Part 14

3 1 5
                                    

Ang malamig at tila makating pakiramdam sa kanyang likod ang gumising kay Julian. Pagmulat ng kanyang mata ay kanyang napagtanto na nahulog na pala siya sa sofa at kasalukuyang idinuduyan ng mapagmahal na sahig. Agad siyang bumangon, lumingon-lingon sa paligid gamit ang kanyang mga matang ayaw pang dumilat. Naalala niya bigla ang bisitang nakitulog. Marahan siyang lumapit sa kwarto at kumatok. Walang sumagot. Inulit niya pa ito nang ilang beses pero ganun pa rin ang resulta.

Naku po, binangungot ata si Anne. Paano ‘to? Wala pa man ding kamag-anak niya ang nakakaalam na dito siya nagpalipas ng gabi. Hala, life sentence ang aabutin ko nito pag nagkataon. Wala naman sigurong husgado ang maniniwalang kusang loob na sumama sa akin ang magandang babae na ito, nang walang kasamang pamumwersa at pamimilit. Inosente po ako. INOSENTE!!!

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto habang nakapikit ang mga mata, upang maiwasang makita ang hindi dapat malatayan ng paningin. Makailang beses niyang sinambit ang pangalan ng dalaga pero tulad ng sa text messaging, no reply. Idinilat niya ang kanang mata, para kung sakaling may maaninag na bawal, e kalahating kasalanan lang. Kaso isang bakanteng kama ang tumambad. Wala na rin ang damit na suot niya kahapon nang dumating sa bahay.

Mayamaya pa, nabaling ang kanyang atensyon sa labas ng kwarto nang marinig ang pagbukas ng pinto kasabay ng dalawang tinig ng babae. Laking gulat niya nang maabutan ang kanyang nanay at si Anne ha magkasamang dumating at abalang inihahain ang dalang almusal sa lamesa.

Julian: Oh, Ma! Akala ko ba sa Martes pa ang uwi mo?

Ermats: Akala ko nga rin. Kaso nabalitaan kong may sakit ka.

Julian: Paano?

Ermats: Ibinulong sa akin ng hangin at ikinuwento ng huni ng mga ibon.

Anne: (Tumawa) Mahimbing na ang tulog mo kagabi, hindi mo na ata namalayan yung paulit-ulit na pagtunog ng cellphone mo. Nung tingnan ko, nakasulat, Mama, kaya sinagot ko na.

Ermats: Kaya yun, nagmadali akong bumyahe pabalik dito. Alam mo namang hindi kita matitiis, anak.

Julian: Okay na po ako, Ma.

Ermats: So anong gusto mong palabasin, bumalik ulit ako sa Pangasinan dahil magaling ka na? Now na?

Julian: Hindi po.

Anne: (Nakangiti kay Julian) Kumain ka muna.

Sabay na kumain ang tatlo ng almusa!l. Tahimik na nagkape si Julian, habang ginawa namang palaman sa pandesal ng kanyang nanay at ni Anne ang mga nakakatawang istorya mula sa pagkabata niya. Mula sa hindi malilimutang eksena sa circumcision clinic hanggang sa unang sabak sa upuan ng dentista, namumulang nakinig si Julian nang walang kalaban-laban sa bawat eksena ng nakaraan na buong kakwelahang isinasabuhay ng kanyang nanay.

Napatingin siya kay Anne. Panay ang tawa nito. At halata namang bukal sa loob ang inilalabas nitong halakhak at hindi tipong “tawa ng paggalang” bilang tugon sa mga kwento ng kanyang nanay. Tumitig lang siya sa dalaga, kasabay ng paghigop ng kape. Hindi na niya alintana ang mga kwento ng kanyang nanay.

Maganda si Anne. Hindi nakakapagtakang handang isangla sa akin ni Julius ang kanyang kaluluwa magkaroon lang ng entry sa raffle ng puso niya. lbang klase siyang ngumiti. Parang alanganing ngiti ng kasiyahan, alanganing ngiti na tila nakadugas. Kakaiba. Parang laging may ibig sabihin. Yung mga mata naman niya, tila may alam na hindi niya gustong sabihin sa iba. Misteryoso. Pero habang ikinukwento ko sa kanya ang tungkol sa amin ni Helena, para bang matagal na kaming magkakilala. Sa totoo lang, wala akong ibang nasabihan ng ganun kadami, ka-personal at buong ka-seryosohan. Parang gumaan Iahat nung nasa tabi ko siya at nakikinig. Walang halong pambabara kagaya ni Mama o side comments kung sakaling idinulog ko ang problema iyong sa isang DJ sa radyo. May kung ano sa katahimikan niya na nagpapakalma sa akin. At anong ibig sabihin niyang “Dito lang ako”?

Hopia At Kamote Where stories live. Discover now