KASABAY NG PAG-ALIS Compania Villalobos at Compania Marasigan ay binaybay ng ilang kawal ang Ilog Tuliahan, pailalim sa tulay ng malabon ang paghatid nila ng pulbura sa mga tropa sa isa dulo ng tulay na nakikipagsagupaan sa mga Amerikanong nasa kabilang dulo. Abala ang mga sundalong Kano sa pagsalubong sa kanilang mga "kayumangging kapatid" na may dalang mga gulok hanggang sa hindi na nila nabatid ang paghahanda ng ibang pang kawal sa pagpapasabog sa isang bahagi ng tulay.
Higit pa rin ang bilang ng mga Amerikanong pwersang pumasok sa Malabon kaysa ang mga bantay ritong Pilipino. Pansamantalan mang naputol man ang koneksyon ng mga Amnerikano sa iba nilang kasamahang magmumula sa Maynila ay agad pa rin nilang nakubkob ang Malabon sa pagsunog sa mga tahanan ng mga residente at sa pagpapaulan ng bala ng kanyo mula sa mga barko nila sa laot.
Palayo sa pinasabog na tulay ang rutang inikutan nina Aquilino at Marasigan, papasók sa Bulacan. Mahaba ang rutang ito, ngunit mas ligtas. Hindi maiwasang mag-alala ni Marasigan para sa mga kasamahang naiwan sa Malabon.
"Kapitan Villalobos," tawag ng isang kawal, "ilang tao baga ang hanap natin?"
"Isa."
Natigilan ang halos lahat ng kasapi ng dalawang kumpanya sa sagot ni Aquilino; iisa pala, bakit pagkadami nating magkakasama?
"Kung tama ang hinala namin sa taong ito, maaring ang mismong Republika ang nasa peligro," paliwanag ni Marasigan. "Nagpaloko na sa mga Amerikano ang mga opisyal. Tama na ang dalawang Puting mananakop."
"Maari rin namang wala, o wala na, siyang ugnayan sa Alemanya, pero kung sa mga Amerikano man siya tapat, mapanganib na tao pa rin ito," dagdag ni Aquilino.
Tila hindi pa rin nakuntento sa mga sagot na ito ang mga kawal, ngunit sa puntong iyon ay wala na silang magagawa kundi sundan ang dalawang kapitán. Masyado nang delikado ang bumalik sa Malabon. Ligtas man ang mga kasamahan, paniguradong sila'y mahaharang dahil hahanap din ng ibang ruta ang mga pwersang Amerikano matapos ang pagpapasabog sa tulay.
Dumaan sa masukal na bahagi ng gubat ang dalawang kumpanya. Nagsabit-sabit sa mga uniporme ng mga kawal ang mga sanga ng ilang halaman sa pagbaybay ng bahaging ito ng gubat kaya't tarantang-taranta namang tinanggalan ni Aquilino ng mga bala ang riple at rebolber niya sa takot na aksidenteng mapaputok ang alin man sa dalawang ito. Napansin ni Elena at ng ilang kawal ang ginawa ni Aquilino at gumaya ang iba sa kanila.
Sa paglalakbay sa gubat ay idinetalye na ng dalawang kapitán sa mga kasamahan ang tungkol sa Aleman: nasa trenta y cinco años, bahagyang mas nakulayan ng araw ang balat kumpara sa mga kasama nitong Amerikano dahil sa tagal nito sa Pilipinas. "Panahong narito pa ang mga Kastila, nabalitaan nang nagliliban-bakod na itong Aleman. Hinala ng mga Kano, espiya ng Alemanya, tinitiktikan ang galaw ng mga Espanyol," ani Aquilino. "Ngayong wala na'ng Espanyol, naging alalay ito ng Amerikanong heneral."
"Noong Enero, nabalitaan ni Ansa na nasa Iloilo si Ludwig. Mula sa mga Amerikano rin ang impormasyon," ani Marasigan.
Sinong "Ansa"? Sinong "Ludwig"? saisip-isip marahil ng mga kawal. Ipinaliwanag niya kung sino si Ludwig, ngunit hindi na si Esperanza. Ibig na munang alisin ni Marasigan sa isip niya si Esperanza.
Inabutan na sila ng paglubog ng araw, hindi pa nila namataan muli si Ludwig. Napilitan na si Aquilino na ilabas ang gulok at tabasan ang mga halaman sa paligid kahit gagawa ito ng ingay. Mukhang wala na rin namang makaririnig. Pinagtanod ng dalawang kapitán ang ilang kawal habang ang mga naiwan ay nagtulong-tulong sa pag-aayos ng kanilang pagkakampuhan para sa gabing iyon. Nang magkaroon nang kaunting espasyo sa gitna ay agad na silang nagpaapoy bago pa tuluyang abutin ng dilim. Nagputol ng mga tuyong kahoy ang mga kawal bilang panggatong para sa buong gabi. Nagtalaga si Aquilino ng mga pares ng magtatanod mula sa kaniyang kumpanya, dalawang pares na tatlong oras magbabantay, sa hilaga at kanluran. Sa kumpanya ni Marasigan ay ganoon din, sa timog at silangan naman. Kung walang mamataang Aleman o Amerikano ang mga pares, magpapalit ng tanod. Kung mayroon, mauunsyami ang kaunting pahinga ng dalawang kumpanya.
Natapos ang pagtatanod ng unang apat na pares nang walang namamamataang kaaway at wala ring tulog o pahinga man lang ang dalawang kapitan. Nakahigang nagpipigil ng likot si Aquilino, paupo-higa si Marasigan. Maya't maya'y napapansin ng mga kasamang nagigising nang saglit ang pagliligalig ng dalawang kapitán, ngunit hindi na nila inabala ang mga ito.
"Hindi ka mapakali, Elena," wika ni Aquilino.
"Ikaw rin," balik ni Elena, "akala mo ba'y 'di ko pansin?"
"Wala akong balak itago 'yon. Hindi ako matatahimik hangga't hindi natin ito natitiyak."
"At kung hindi pala totoo ang hinala natin? Nasayang lang din ang pagod."
"Hindi bale. Sana nga'y hindi na lang tunay. Magpahinga ka, Elena. Ibinilin ka sa'kin ni Esperanza. Ako ang malilintikan 'pag nagpakita kang wala sa kundisyon."
"Binanggit mo pa." Lumayo ng tingin si Elena. "Kaya ko na'ng sarili ko. Masyado naman mag-alala 'tong si Ansa."
"Noon pa man."
"Ano kamo?"
"Noon pa man, labis na'ng takot ni Esperanza na may magpahamak sa'yo. Kamuntikan na niyang pasabugin ang bungo ko nang malaman niyang alam ko ang tungkol sa inyo."
Napalingon muli si Elena sa kasama, hindi mawari kung gumman ba ang pakiramdam niya o lalong bumigat.
"Alam mo namang nagkaroon ako ng pagtingin sa kaniya, hindi ba? Natakot marahil si Esperanza na may gawin ako sa'yo. O ang Katipunan kapag nalaman ng mga kasama."
Bumuntong-hininga si Elena. Naghalukipkip din siya, maaring sa lamig, o maari ring may ibig sarilihan muna. Hindi na siya tinanong ng isang kapitán tungkol dito, sa halip ay bumangon na lang sa pagkakahiga si Aquilino, inusog ang sarili sa pwesto ni Elena nang 'di tumatayo. Inakbayan ni Aquilino si Elena.
"Alam ko, alam ko," bulong ni Aquilino, "hindi ako si Esperanza, pero ito lang ang maibibigay ko sa'yo. Bilang kaibigan. Magpahinga ka, Elena."
"Ikaw rin, Aquilino." Ngumiti si Elena, ngiting tila maiiyak. Naging mas maluwag ang paghinga ni Elena sa mga natirang oras ng gabi, bagamat hindi halos nakatulog. Hindi rin halos pumikit si Aquilino, paniwalang obligasyon niya bilang kapitán ang huwag umasa lang sa mga tauhan niya.
Nakabalik na't lahat ang ikalawang pangkat ng mga tanod at wala pa rin silang namataang Aleman, pero may mga narinig silang kaluskos, mga nabaling maliliit na sangang natapakan ng matigas na bota at mga dahong kumakaskas sa lupa at iba pang mga dahon habang nilalakaran ng mga magkakasunod na tao.
BINABASA MO ANG
[DRAFT] Forrajeros
Historical FictionSa kainitan ng labanan sa Malabon, nagsagawa ng operasyon ang hukbong Pilipino upang mapatumba ang isang misteryosong Aleman. Sa pamumuno nina Kapitan Aquilino de Villalobos at Kapitan Elena Marasigan, ginalugad ng mga maghihimagsik ang kagubatan sa...