CHAPTER 30: Part 2 - AMOR

24 0 8
                                    

Narrator's Point of View

"MAGAYO-"

Naudlot ang pagtuyabaw ni Parim'nawa nang takpan ni Ganok ang kanyang bibig.

"Mahal na ba-i, hindi makabubuti sa ating dalawa kung maririnig nila ang iyong singgit." Sambit nito habang patuloy pa ring hinaharangan ang bibig ng binibini na kinalaunan ay tinanggal niya rin naman.

Luha na lamang ang tanging naging tugon ni Parim'nawa nang masdan nito kung paano sila isa-isang pinaslang. Napaluhod na lamang siya nang mga sandaling iyon habang nanangis sa kalunos-lunos na sinapit ng kanyang mga kaibigan.

Ngunit nang mga pagkakataong iyon ay di lamang pala siya ang nakararamdam ng labis na pagkalumbay sapagkat nasaksihan rin ng diwata ng buwan ang lahat ng mga naganap. At kagaya ni Parim'nawa ay wala na rin siyang magawa kundi ang manood na lamang.

"Nǐ méi dǎ tā! Shì yuànzhǎng de nǚ'ér! (Hindi siya ang iyong natamaan! Anak iyon ng isang datu!)" Singhal ni Datu Anarong na kasalukuyang nasa tabi ng Punong Kawal ng mga Intsik.

"Nín wú quán xiàng zhèyàng yǔ wǒmen dì hǎijūn shàng jiàng jiǎnghuà! (Wala kang karapatang bumulalas sa harapan ng aming pinuno!)" Pagpalag naman ng isang kawal-intsik na siyang tila kanang kamay ng punong kawal.

"Bù, tā shì duì de. Méiguānxì. (Hindi. Tama ang kanyang mga sinalita. Ayos lamang iyon.)" Turan naman nito sa isa sa kanyang mga kawal.

"Yīncǐ, wǒ bìxū kāi qiāng. Tāmen dōu bìxū huózhe. (Kinakailangan ko muling magpalipad ng isa pa, kung gayoon. Walang nararapat na matira sa kanila.)" Tahasang usal ni Xi Mao sabay bunot ng palaso at saka itinumbok sa kinaroroonan ni Wang Ji.

Nang pumantay na ang talim sa patutunguhan nito ay saka inunat ng punong kawal ang pisi ng pana at akma na sana nitong pakakawalan ang palaso ngunit isang malakas na hangin ang bumuga mula sa kalangitan kasabay ng kulog na nagpadagundong sa buong paligid kaya naman natigilan ang punong kawal sa dapat nitong gagawin.

"Binibini, nag-ngingitngit ang papawirin. T-Tayo na!" Banggit ni Ganok habang hawak nito si Parim'nawa sa kanyang kanang kamay samantalang nakasalag naman sa kanyang mga mata ang kaliwa dulot nang napakalakas na pagbuga ng hangin nang mga saglit na iyon.

Dahil doon ay hindi na nakatanggi pa si Parim'nawa at kahit na labag pa sa kanyang kalooban ay nilisan niya na ang lugar na iyon at sumama kay Ganok pabalik ng Pilak-Balayon.

Pagtataka naman ang umusbong sa isipan ng diwata ng buwan nang mga sandaling iyon sa kadahilanang batid niyang hindi siya ang may gawa ng kakaibang ikinikilos ng kalikasan. Gayunpaman ay nakita niyang mainam ang ibinunga ng mga naganap pagkat dahil sa lakas ng hangin at sa bagsik ng mga kidlat sa alapaap ay napilitang umatras ang pulutong nina Datu Anarong at Xi Mao.

Nagdaan ang ilang sandali matapos ng pag-alis ng mga kawal-intsik ay ang siya namang pag-gapang ni Wang Yoon sa kabuhanginan upang tumungo kay Arsisa na tinakasan na ng kanyang hininga. Siya na lang ang natitirang may buhay nang mga saglit na iyon pero ramdam na nito ang nalalapit niyang wakas. Ngunit kahit na ganoon ay pinilit niya pa ring tumungo sa babaeng kanyang iniirog.

May dinukot siya sa kanyang kasuotan at mula roon ay inilabas niya ang isang hikaw na ngayon ay balot na sa dugo.

Ibinuka niya ang kaliwang kamay ni Arsisa at inilapag ang palamuting-tenga sa kanyang palad.

"Di ko sukat akalain na sa pagkakataon ko pang ito ibibigay sa iyo ang bagay na iyan.. s-subalit wala na akong mapamimilian pa. Sa susunod nawa ay magtugma pa rin ang ating mga landas.." Sambit ni Wang Yoon kasabay ng pagpantay ng kanyang mga paa.

SERENDIPITY || The Adventures of My Astral BodyWhere stories live. Discover now