Kasalukuyan kong inaaninag ang paglubog ng araw sa bintana. Ang kulay asul at kahel na espasyo na pawang naglalaban sa kalangitan ay bumubuo ng kakaibang ganda na siyang nakakapanghalina sa mata ng lahat ng makakakita. Ito'y napakarikit at nakakabighani. Wala na akong iba pang maisip na salita na aangkop at tutumbas sa nakikita ng aking paningin. Kapareho ng walang katulad na saya na nararamdaman ng aking puso, dulot na kasama ko ang aking pamilya.
Mula sa bintana ay unti-unti ko nang nakikita ang dilim. Marahil gabi na at oras na para ang mga bituin naman ang magpasikat ng kanilang tinataglay na ganda. Gandang hinahangaan lamang ng mga taong nag-iisa, sa gabing malamig na ang kasama ay sarili at walang iba. Matagal na panahon din akong napag-isa. Walang kasama sa isang silid at lumuluha. Wala akong naging kaagapay kung 'di ang liwanag ng buwan at mga bituin na natatanaw ko mula sa bintana na sa t'wing tititigan ko ay pawang nagsasabi na hindi ako nag-iisa. Kaya natutunan kong ngumiti at sumaya kahit na kakaunti.
Sa loob ng apat na sulok ng kwartong ito na lamang umiikot ang aking mundo. Tuwing nilalabas ko lamang ang aking mga kamay, nasisikatan ng araw ang balat ko. Lubhang napakatagal talaga ng oras dito sa loob, at kahit sanay na ako ay nababagot pa rin ako nang marubdob.
Hindi rin malinaw sa akin kung alin ang kahapon.
Marahil dala ng paulit-ulit kong mga ginagawa hanggang sa magdapit-hapon.
Maging ang nakalipas na ng isang taon ay tandang-tanda ko pa rin kahit lumipas na ang panahon. Ganito tumatakbo ang buhay ko sa araw-araw,
Paikot-ikot lamang ngunit kahit kailan ay hindi nai-ibabaw.
Hanggang sa isang umaga ay unti-unting nagbago ang mga bagay na nakikita ko.
Ang dating malungkot na silid na ito, ay napuno ng saya at halina.
May mga ibon na dumadalaw sa akin sa umaga, mga bulaklak sa tanghali at buwan at bituin sa gabi. Hangang sa paulit-paulit na lamang ang lahat nang nangyayari.
Nanalangin ako sa Kanya at ito'y ipinasubali -- dahil hindi parin ako lubusang masaya.
Gusto ding makita ang aking ama't ina.
Hanggang sa bigla nga silang dumalaw sa akin dito sa aking silid.
Na mayroong mata na ang luha ay ngilid. May dala silang kare-kare, eskabetche, nilaga, tapsilog, hotsilog, kaplog, minudo, adobo, guisado, sarciado, mechado, barbeque, banana cue, kamote cue at marami pang iba.
May dalang gitara rin si papa, na siyang ginamit niya para tugtugin ang paborito naming kanta.
Nang sandaling iyon ay labis-labis ang aking tuwa at galak. Masaya kahit simple lamang at namumuhay nang payak.
Sa wakas ay nakikita ko na ring muli ang saya sa ngiti nilang dalawa,
Na kay tagal ko ding pinangulila at inaasam na makita sa tuwina.
Sapat na sa akin ang lahat ng ito. Ang makasama sila sa silid na ito kung saan lahat ng bagay ay totoo.
Simula ng araw na 'yon, lahat ay nagbago na.
Ang dating malungkot ay ngayon, kahit papaano'y masaya na.
Hindi na ako masyadong nalulungkot pa,
Dahil mga mahal ko sa buhay ngayon ay nandito na.
Hindi lamang doon nagtapos ang lahat. Kabutihan ng kapalaran sa akin wari'y hindi pa rin sapat.
Isang araw nagising ako sa isang lugar na matatawag na paraiso.
Maraming bulaklak sa paligid katulad tuwing Flores de Mayo.