"HINDI TANGA SI Señor Aguinaldo," wika ng Heneral Antonio Luna. Tila padabog ang paglapag niya sa mesa ng dokumentong nakuha sa katawan ni Ludwig.
Sumabat si Aquilino, "May lagda ng pangulo ang papel, Heneral—"
"Pero ikaw, Kapitan Villalobos.... hindi ko maitatangging mahusay ka."
Inilabas ni Rusca ang ang unipormeng malalim na asul at may mga markang pula sa manggas, malapit ang putol sa lumang unipormeng Kastila. "Ano ba'ng sabi ko, Aquilino? Makakapasa kang Tirador."
"Dios mio, Eduardo. Sa malapitan ko napatay ang Aleman. Hindi rin malinis ang naging pagkilos, at lalong hindi ko ito mag-isang nagawa."
Tumango si Rusca, may panghihinayang ang ngiti sa kaibigan.
"Tatanggapin ko ito," dugsong ni Aquilino, "sa ibang pagkakataon. Hayaan niyong patunayan ko muna talaga ang sarili ko."
"Ang dokumento," kay Luna naman tumingin si Aquilino, "hindi ho ba natin ito dapat ikabahala? May lagda ng Presidente Aguinaldo ang papeles ni Ludwig. Maari ngang hindi niya alam ang mga pakay nito, pero peligro pa rin ang maaring idulot nito kung ganito lang pala kadaling makapasok ang dayuhan sa hanay natin."
"Piénsalo, General," ani Esperanza na agad na sinalubong ng yakap ni Marasigan na nahuli sa pagdating sa cuartel. Pagkalaki ng ngiti ni Marasigan ngunit hindi rin nagtagal dahil sa yamot na titig ni Luna.
"Pag-iisipan ko," malamig na tugon ng heneral, bago ito sumandal sa dingding.
Nagpaalam si Aquilino kay Rusca, matapos ay sumaludo siya kasama sina Marasigan at Esperanza kay Luna. Mabilis na bumangon sa pagkakasandal si Luna at tumayo nang tuwid upang ibalik ang saludo, bago naupo muli sa tabi ni Coronel Roman para pag-usapan ang laman ng mga dokumentong nabawi ni Aquilino. "Suerte, capitan y capitana," pangantyaw ni Luna bago tuluyang lumabas ang tatlo sa kubo.
Nang makalayo nang kaunti sa kubo, agad na tanong ni Aquilino sa dalawang kasama, "Ako lang ba'ng may alam?"
"Si Itay rin, siyempre. Ay, naalala ko bigla..." Hinampas ni Elena ang braso ni Esperanza. "Bakit mo naman pinagtangkaan 'tong isa dati?"
"Nagsalita ang hindi nagtangka sa'kin," nang-iinis na sagot ni Esperanza sa nobya.
"Ikaw kasi, mukha kang espiya," panising kantyaw ni Elena.
"Bueno..."
Habang nagtatawanan ang dalawa ay napansin nilang bumagal ang paglakad ng kasama, bahagyang natutulala, tila nalulunod sa sariling iniisip. Tinapik-tapik ni Esperanza ang braso ni Aquilino hanggang sa napasalita ito.
"Disgrasya," sambit ni Aquilino. "Para sa isang tao, disgrasya ang pinasok natin. Patawarin pa sana ako."
"Mahirap, oo," sambit ni Elena, "pero bahagi ito ng pakikidigma." Tumango rin si Elena, nakangiting may lungkot din sa mga mata.
Nagtiim ang bagang ni Aquilino, at matapos ang ilang sandali ay huminga nang malalim. Naghiwalay na ng lakad si Aquilino at ang magkasintahan. Hindi pa gaanong nakalayo, nilingon agad ni Aquilino ang dalawa sabay batî, "Buena suerte, Capitana.... y Capitana."
Sabay na sagot ng dalawa, "Mucha mierda."
BINABASA MO ANG
[DRAFT] Forrajeros
Historical FictionSa kainitan ng labanan sa Malabon, nagsagawa ng operasyon ang hukbong Pilipino upang mapatumba ang isang misteryosong Aleman. Sa pamumuno nina Kapitan Aquilino de Villalobos at Kapitan Elena Marasigan, ginalugad ng mga maghihimagsik ang kagubatan sa...