Kung magkakaroon ka ng pagkakataon upang mahalin, tatanggapin mo ba ito kahit na alam mong may nagugustuhan ka ng iba?
Kung 'hindi' ang iyong sagot, baguhin natin ang kayarian ng tanong.
Kung bibigyan ka ng pagkakataong makatikim ng butil ng pag-ibig, ikaw ba'y sasalok at mangangahas na tikman ito?
...
Ito si Miguel. Isang matalino, masiyahin at kwelang tao. Madaling lapitan, hindi nang-iiwan at tiyak na maaasahan sa oras ng pangangailangan.
Sa madaling salita ay isang imahe ni Adan na tiyak na pagkakaguluhan ng maraming kababaihan.
Heto naman si Alexa. Isang relihiyosa, mapagmahal at mapagkalingang kaibigan. Tahimik subalit may paninindigan sa mga bagay na kanyang pinaniniwalaan. Higit sa lahat, hindi marunong tumalikod at hindi mang-iiwan.
Isang depiksyon ni Eva na tiyak na bibihag sa puso ng madlang kalalakihan.
Bigla na lamang silang pinagtagpo ng tadhana at dahil sa labis na pagkagalak ni Kupido ay pinaglaruan silang dalawa.
Una pa lamang ay napahanga kaagad ni Miguel si Alexa at dahil sa madaling lapitan, agad na napansin ng binata ang kamay na inilahad ng dalaga para sa kanya. Habang unti-unting lumalapit si Alexa sa binata ay doon unti-unti niyang nakita ang itsurang natatakipan ng makapal at mapanlinlang na maskarang nakasuot sa lalaking hinahangaan. Subalit sa kabila ng lahat ng kasinungalingang iyon ay mas lalo lamang lumalim ang kanyang naramdaman.
Hindi na namalayan ng dalawa na sila pala ay nagsasalitan na ng "Kumusta ka?" at "Kumain ka na ba?" at habang lumilipas ang araw ay mas lalong nahuhulog ang sa binata si Alexa na siya namang nag-aakalang sabay na lumulukso ang puso nila para sa isa't-isa.
Subalit hindi katulad ng mga romatikong aklat na ating nababasa, sina Miguel at Alexa ay hindi kailanman pwedeng magsama. Sapagkat si Miguel ay hindi katulad ni Zeus na nabibighani sa kagandahan ng mga kababaihan.
May lihim na hinahangaan ang binata na pilit man niyang itanggi sa kanyang sarili ay hindi niya maikaila. Habang lumalalim ang pagkagusto ni Miguel sa iba ay ganoon din at labis pang pagtatangi ni Alexa sa kanya.
Nang dumating sa kasukdulan ang bawal na pag-ibig na namumuo sa kaibuturan ng puso ng binata ay doon na siya nagpasyang ilayo ang sarili niya sa iba. Hinubad ang maskarang kay tagal din niyang isinuot at mag-isang kinaharap ang lahat ng kalituhang nararamdaman.
Nagsimulang kamuhian ni Miguel ang kanyang sarili. Naroon ang mga araw na hindi siya makatulog kaiisip sa mga bagay na hindi niya maintindihan. Batid niyang mayroong masakit sa kalooban niya na batid niyang hindi malulunasan.
Hanggang sa dumating ang isang kalutasang dala ng isang binibini. Si Alexa na siyang nangakong sa tabi ng binata ay mananatili. Ipagtabuyan man ng iniibig, siya'y 'di nagpaawat. Katulad ng araw na hindi mapigil sa pagsikat.
Sa ilalim ng madilim na gabi, sa aninag ng liwanag ng buwan. Lumapit si Alexa kay Miguel na noon ay punong-puno ng kalungkutan. Mababanayad sa kislot ng mata ng lalaki ang walang katumbas na pighati, na kahit luha ay hindi sasapat bilang panukli.
Walang kibong binawi ni Miguel ang malamig niyang titig. Katahimikan naman lamang ang iminutawi ng kanyang bibig. Nabigla na lamang siya nang biglang dalawin, ng yakap na tila isang hindi imbitadong panauhin.
Doon nagsimulang banggitin ng dalaga ang kanyang pag-ibig, na siyang sinabayan ng mga pusong labis kung pumintig. Kung nasa pelikula lamang sila ay tiyak na maganda ang magiging wakas. Ngunit sa kasamaang palad ay isa lamang sa kanila ang umiibig nang wagas.
"Alexa, hindi tayo para sa isa't-isa. Nagkakamali ka kung iniisip mong lubusan mo na akong kilala."
"Kilala kita higit pa sa paraang naiisip mo kung gaano kita kakilala. Noon pa, nakikita ko na sa'yong mga mata.
Nangako ako noong mananatili ako hindi ba? At kahit na ipagtabuyan mo ako ngayon, I will insist to stay with you. No matter how hard it is, mananatili ako. Kahit magalit ka sa akin kahit na paulit-ulit mo akong saktan, mananatili at mananatili ako.
Kapag hindi mo na naiintindihan ang sarili mo, at nakakalimutan mo na kung gaano ka kahalaga, mananatili ako para intindihin ka at ipaalala sa 'yo kung gaano ka kahalaga.
Hindi ko naman hinihinging mahalin mo ako pabalik. Ang gusto ko lang naman ay matutunan mo ring mahalin ang sarili mo at habang hinahanap mo pa ang daan pabalik sa dating sigla mo, hayaan mo akong ako muna ang mag-alay ng pagmamahal sa'yo."
Pagkatapos sabihin ni Alexa ang mga salitang iyon, ay doon na rumagasa ang hindi mapawing luha ni Miguel. Sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi makapaniwala ang binata na pagkatapos ng mahabang panahon ng kalungkutan ay noon lamang siya matagumpay na nakaluha.
"If this isn't a love story, I will still be your Juliet who'll recklessly drink a poison just to be with you.
I love you, no matter what and who you are."
"Please stay..."
...
Kung sa iyo nakasuot ang sapatos ni Miguel, Magiging ikaw ba si Romeo?
Titikman mo ba ang butil ng pag-ibig na inaalok sa iyo?