Napakabigat sa kalooban ang makita ang lahat ng mga punit na larawan sa daanang binabagtas ko.
Ito lang ang mga basurang nagkalat sa kalyeng ito na ipinagmamalaki ko na naging kayamanan ko.
Sariwang-sariwa padin ang lahat ng mga bagay na nangyari sa lugar na ito kahapon.
At mababanaag parin ang lungkot sa buong pook hanggang sa ngayon.
Walang paraan para malimutan ko kung paano ko pinunit at itinapon ang mga iyon sa harapan ni Pearl, ang babaeng walang sawang sumusuporta sa lahat ng bagay na ginagawa ko.
Siya ang palaging naroon sa tuwing masaya ako, kapag kailangan ko ng inspirasyon para sa isang bagay na kailangan kong gawin, sa panahong bigo ako at walang naniniwala sa akin maging sarili ko.
Siya ang naroon para sa akin.
At heto ako, ginagawa ang lahat ng paraan para lubayan niya na ako.
Ayoko na kasing makita ang pagmumukha niya.
Ayoko nang marinig ang boses niya.
Maski ang pangalan niya ay kinakalimutan ko na.
Wala lang!
Nagsasawa na kasi ako sa mukha niya at masyado na siyang nanghihimasok sa buhay ko.
Magkaibigan lang naman kami.
Hindi ko naman siya kadugo o kasintahan.
Hanggang doon lang talaga kami, sa aming pagkakaibigan.
At ayaw ko nang ganoong klase ng kaibigan.
She must know her place. At matututunan niya lang 'yon sa ganitong paraan.
Noon din ay luminga-linga ako sa paligid.
Nagmamasid at baka may kung sino ang nagmamatyag sa akin.
Pagkatapos pa ng ilan pang sandali, inumpisahan ko nang pulutin ang lahat ng punit na larawan sa lupa.
Mga larawan ng maraming ala-alang masarap gunitain at balikan.
Marahil kung hindi ko sana ipinagtabuyan si Pearl ay marami pang larawan ang madadagdag sa aming koleksyon.
Sa hindi ko malamang dahilan ay napopoot ako sa sarili ko.
May kung anong bagay ang nagpapakirot at kumukurot sa damdamin ko.
Pero kung ano pa man iyo ay wala na akong paki-alam.
At wala akong pinagsisisihan sa pagtulak sa dati kong kaibigan palayo sa akin.
Punong-puno na ako sa lahat ng mga bagay na pinakiki-alamanan niya.
Maya-maya pa ay napahinto ako sa pagpupulot ko nang makita ko ang isang larawan namin ni Pearl.
Ang larawan namin sa gitna ng ulan.
Ito ang sandaling hinding-hindi ko malilimutan sapagkat ito ang araw kung saan unang beses akong naligo sa ulan ng masaya.
Kahit basang-basa ang gamit ko sa eskwela ay ayos sapagkat kasama ko naman si Pearl.
Noon, siya lang ay sapat na para sa akin.
Kahit iwanan ako ng lahat ayos lang.
Kahit walang naniniwala sa akin ay ayos lang.
Kahit na kamuhian ako ng lahat ay ayos lang basta nasa tabi ko ang kaibigan ko.
Si Pearl 'yung nagmulat sa akin sa kagandahan ng buhay sa daigdig.
Na hindi naman kailangan ay gawin mo ang lahat para matanggap ka ng mga tao sa paligid mo.