aakalaing magkakaroon ng kopya si Don Rivas. Paano niya nakuha ito? Kung ganoon, alam niya ang nangyari nang gabing iyon? Alam niya ang simula ng unti unting pagbagsak ng aming negosyo?

May kinalaman ba talaga ang pamilya Ercasio sa nangyari?

Halos mabitawan ko ang hawak na paniklop nang marinig ko ang pagbukas ng pinto. ¡Dios Mio! Hindi ako maaaring mahuli!

Mas lalo pang dumoble ang bilis ng tibok ng aking puso nang marinig ko ang kanyang pagyapak sa marmol na sahig.

¡Mierda! Mag-isip ka, Alleina! Mag-isip ka! Hindi ka puwedeng tumunganga na lamang diyan!

Anong gagawin ko? Tila di nakikisama ang aking katawan. Mistula akong natuod sa aking kinapupwestuhan.

¡Porquería, estoy condenada!

-----------------------------------------------------------

Mga Kahulugan

Porquería - shit
Estoy condenada - I'm doomed





Ercasio, El Menaje | On-GoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon