Patuloy ang lipat sa mga pahina, paglinga ng ulo mula kaliwapakanan, pagnamnam ng mga salitang ibinaon ng tinta at ang makabasag katahimikang pagsasalarawan ng mga ito sa kanyang isipan. Bumalik si Helena, dala ang isang maliit na bote ng tunaw na pangarap at di mabilang na mensahe mula sa nakaraan. Bawat palit ng kulay ng tinta, bawat gusot at tupi na sensyales ng matagal na pagkakatago, pati na ang habi ng mga letra at kung paano isinulat ang mga iyon, lahat untiunting bumibigat.
Lumipas pa ang ilang minuto, tila nahihirapan na ang binatang basahin ang walang katapusang mga mensaheng hindi dumating. Kasabay kasi ng pagdilim ng kalangitan dahil sa pansamantalang pamamaalam ng araw, tila nag-uusap-usap naman ang mga mabibigat na ulap upang magdilig ng kalungkutan sa sariwa pang gabi. Kaso tila mabisa ang sumpa ng unang pag-ibig kaya naiwan pa ring nakaupo sa swing si Julian.
Galit? Sa kanya? Siguro nagkaroon nga ako nun. Ayoko namang maging ‘drago’ at ‘draguhin’ ang sarili ko sa pamamagitan ng pagsasabing wala akong sama ng loob noong umalis siya. Katunayan, minsan ko ring ninais na gumawa ng isang Facebook Page tungkol sa mga naunsyaming pag-ibig at tatawagin ko itong “Ang Page Na Puno Ng Quotes Tungkol Sa Pagkukumpara Ng Pag-ibig Sa Isang Konsepto Noa Walang Kinalaman Dito”. Tapos sa umpisa, pupunuin ko ito ng mga quotes, gaya nung naipangako ng page title. Halimbawa:
1. Ang pag-ibig ay parang isang byahe, habang lumalayo ang distansya, lumalaki rin ang posibilidad ng disgrasya.
2. Ang pag-ibig ay parang eroplanong papel, tutupiin ka niya ng lambing, ihahagis sa kataas-taasang ligaya, pero kapag sumabit ka sa sanga ng puno o napadpad sa bubong ng kapitbahay ay iiwan ka niya doon hanggang sa mabasa ka ng ulan, gawing punasan ng pwet ng mga tambay na pusa at muling matuyo upang liparin ng hangin ang mga piraso ng durog mong puso papunta sa baradong kanal.
3. Ang love ay parang dove, wala lang, kasi nag-rhyme sila.
4. Ang pag-ibig ay parang roller coaster. Kung bakit ay hindi ko alam. Hindi pa ako nakakasakay dito. Wala rin akong balak. Pero isipin mo na lang, ang pag-ibig ay parang roller coaster. Yun na yun.
5. Ang pag-ibig ay parang hagdan. Masarap siyang itulak pababa rito.
6. Ang pag-ibig ay parang sudoku. Sinubukan kong laruin pero di ko nagustuhan ang resulta. Pwehhh!!!
7. Ang pag-ibig ay parang Rubik’s Cube. Sa umpisa akala mo buo na ang mga kulay, pero mamaya malalaman mo, hindi pa pala. Tapos iisipin mo ulit na buo na ang mga kulay, pero muli, hindi pala. Hanggang sa kumuha ka ng martilyo, pinukpok ito ng mga labinlimang beses at dinurog na tila mga piraso ng ngipin. Napagod ka pero nailabas mo ang inis. Nalungkot ka na lang ulit nang maisip mong hiniram mo lang yun sa kapatid mong sumbungero.
8. Ang love ay parang job. Muli, dahil nag-rhyme.
9. Ang pag-ibig ay parang pelikula. May tawanan, aksyon, dramahan at iyakan. At pag iniwan ka na niya, parang ikaw yung janitor na walang kalaban-labang magpupulot ng mga nagkalat na popcorn at natapong softdrinks ng iyong puso. Saka mo naisip, na sana, nag-callcenter agent ka na lang.
10. Ang pag-ibig ay parang saleslady sa mall na ayaw kang kausapin dahil wala sa porma mo ang may pambili ng tinda niya. Parang ‘drago’ lang na nag mula sa pinakaunang angkan ng mga ‘dragonians’ at naging tagapagmana ng ‘drago-sword’ upang maghasik ng “ka-draguhan” sa mundo.
Yun ang plano. Pero kung ‘sakaling kaunti lang ang mag-like o maubusan ako ng quote para sa aking page, malamang mag-copy paste na lang ako ng mga nakakatawang picture at video o kaya magpost ng litrato ng Mga Magaganda at seksing babae.
Mahirap naman kasing hindi magalit lalo na kung pumito ang referee, pinalapit ka sa free throw line tapos sa bandang huli, hindi ka naman pala patitirahin, para man lang malaman kung swak ba o mintis. Daig mo pa ang isang paslit na biglang hinila ang shorts pababa sa gitna ng mataong lugar tapos wala kang suot na underwear. Pero inaamin ko, lahat ng yun, mga hinanakit, tampo at kaunting galit ay nawala nung mabasa ko ang mga ito, nung ibigay niya sa ‘kin ang maliit na bote, nung makita ko siya ulit.
YOU ARE READING
Hopia At Kamote
HumorIsa itong patunay na nasa lahi natin ang pagiging creative, kahit konti. Kaya, kung sakaling mabasa mo ito sa mga susunod na araw, buwan o taon kung kailan mage-gets mo na, sana huwag kang matakot i-express ang iyong sarili in an artistic way. Isula...