"ALL OF THEM?"
"All of them. Shoot an Indian every chance you get."
Tupók ang Malabon. Halos ang Parroquia de San Bartolome lamang ang natirang buo't walang sira. Ang mga ibang gusali at bahay-bahay ay kung hindi man nagtamo ng sira sa pagpapaulan ng bala ng kanyon mula sa mga barkong nakadaong sa Navotas, sunog—sinunog—nang buong-buo sa pagpasok ng impanteryang Amerikano sa mga barrio.
Mainit at madugo ang harapan ng mga Amerikano at ng mga pwersang Pilipinong nakabantay sa Malabon. Inasahan na nilang papasukin ito ng mga Amerikano dahil minamadali na ng mananakop ang pagkuha sa Malolos. Dose-dosena nang Pilipino ang napatay ng mga Kano sa sagupaan, hindi pa kasama rito ang mga babae't batang 'di armado. "They're no better than dogs," ika pa nga ng isang opisyal.
Ang mga hindi naman napatay ay isinasakay ng mga medikong Tsino sa hila-hilang karitela, dadalhin sa panig ng Amerikano, kukuhanan ng retrato habang ginagamot...
"Saka sasabihing 'may malasakit kami sa mga kayumangging kapatid'. Kasuká-suká," bulong ni Aquilino sa katabi habang minamasdan ng dalawa mula sa may tulay ang labanán. Hindi sila nakaauniporme at nakikisiksik sila sa madlang nag-uusisa sa kaguluhan, mga taga-Malabon at mga correspondiente de guerra na may dose oras para makapagbigay sa Amerika ng kanilang ulat.
"Kapitan," bulong ng tinyenteng kasama ni Aquilino. Sinitsitan ito ni Aquilino. "Aquilino," pagtatama ng tinyente, "sa tulay."
Tumingin si Aquilino sa itinuro ng kasama, nagbabayangan sa itaas ng tulay ang dalawang Puti. Sundalong Amerikano ang isa, mukhang may katungkulan batay sa uniporme. "You've been such a pain in the ass lately," singhal nito sa kabangayan, "too bad I don't call the shots here."
Tuloy-tuloy pa rin ang putukan, at tuloy-tuloy pa rin ang pag-usisa ng mga tao, kabilang itong kabangayan ng Kano. Muntik siyang tamaan ng bala at napayuko. Sininghalan siya muli ng Kano at tuluyan siyang bumaba ng tulay.
"Tara, Lorenzo," bulong ni Aquilino sa tinyente. Lumipat ng pwesto ang dalawang kawal, nag-iingat na hindi paghinalaan ng mga correspondienteng naghahanap ng mabentang istorya. Nang sapat na ang lapit nila upang matanaw nang hindi nahahalata, sinipat nang mabuti ni Aquilino ang hitsura ng kabangayan ng Kano, tinapik niya nang dalawang beses sa kaliwang balikat si Lorenzo. Positibo. Lumayo ang dalawa sa madla, iniingatang huwag magmabilis upang hindi mahalatang naghahabol ng oras—maaring hindi lang isa ang espiya ng kalaban sa Malabon.
"Bumalik ka na sa Kapitan Rusca," agad na wika ni Aquilino nang makarating sila sa ligtas na posisyon. "Ipagpaalám mong nakita na ang Aleman. Maggagayak na rin ang Compania Villalobos at Compania Marasigan. Gwardahan kako ang Polo nang 'di makalusot."
Naghiwalay ang dalawang kawal, si Lorenzo pabalik sa cuartel, si Aquilino sa trintsera. Pagkarating niya sa posisyon ng Compania Villalobos sa trintsera, si Kapitan Marasigan ang agad niyang hinanap. Sinalubong siya nito, iniaabot sa kaniya ang iniwan niyang rayadillo pang-itaas.
"Ang Aleman?" bungad ng kapitan.
"Namataan ko sa tulay, Elena," tugon ni Aquilino. "Pinaalis ng mediko nang 'di madamay sa putukan. Panorte ang lakad ng Aleman, pero maaring bumalik sa kampuhan paghupa ng putukan," paliwanag niya habang isinusuot ang rayadillong ibinalik ni Marasigan.
"Gagawin na ba natin?"
"Sabihin mo na sa Coronel. Palayo naman na sa Maynila ang Aleman."
BINABASA MO ANG
[DRAFT] Forrajeros
Historical FictionSa kainitan ng labanan sa Malabon, nagsagawa ng operasyon ang hukbong Pilipino upang mapatumba ang isang misteryosong Aleman. Sa pamumuno nina Kapitan Aquilino de Villalobos at Kapitan Elena Marasigan, ginalugad ng mga maghihimagsik ang kagubatan sa...