• Alien •

193 13 4
                                    

                                                        • • • • • •

Akala ng magkapatid na Bagwis at Mayumi ay isang kakaibang nilalang na ang nakita nila sa taas ng kanilang bahay. "Mommy.. tinakot mo naman po kami." Sabi ni Mayumi.

"Ang O.A niyong dalawa ah. Naglagay lang ako ng pampatanggal ng wrinkles sa mukha ko at saka pipino."

"Ganun po ba mommy? Hehehe." Natatawang sagot ni Bagwis.

Iniakyat na ni Bagwis ang kapatid sa kwarto nito at pumasok na rin ang kanilang ina sa kwarto nito. Papasok na rin sana sa kwarto si Bagwis para makapagpahinga. Naalala niya ang makapal na usok na sa tingin niya ay nanggagaling sa park.

'Kinakabahan ako.. parang may nag-uudyok sa akin na pumunta ako sa park' usal nito sa sarili habang nakatayo sa harap ng pintuan ng kanyang kwarto. Hanggang sa mapagdesisyunan niyang pumunta sa park.

Naglakad na pababa sa hagdan si Bagwis at dumiretso na muna sa repair shop para kumuha ng gamit na ipanlalaban kung sakaling may mangyaring masama sa kanya. Hawak ngayon ni Bagwis ang isang tubo, mabuti na lang at wala ng tao sa kalsada ng mga oras na 'yon. Kung hindi mapagkakamalan siyang nagwawala o may kaaway.

'Ano kaya 'yung bumagsak.. baka 'yung bulalakaw kanina o di kaya... Hindi maaari' usal nito sa kanyang isipan. May pumapasok sa isip ni Bagwis na baka isang spaceship ang bumagsak at hindi isang bulalakaw.

Sa hindi kalayuan ay may natatanaw siyang isang babae na nakahandusay at nadaganan ng sanga ng puno. Pero hindi niya nilapitan dahil iniisip nito na baka mapagbintangan siya. Napatingin si Bagwis sa gawing kaliwa, "Ano 'yan!" Mahinang sigaw nito.

Pinorma ang hawak niyang tubo. Mahigpit ang pagkakahawak niyang 'yon, habang humahakbang papalapit sa umuusok na bagay sa gitna ng parke. 'Sasakyan kaya ng alien 'yon?' usal nito. Iniling-iling ni Bagwis ang ulo, 'Ano ba pinagsasabi mo. Hindi totoo ang mga alien.' Mahinang sabi nito sa sarili. Para siyang nasisiraan ng ulo dahil sa pakikipag-usap nito sa sarili.

Isang mala-platito ang nakita ni Bagwis. Nanginig ang kanyang mata at nanlaki ng makita ito. Sasakyan ng isang alien nga ang nakita niya. "Totoo ba 'to." Mahina niyang sabi.

Kitang kita nito ang makapal na usok mula sa mala-platitong bagay. Hinawi niya ng tubo ang usok para makita ang loob nito. Nanginginig at kinakabahan siya habang papalapit sa hindi pangkaraniwang bagay.

"ALIEN!!!" Sigaw nito.

Nakita ni Bagwis ang nilalang na nasa loob ng mala-platitong sasakyan. Walang malay at putol ang paa. Hindi na siya pumasok sa loob ng spaceship dahil nasa labas na ang ulo ng alien at padapa ang porma nito. Nabitawan ni Bagwis ang tubo, sabay atras. Ilang sandali pa ay nagtatakbo na ito pauwi sa kanilang bahay.

"ALIEN!! ALIEN!! ALIEN!!" Paulit ulit na sigaw nito. Hindi na niya binalikan pa ang babae na nadaganan ng sanga ng puno. Hindi niya alam na si Tala ang babaeng 'yon. Dahil sa kaba at takot, nanginginig na umupo sa sofa si Bagwis ng makauwi. 'Alien.. alien.. ay hindi robot.. robot..' usal nito sa sarili.

Hindi na napigilan ni Bagwis na ilabas ang takot na nararamdaman. Nagsisisigaw ito sa loob ng kanilang bahay. Dahilan para magising ang mommy niya at ang kanyang kapatid.

"ANO BA SINISIGAW SIGAW MO D'YAN BAGWIS!" Sigaw ng ina niya na nasa itaas.

"Alien.. alien.." mahinang sagot nito.

"Anong sabi mo?" tanong ng ina niya.

Nakaupo at nakahawak sa ulo si Bagwis at pinagpapawisan ng matindi. Bumaba si Mayumi para kausapin ang kuya niya.

"Kuya.. anong po ang nangyari sa'yo? Bakit pinagpapawisan ka?" tanong ng kapatid.

"Alien.. alien.." mahinang sagot nito sa kapatid.

Tumingala si Mayumi at isinigaw sa kanyang mommy ang sinabi ng kanyang kuya.

"Hay naku.. ikaw na ang bahala diyan sa kuya mo. Pagod lang siguro 'yan kaya kung anu-ano ang pinagsasabi." Sagot ng mommy nito. "Oo nga pala. Nagtext si Tala, nasa park daw siya." Dagdag nito.

Pumasok na ulit sa kwarto ang ina ng magkapatid para makapagpahinga. Hindi siya naniwala sa sinabi ni Bagwis na nakita nito ang alien sa parke. At mukhang hindi narinig ni Bagwis ang sumunod na sinabi ng ina, na nasa park din si Tala. Pero si Mayumi ay naniniwala sa sinasabi ng kanyang kuya.

"Kuya, puntahan po natin ang alien. Saan mo po ba nakita ang alien? Saka sabi ni mommy nasa park daw po si ate Tala." Pangungulit ni Mayumi at pag-uulit sa sinabi ng ina.

Napatingin sa kanya ang kapatid at hinawakan niya ito sa dalawang balikat. "Ma-mayumi--"

"KUYA! PARANG HINDI KA PO LALAKI! TARA NA PO PUNTAHAN NA NATIN ANG ALIEN! BAKA MAMAYA NAPAHAMAK NA SI ATE TALA SA PARK!"

Hindi na napigilan ni Mayumi na masigawan ang kanyang kapatid. Pero hindi sigaw ng isang galit na tao, kundi sigaw ng pag-uudyok na puntahan na nila ang kakaibang nilalang. Hinila ni Mayumi ang kapatid palabas ng bahay habang patuloy naman sa panginginig ang katawan nito. Nanlalambot si Bagwis ng sandaling 'yon. Kahit ayaw niya'y nahihila siya ng kapatid palabas ng bahay nila. At nang bumalik na sa kanyang sarili, "AYOKO!! AAAAHHHH!!" Sigaw nito at tumakbo ulit pauwi ng bahay.

Naiwang mag-isa si Mayumi sa kalsada at mag-isang pupunta sa park para puntahan ang alien na sinasabi ng kanyang kuya. 'Ano ba 'yan si kuya. Iniwan akong mag-isa. Mabuti na lang at hindi ako takot sa mga alien--' bulong ni Mayumi sa kanyang isip.

Nagpatuloy na ang batang si Mayumi sa pagpunta sa park, kahit na mag-isa lang siya, hindi siya natatakot sa kung anumang peligro ang mangyari sa kanya. Ang importante sa kanya ngayon ay makita ang alien na sinasabi ng kanyang kapatid.

                                                        • • • • • •

QWIMI (ɘƚɘlqmoƆ) - Revising/EditingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon