"Tagu-taguan maliwanag ang buwan. 'Pag bilang kong tatlo nakatago na kayo," malakas na pagkanta ni Yuno.
"Daddy dalian mo at baka mahanap tayo ng anak mo!" natatarantang sambit ng asawa ko. Hindi ko alam kung anong naisipan ng dalawa at gusto nilang makipaglaro ng taguan.
"Mommy naman eh! Bakit dinadamay mo pa ako rito?" yamot kong sabi sa kanya.
"Isa..."
"Huwag ka na magreklamo daddy. Magtago ka nalang at huwag kang gagawa ng ingay kung ayaw mong ma-dead okay?"
"Dalawa..."
Napakamot na lang ako sa ulo matapos kong mapagtanto na wala na rin akong pamimilian pa kun’di ang magtago na lang.
"Tatlo... game!" turan ni Yuno, saka masigasig na simulan ang paghahanap.
Kasalukuyan ako noong nasa loob ng CR. Doon ko na napagdesisyunang magtago dahil sa iyon ang pinakaposible kong pagtaguan na hindi ako mahihirapan. Kailangan ko lang maghintay na mahanap kami ni Meia ng anak naming si Yuno.
Sinadya kong mag-iwan ng maliit na siwang sa pintuan ng CR nang sa ganoon ay hindi maghinala si Yuno na naroon ako sa loob at upang sa gayundin ay makita ko ang mga pangyayari sa labas.
Ilang sandali lamang ay bigla nagpakita si Yuno. Mukhang seryosong-seryoso ang anak ko na mahanap kami ng mommy niya.
"Daddy, Mommy? Nasaan po kayo?" usal niya.
Sa sobrang ka-kyutan niya ay hindi ko mapigilan ang manggigil sa kanyang pisngi habang pinanonood ko siyang maghanap.
Unti-unti itong lumakad sa gawi ng pinto ng CR kung saan naman ako nagtatago. Nagawa pa nitong sumilip sa maliit na siwang ng pinto at nilagpasan ito matapos makitang madilim ang silid mula sa loob nito.
Tuwang-tuwa naman ako nang lagpasan niya ako. Sa pakiwari ko pa ay tama ang napili kong lugar na pagtaguan.
Dala ng labis na tuwa ay naisipan kong ilabas ang aking cellphone upang contactin si Meia.
–Mommy, anong balita? Nahanap ka na ba ng anak mo?
Sabay padala ko ng mensahe sa kanya.
Sobrang dilim noon sa CR ay ang ilaw mula sa screen ng cellphone ko lamang ang tanging nagbibigay liwanag sa doon. Bukas noon ang cellphone ko dahil hinihintay ko na magreply si Meia sa mensaheng ipinadala ko, nang nagulat ako matapos may tumulong pulang likido sa screen ng cellphone ko.
Bago pa man ako tuluyang makapag-react ay nakarinig naman ako ng isang putok ng baril mula sa labas na siyang bumasag ng noon ay nakakabinging katahimikan. Nasundan ang putok ng baril ng isang malambing na tinig.
"Boom mommy!" rinig kong sabi ni Yuno sa tuwang-tuwa nitong tono.
Halos lumuwa ang mata ko mula sa kinalalagyan nito nang makita ko kung paanong kaladkarin ni Yuno si Meia na noon ay may tama ng baril sa kanyang tagiliran at walang malay.
"Daddy, nasaan ka na?" sigaw ni Yuno habang hawak nito ang isang baril na marahil kanyang ginamit upang barilin si Meia.
Kitang-kita ko noon mula sa maliit na siwang sa pintuan kung paanong iikot ni Yuno ang kaniyang ulo na parang isang robot. Nang masaksihan ko iyon ay doon ko na napagtanto na hindi si Yuno ang batang iyon. Isa iyong nilalang na ginaya ang wangis ng anak ko.
'Kung gayon nga, nasaan si Yuno?' tanong ko sa likod ng aking isipan na siyang nabigyang kasagutan rin matapos kong maalala ang pumatak na dugo sa screen ng aking cellphone.
Dahil sa hilakbot na aking naramdaman ay napatakip na lamang ako ng aking bibig at sinikap ang aking sariling hindi makagawa ng kahit na anong ingay.
Doon na unti-unting bumilis ang tibok ng puso ko. Malabo man ang lahat sa isipan ay may isang bagay akong tiyak. Hindi tao ang kalaban namin. Kung ano mang nilalang siya ay marahil ginaya niya ang itsura ng aking anak matapos nitong isilid ang anak kong duguan dito sa loob ng CR.
Lumipas ang ilan pang sandali ay umalis ang nagpapanggap na Yuno at iniwan niya ang walang malay na si Meia sa sahig.
"Daddy galingan mo sa pagtatago. Huwag mong kukunin si mommy okay?" pasigaw pa nitong usal sabay lakad palayo.
Nang matiyak kong wala na ang pekeng Yuno ay doon na ako lumabas ng CR upang dalhin si Meia sa loob.
Matagumpay ko namang nagawa iyon at nang nasa loob na kami ni Meia ay agad kong kinandado ang pinto. Binuksan ko ang ilaw at inilabas ang aking cellphone.
Agad ko rin namang nabitawan ang cellphone ko nang lingunin ko ang pinanggalingan ng pumatak na dugo sa screen ng cellphone ko.
Iyon ay ang ulo ng anak kong si Yuno na siyang nakalambitin sa kisame ng CR.
NGUNIT ang labis na nagpahilakbot sa akin ay ang makita ang isa pang bangkay. Bangkay ng isa pang Meia na siyang nakahandusay sa lapag.
Dahan-dahan akong lumingon sa aking likuran at doon tumambad sa akin ang noo’y nakatayong Meia na nagtutok ng baril sa aking noo.
“Boom daddy!”