Part 11

4 1 7
                                    

Mga pagod na paa ang pasadsad na humahatak sa kanyang sapatos, habang buong ngitngit na kumakaskas ang swelas nito sa mala-dragon na kutis ng semento. Mga inis na pisngi ang bumubuhat sa mabigat na simangot na kanina niya pa bitbit. Mga nanghihinang balikat ang may dala ng kanyang bag na naglalaman ng walang katapusang katanungan. At halos mahati sa dalawa ang kanyang utak, sa pagpoproseso ng mga impormasyong kanina niya lang nalaman. Mula sa kanto na binabaan niya, hanggang sa maapakan ang sinisintang doormat ng kanyang nanay, na nakalapat sa labas ng kanilang pintuan, lahat ito ay kanyang ininda nang sabay-sabay.

Ano bang nangyari? Mali ba ang naging reflex ng katawan ko sa bawat impormasyong isinaksak niya sa aking tagiliran? Sabi nila, masama daw magsinungaling, kahit pa mabuti ang iyong intensyon. Pero bakit sablay pa rin ang resulta ng pagsasabi ko ng totoo? Hinusgahan ko ba siya? Hindi naman ah. Sana pala, nagtata-tumbling na lang ako sa harap niya habang nagwawagayway ng pompoms nung sabihin niyang aalis na siya. Baka sakaling naging matino pa ang ending ng araw na ito.

Pagpasok ng pinto, bumungad sa kanya ang kanyang nanay, nakaupo, tutok sa television at tila hindi kumukurap.

Julian: Andito na po ako.

Ermats: Andito din ako. Destiny?

Julian: (Ngumiti, umupo at tumabi sa kanyang nanay) Anong palabas?

Ermats: Maria La Del Monte Kitchenomics Mo Ako Iniwan.

Julian: Telenovela. So anong kwento?

Ermats: Ingay mo. Manood ka na lang.

Naghubad ng sapatos at hindi na umalis sa kanyang kinauupuan si Julian. Pilit na nakisimpatya sa nanay niyang libangan ang panonood ng mga teleserye. Gusto mang dumugo ng kanyang tenga sa mga gasgas na dialogue, sabunutan ng bagong rebond na buhok at tulakan sa hagdan, baka ito ang unconventional na sagot upang pansamantalang mawala sa isip niya ang mga sapot ng tanong at pangamba.

Ermats: Naku, ipapadala ang babae sa Amerika para hindi sila magkatuluyan nung bidang lalaki. Napakasama talaga ng madrasta niya. Kung taga dito lang yan, kanina ko pa dinibdiban yan eh.

Julian: Bakit ba pag ilalayo ang bida, kailangan sa Amerika? Bakit hindi sa Babuyan Island o kaya sa Spratlys? At least medyo malapit.

Ermats: Ewan.

Julian: At saka bakit puro sa bansa ng mga mapuputi gaya ng Amerika o sa kung anong lupalop ng Europa? Bakit hindi na lang sa Africa o kaya sa India? Racist siguro yung mga tagasulat ng script.

Ermats: Siguro.

Julian: At bakit ba laging may twist o masamang pangyayari na magbabago sa takbo ng istorya? Hindi ba pwedeng masaya na lang mula umpisa hanggang huli?

Ermats: Teleserye nga eh. Hindi children’s party.

Julian: Lagi pang may naiiwang luhaan. Bakit ganun? Dapat ipagbawal na ang mga palabas na ganyan. Sa sobrang dami nila, nahahawa na pati ang tunay na buhay. Sunugin ang mga teleserye, hanggang sa maging abo, at gawing pataba sa lupa. SSUUUUNNNUUGGGIIINNNN!!!

Ermats: (Tiningnan siya ng masama) Ano bang nangyayari sa’yo? Goons ka ba?

Julian: Hindi po.

Ermats: Ano bang problema?

Julian: Wala po.

Ermats: Tungkol ba kay Helena?

Julian: (Halata ang lungkot) Ma, ayoko po talagang pag-usapan.

Ermats: Okay. Okay. Malaki ka na, anak. At wala akong balak manghimasok sa personal na pangyayari sa buhay mo. Pwera na lang kung malapit ka nang magbigti. Noong bata ka pa lang, alam ko nang mabait at matalino ka. Kaya kampante ako na hindi ko kailangang magsisisigaw sa tenga mo kung anong dapat gawin. Pero may mga bagay lang talaga na kailangan mong matutunan sa pamamagitan ng pagsablay. Lalo na pagdating dyan sa puso. At tandaan mo lang lagi, lahat ng pangyayari sa buhay natin ay may dahilan. Natural lang na hindi mo makita kung ano yun sa kasalukuyan pero magtiwala ka, malalaman mo rin.

Hopia At Kamote Where stories live. Discover now