Forrajeros, Part 3

3 0 0
                                    

TUMIGIL ANG MGA sundalong Amerikano sa isang masukal na bahagi ng Malinta, mayroong mga trintsera ngunit walang kawal. Inabandona marahil ng mga Pilipinong kawal sa nagdaang labanan nang dagsain ng kaaway ang bandáng timog ng Polo. Hindi gaanong nakapalag ang mga pwersang Pilipino, kahit humingi ng tulong si Aquilino sa pagbabantay rito, dahil mas kinailangang gwardahan ang Malabon—na ngayon ay napasok na ring tuluyan ng mga Amerikano.

Hindi tulad ng sa Malabon, hindi sinunog ng mga Amerikano ang mga kubong malapit sa mga trintserang natagpuan nila. O hindi pa. Wala ring saysay na sunugin nila agad. Wala naman silang natagpuang Pilipinong kawal. Napagpasyang magkampo muna ang brigada ng mga Amerikano sa abandonadong kampuhan.

"General Wheaton, Sir," tawag ng isang nakabihis sibilyang kasama ng mga Amerikano. "Refreshments?"

Inabutan ng Alemang nakabihis sibilyan ng tubig ang heneral. Sumenyas ang heneral, itinuro nito ang isa pang matandang opisyal, na bagamat 'sing-edad niya'y mukhang nanghihina na ang katawan.

Matapos ito'y tumulong ang Aleman sa iba pang gawain. Nagparikit ito ng apoy upang makakain muna ang mga sundalong Kano, at tumulong din sa mismong pagluluto. Inabutan ito ng isang tenyente ng puslit na serbesa, binalaan pa nga ito na huwag ipakita sa heneral, ngunit agad din itong nabuko nang maibato nito ang bote at nabasag ito.

"What the hell are you doing, you..."

Hindi lang pagkabasag ng bote ang bumasag sa katahimikan sa kinubkob na kampuhan; may kasama itong putok ng baril. Duguan ang kamay ng Alemang agad ding tumakbo, ngunit pinaputukan ulit at nadapa. Naalerto ang mga tropang Amerikano kaya't agad na kumilos ang dalawa pang rehimyento ng mga sundalo sa kaliwa at kanan ng kampuhan. Nagpaputok ang mga ito ngunit paunti-unti lamang at baka sariling kasamahan ang matamaan.

Namataan ni Aquilino ang tumatakbong Aleman. Tuwid ang takbo nito, at tila walang sugat. Dito napagtanto ng kapitán...

"Mali ang binaril ninyo!" singhal niya.

"Mali?"

"Ilan ba ang Aleman?"

"Natitiyak ba ng kapitán?"

Patuloy ang pagbubulungan ng mga kawal, ang iba pa nga'y minumura sa isip nila ang nagkamali sa pagbaril, ngunit bago pa nagkaturuan ang mga maghihimagsik ay ipinag-utos ni Marasigan na maghiwa-hiwalay ang mga pangkat na bumubuo sa kumpanya niya, sumama sa kani-kaniyang tinyente. Hindi nila hahayaang makalapit ang mga Amerikano.

"Pulutong Cruz at Salazar, sumama kayo sa akin," utos naman ni Aquilino. "Pulutong Ortega at Ilao, sa Compania Marasigan." Nagtanguan ang Tinyente Ortega at Tinyente Ilao, habang ang mga natirang kasapi ng Compania Villalobos ay agad humabol sa patakás nang Aleman.

"Tinyente Salazar, hindi kalayuan dito ang sunod na kuta. Malamang ay doon magtungo si Ludwig," ani Aquilino, "dumiretso kayo roon, sundan ang takbo ng Aleman. Hindi baleng hindi niyo abutan ang Aleman, iikutan namin ito ng Tinyente Cruz. Hahabol ang mga Kano. Kayo ang bahala roon."

Regular na pinagsisibakan ng kahoy ang lugar ng isa pang kuta ng Pilipino sa Malinta. May mangilan-ngilang kawal ang dito naglagi matapos umatras sa sa nangyaring labanán kamakailan lang sa Polo. Kasama nila rito ang mga sibilyang hindi man sapat ang kaalaman sa pakikipaglaban ay ibig tumulong sa hukbong maghihimagsik. Dito nagtungo ang Aleman na siya namang malugod na tinanggap ng mga tagarito. Pinatuloy siya sa isang kubo at inalok na magbihis ngunit tumanggi ito.

Hinagad ng dalawang pulutong ng Oregon Volunteers ang pulutong ni Tineyente Salazar, ngunit hindi magkapatayan ang magkabilang panig. Hindi gamay ng mga Amerikano ang masukal na bahagi ng Malinta, ngunit hindi rin makapagpaputok nang tuloy-tuloy ang Pulutong Salazar dahil walang tigil ang pagpapaulan sa kanila ng bala. Wala mang napabagsak ay napabagal nila nang husto ang pagsugod ng Oregon Volunteers.

Sinagupa naman ng Compania Marasigan ang Brigada Wheaton sa may trintsera. Nagamit nila nang maigi ang kapaligiran at nagmistulang patibong ang portipikasyong natagpuan ng mga Amerikano. Hinarang ng Pulutong Ortega at Pulutong Ilao ang mga naiwang Oregon Volunteers nang 'di masamahan ang heneral.

Halos kalahating oras nagtagal ang pagpapalitan ng putok bago magsimulang magtipid ng bala ang Compania Marasigan. Umalis sa tagông puwesto ang marami sa kanila at binati ng taga ang kaaway. Hiráp mang makipagsabayan ay buong-lakas pa ring lumaban ang mga Kano, ang ang Heneral Wheaton at ang isa pang matandang opisyal.

Samantala, naunang marating ng Pulutong Cruz ang kuta bago ang Pulutong Salazar. Ipinagtanong nila kung may misteryosong taong namataan sa paligid. Ipinakalat din ni Tineyente Cruz ang utos na mag-armas ang mga noo'y nagpapahingang kawal. May isa nga raw "Kastila" ang pumasok doon at nagtatagô, sabi ng isang matandang gulát na gulát nang biglang nagsitutok ng riple ang mga tao ni Cruz sa bagong datíng na dayo—dayuhan, duguan ang kamay at gilid ng isang hita.

Nakasilip sa durungawan ng kubo si Ludwig. "Scheiße", bulong nito nang makita ang Pulutong Cruz.

"¿Hablas español?"

Hapô si Marasigan, nakaluhod siya't at nakatutok ang kaniyang rebolber sa dibdib ng matandang opisyal na kaniyang binalya habang pinagtataga ng Compania Marasigan ang mga tao nitong matandang Amerikano.

"Si," halos walang boses na sagot ng matandang opisyal habang nakahiga sa lupa, walang lakas ang pagtabig para mapausog man lang ang pagkaliit na si Marasigan.

"Si," sagot ni Ludwig habang nakadiin ang lumang Remington ni Aquilino sa tagiliran niya.

"¿Veterano?" tanong ni Marasigan na marahang tinanguan ng matanda.

"¿Ultimas palabras?"

Ipinakitang malinaw ni Ludwig na hindi siya armado . Umubo ang matandang opisyal.

"Soy anciano," sambit ng matanda.

"Puede trabajar para ti," pagmamakaawa ni Ludwig kay Aquilino.

"Finish me off," anang matanda. Sa kainitan ng sagupaan ay napatayo si Marasigan at hindi naitutok nang ayos ang rebolber at sa bandáng tiyan timanaan ang beteranong sundalo. Napagulong na lang ito sa sakit habang tinatakbuhan ang ni Marasigan ang bala ni Heneral Wheaton.

"Palabras patéticos de un hombre patético," nakangising sagot ni Aquilino bago niya kalabitin ang gatilyo ng ripleng nakadiin sa tagiliran ng Aleman.

Kinapkapan ni Aquilino ang katawan ng naghihingalo't duguan Aleman. Nahugot ni Aquilino ang isang rebolber sa baywang ng pantalon nito, may iisang bala, maaaring tandang may mga lihim itong handang dalhin sa hukay. May higit na importansya ang mga papel na nakaipit sa bulsa sa loob ng tsaketa ng Aleman. Habang binabasa ni Aquilino ang mga ito ay may kamay na pumatong sa kaniyang balikat.

"Kapitan, tara na." Si Tinyente Salazar. May narinig silang ibang putok ng baril pagdating ni Tinyente Salazar.

Walang habas na pinaputukan ng Oregon Volunteers ang mga kubo, maging ang mga kumpol-kumpol na sinibak na kahoy, tila wala nang pakialam kung sibilyan o sariling tauhan pa ang kanilang matamaan. Agad na lumikas si Aquilino at ang iba pang naroroon, hindi na nagpaputok nang mapansing hindi lang ang dalawang pulutong na humabol kay Salazar at sa mga tao nito ang dumating sa kuta. Upang masigurong hindi babalik ang mga Pilipino sa kuto ay sinilaban ng mga Kano ang mga kubong naroroon. Tulad sa Malabon.

Mapalad ding nakatakas mula sa Brigada Wheaton ang Compania Marasigan nang walang nasasawi, ngunit hindi ito ganap na mabuting balita. Mga bantay sa Malabon ang sumaklolo sa Compania Marasigan at sumalubong sa Kansas Volunteers ng Brigada Wheaton, nangangahulugang bumagsak na rin sa kamay ng mga Amerikano pati ang Malabon. Mapapadali na ang pagpasok ng mga ito sa Malolos, papalapit sa presidente.

Sa Meycauayan na muling nagkatagpo ang mga kumpanya nina Aquilino at Marasigan. Nagpaiwan dito ang mga pulutong nina Ortega at Ilao upang tumulong sa depensa ng mga taga-Meycauayan at upang makabalik din nang ligtas sa cuartel ang iba pang miyembro ng Compania Villalobos at ang buong Compania Marasigan. Labag man sa loob ni Aquilino ay ibinalik niya ang saludo nina Tinyente Ortega at Tinyente Ilao, hindi malabong huling saludo na niya sa dalawang ito.

[DRAFT] Forrajeros Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon