Part 7

5 1 4
                                    

Mabagal ang usad ng biyahe dala ng panggabing trapik sa kalsada. Malalakas na busina at sigawan ng ruta para makakuha ng pasahero ang pumupunit sa taimtim na gabi. Kaunting abante tapos ilang minutong paghinto. Paulit-ulit. Puno ng mga pulang ilaw ang itim na canvass ng lansangan. Pinaghalong yamot at antok ang bumabalot sa bawat pasahero. Maliban kay Julian. Gising na gising at halos di mabura ang ngiti, na kanina pa nakasemento sa kanyang mukha. Kung nakakapagmura lang siguro ang panga niya, malamang kanina pa siya sinigawan nito ng "Hoy!!! Lintik naman oh, poker face ka naman, ngawit na ako!!"

Papalit-palit ang kanyang pagtitig, mula sa kalsadang kanilang tinatahak, papunta sa maamo at walang kibong mukha ni Helena na kanina pa himbing dahil sa pagod. Maliban sa mangilan-ngilang beses na paggalaw upang umayos ng posisyon, tuluyan na nga ata itong naglakbay sa ulap ng mga panaginip. Kabaliktaran naman niya ang binata. Alerto, sa bawat munting kilos ni Helena upang masalo ang antok na ulo nito. Buo ang atensyon, sa pag-alala ng mga sandaling magkasama sila. Energetic, sa pagpapalit ng kanta sa mp3 player, baka kasi magising si Helena sa mga makadurog-bagang na lumang hits ng Slapshock. Sa tagpong ito, kahit pa siguro paghahampasin siya sa nostril ng basahang kinula sa chloroform ay hindi siya makakatulog. Daig pa ang suminghot ng kapeng barako in powder form. Wala nang timplahan.

Alam ko, masama ang isipin 'to, pero sana, may mga dumating na hubo't hubad na aktibista, na magpoprotesta laban sa pagbebenta ng skinny jeans at magpa-planking sila sa gitna ng kalsada. Sa ganung paraan, maaantala ang biyahe at mas lalong hahaba ang eksenang ito. Kahit buong magdamag. Hanggang sa oras ng almusal. Hindi ako magrereklamo. Hindi ako makakaramdam ng ngalay. Hindi ako aalis. Dyan ka lang, Helena.

Hindi man natupad ang hiling niyang rally na R-18, mabagal pa rin naman ang daloy ng trapiko. Dahil dun, medyo uminit ang temperatura sa loob ng jeep. Wala na kasi ang masagap at puno ng usok na hangin sa tuwing mabilis ang takbo ng sasakyan. Muli, pinagmasdan niya si Helena. Tulog pero mukhang hindi na rin komportable dahil sa init. Pinagpapawisan ang noo nito. Dali-daling dinukot ni Julian ang kanyang panyo Sa bag at buong ingat na pinunasan ang mukha ni Helena upang hindi ito magising. Maingat niyang ipinahid ang panyo sa noo, pisngi at ilong nito.

Mga bituin sa langit at bulalakaw sa kalawakan, maraming salamat sa pagkakataong ito. Alam ko, maraming lalaki ang pipila nang nakaluhod para lang mapunasan ang babaeng ito ng kanilang panyo, na tila rebulto ng isang santo. Makahanap nga ng nagbebenta ng sampaguita at nang masabitan ang leeg ni Helena.

Lumipas ang ilang sandali, muli na naman niyang pinagmasdan si Helena. Pinagpapawisan na naman ito. At tulad ng kanina, maingat niya ulit itong pinunasan. "Di yata sanay 'to sa ganitong klima. Its either lumaki siya sa buhay-aircon o may lahi silang eskimo", bulong ni Julian sa sarili. Mayamaya pa, umilaw ang kanyang imaginary light bulb. Binuksan niya ang bag at kinuha ang isang notebook, sabay punit sa back cover nito. Ibinalik ang minaltratong notebook sa bag at saka nagsimulang paypayan si Helena.

Naging mas maaliwalas ang mukha ng dalaga habang tumatama ang braso-generated hangin sa kanya. At lalo itong naging kapansinpansin dahil sa mga munting paggalaw ng kanyang buhok sa saliw ng hangin mula sa improvised pamaypay.

Napakaganda niya. Kahit sinong lalaki ang makakita ng kanyang ganda ay paniguradong mapapraning. Buti na lang, matagal na akong praning. Pero hindi ko pwedeng sabihing immune na ako. Dahil ngayon pa lang, sa tagpong ito, bumaliktad na ang mundo ko at walang kalaban-labang umikot sa kanya.

Tuloy lang ang kanyang pagpapaypay at walang imik na pagtitig nang biglang ...

Helena: (Nakapikit pa rin) Salamat.

Julian: (Nagulat) Gising ka na pala. Idlip ka pa. Malayo pa tayo.

Helena: Baka pagod ka na sa pagsandal ko?

Julian: Hindi ah. Malakas ata 'to. Sanay akong bumuhat ng isang sakong patatas.

Helena: So, mukha akong sako ng patatas?

Julian: (Natigilan at nag-isip ng isasagot)

Helena: Baka nangangalay ka na. Hindi na ako matutulog.

Julian: (Biglang sagot) Patatas ang nag-iisang gulay na gusto ko.

Helena: (Ngumiti at muling pumikit) Sige na nga. Patatas na lang ako,

Bago pa man makahirit ng pilosopong sagot na maaaring sumira sa tagpong iyon, muling sumandal si Helena sa balikat ni Julian sabay kapit sa braso nito at pumikit. Naiwan ang binata na tulala at walang kibo.

Ang saya ko. Sobrang saya ko. Siguro, kung may mag-uutos sa akin na tumalon palabas sa jeep na ito habang umaandar e malamang sundin ko. At pagkatapos kong humampas sa semento, mabangasan sa mukha, magalusan ang katawan at magkagutay-gutay ang damit, babangon ako nang buong sigla at ngingiti sa bawat makakasalubong with matching greeting na *Magandang gabi po, always be happy*, sabay takbo sa botika upang i-treat ang aking sarili ng ilang rolyo ng bandage at betadine. Ganun ako kasaya.

Gusto na sanang sumuko ng kanyang bibig dahil sa makapunit na laki ng kanyang ngiti, nang may sumingit.

Manong Driver: Ay ako rin, gusto ko ng patatas (sa malanding tinig). Patatas na ubod ng ganda (sabay ngiti, kindat at approve sign).

Julian: (Napangiti na rin, sabay senyas na wag itong maingay)

Itinuloy niya ang pagpapaypay hanggang sa malampasan na nila ang matrapik na bahagi ng biyahe. Bumilis na ang takbo ng jeep. Dumaloy na muli ang natural na hangin mula sa pag-andar ng matulin ng kanilang sinasakyan. Ibinalik niya sa loob ng bag ang pinunit na cover ng notebook at pilit inalala kung may scotch tape ba sila sa bahay.

At tulad ng ilang romantikong palabas, umabot na rin ang tagpong ito sa ending. Dumating din sila sa destinasyon. Dahan-dahan niyang

ginising si Helena at saka sila bumaba. ilang metrong lakad pa ang lumipas, nasa sakayan na sila ng bus.

Julian: Gusto mo, hatid na kita sa inyo?

Helena: Wag na. Okay lang naman ako.

Julian: Gusto mo bang kumain muna?

Helena: Pag-uwi ko na lang siguro. Hinihintay na rin nila kasi ako sa bahay.

Julian: Ah okay. Sige. Ingat ka.

Helena: Ikaw rin.

Julian: Wag ka nang matulog sa bus. Baka lumampas ka.

Helena: (Tumawa) Opo.

Julian: Ummmm.. Maaga naman ang tapos ng klase bukas...

Helena: Oo nga, bakit?

Julian: Wala lang.

Helena: Ano nga?

Julian: Wala.

Helena: 399-**-**

Julian: (Nabigla) Ha?

Helena: Tawagan mo na lang ako mamaya. Para di ka na mahiya.

Julian: Di ako nahihiya, no? (Sabay bawi) Ano ulit yung number mo?.

Helena: 399-**-**

Julian: Okay.

Helena: Sige, ayan na yung bus.

Julian: Ingat.

Huminto ang bus sa tapat nila, sabay bukas ng pinto. Yuyuko na sana at maglalakad palayo si Julian nang bigla siyang hawakan sa kamay ni Helena.

"Salamat sa pasyal. Salamat sa pagpapasandal, sa panyo at sa paypay. Salamat at naging masaya ang gabing ito," sabay lapat ng isang magaan na halik sa pisngi ni Julian bago tuluyang sumakay ng bus.

Wala nang nasabi ang binata. Pinagmasdan niya lang si Helena, mula sa bintana, habang naglalakad ito sa loob ng bus hanggang sa. naupo sa tapat ng bintana, ngumiti nang buong tamis at kumaway ng paalam sa kanya. Umandar palayo ang bus. Umabante ang iba pang sasakyan. Patuloy ang paglakad ng mga tao sa paligid patungo sa iba't ibang direksyon. Maliban kay Julian. Na naiwang nakatayo at nakahawak sa kanyang pisngi.

"Hindi ko makakalimutan ang gabing ito..."

Hopia At Kamote Where stories live. Discover now