#HHFM Special Chapter 02
Whistle
* * *
RYO
"Bad, 'Addy," sabay hampas niya sa braso ko ng wand niya. Nang makitang nayupi ang star sa dulo ng wand niya ay lalo lang sumama ang timpla ng mukha niya.
Paano naman ako naging bad? Inawat ko lang naman siya saglit sa paglalaro para punasan ang pawis niya sa likod.
Napapalatak ako bago kuhanin sa kaniya iyon para ayusin. Ang sama ng tingin niya sa akin. Parang kasalanan ko pa kung bakit nayupi ang wand niya e siya naman ang humampas sa akin.
"Ayan, okay na." Binalik ko sa kaniya ang laruan. Nanunulis na ang nguso niya nang kuhanin sa akin iyon.
Tinawag siya ni Raianne mula sa salas kaya naman tinalikuran na niya ako. Padabog pa.
Napakamot na lang ako sa ulo. Mamumuti yata ang buhok ko nang maaga sa mga anak ko.
Pumunta ako sa salas at nadatnan si Lyra na paikot-ikot habang bini-video ni Raianne. Ginagawang laruan ni Raianne ang bunso ko. Sana lang ay hindi lumaking bratinella dahil sakit sa ulo n'on, panigurado.
Wala namang okasyon pero naka-tulle dress pa si Lyra. Tinadtad ni Raianne ng hair clips ang buhok niya at wala naman akong reklamo roon. Kapag kasi ako ang nag-aayos ng buhok ni Lyra, maya-maya lang, gulo-gulo na ulit. Buti itong naka-clip ang buhok niya kaya malinis pa ring tingnan.
Umupo ako sa katapat na couch at pinanood lang siyang magpaikot-ikot. Kapag siya nahilo mamaya, mag-iinarte na naman.
Tahimik lang si Raiko sa tabihan ko na nanonood ng TV. Big boy na e. Dito kami sa bahay magdi-dinner at hinihintay lang naming makauwi sina Frankie at Mommy.
"Lyra," saway ko nang mapaupo na siya sa sahig. Ako na nga ang nahihilo sa kapapaikot-ikot niya. Natatawang itinayo siya ni Raianne.
Inii-snob pa rin ako ng bunso ko. Iisang beses lang naman akong na-late na dalhin 'yong gusto niyang cake, nagkaganiyan na siya. Sabi ni Frankie, nagtatampo lang daw. Tulog na kasi si Lyra pag-uwi ko sa bahay at kinaumagahan na niya nadatnan ang cake na inuwi ko.
Simula no'n, hindi na niya ako pinapansin kahit anong iuwi kong toys. Si Tita Raianne na lang niya lagi ang bida sa kaniya. E minsan, iyong dala ni Rai, ako naman ang bumili.
Nadagdagan pa yata ang tampo niya nang makitang umiilaw ang sapatos na binili ko kay Raiko. Kaya ang ending, pumunta kaming mall para ibili rin siya. At kung mamalasin nga naman, walang pumasok sa paa niya. Sa akin na naman siya nagtampo. Parang kasalanan kong walang size niya sa department store.
Ang hirap maging tatay. Pagdating kay Lyra, parang lahat kasalanan ko.
"How?" tanong niya kay Raianne nang marinig niyang sumipol. Inulit iyon ni Rai. Gumaya pa si Raiko.
"Ganito ka, baby," sabay turo ni Raianne sa labi niya. Ginaya siya ni Lyra pero kita kong nahaharangan ng ngipin niya ang dapat ay lalabasan ng hangin. Nakanguso lang tuloy siya na parang magpapahalik.
Sumipol ulit si Rai. Nang gawin ni Lyra iyon, walang tunog dahil wala ngang lalabasan ang hangin. Naging 'shhh, shhh' lang tuloy.
"Mali," natatawang sabi ni Raianne. Nakailang ulit sila roon kung paano ba sumipol.
Pinanood ko lang silang magturuan, dahil alam kong mabilis ma-frustrate si Lyra. Noong isang beses ngang hindi namin matanggal ang ipit niya, mangiyak-ngiyak na siya dahil ayaw niyang matulog nang nakatali ang buhok.
Ganoon na nga ang nangyari. Lalo lang yata siyang na-stress nang makitang kaya ni Kuya Raiko niyang sumipol at siya lang ang may hindi alam. Humigpit ang kapit ng dalawang maliliit niyang kamay sa wand niya. Nangingilid na nga ang luha nang tumingin siya kay Kuya Raiko niya.
Napunta ang tingin niya sa akin, nakanguso pa rin at panay ang mangiyak-ngiyak na 'shhh, shhh.'
Napangiti ako nang may maisip. "'Lika rito."
Sumunod din naman siya agad. Ganito siya e, sunod agad sa Daddy kapag walang ibang kakampi. Nagta-try pa rin siyang sumipol pero hindi niya yata talaga makuha na hindi niya dapat pagdikitin ang ngipin niya para tumunog.
Binuhat ko siya at pinaupo sa hita ko. Itinuro niya gamit ang wand ang kuya niyang nasa tabihan ko.
"Daddy, how?"
"Hindi rin maalam si Daddy e," pagsisinungaling ko.
Pumaling ang bilugin niyang mga mata sa akin. Pinigilan kong matawa. Iiyak na siya e. Namumula pa naman ang mukha niya kapag umiiyak. Baka mamaya, madatnan pa ni Frankie. Mas malala, mapansin ni Mommy. E baka mamaya ako na naman ang ituro ni Lyra na may kasalanan kung bakit siya umiyak. E di lagot ako. Lagot ako kay Frankie, lagot pa ako kay Mommy.
Ginaya ko ang ginagawa niya kanina para may karamay siyang hindi marunong sumipol. Hanggang sa hindi na siya nangulit kung paano ba talaga sumipol at nakuntento na lang sa pag-'shhh' niya dahil may kagaya na siya.
Hindi na siya umalis sa hita ko. Kahit nang kakain na, at puwede naman na siyang pumuwesto sa bukod na upuan, nanatili siyang nakakalong sa akin. Si Raianne na ang tinatapatan niya ng wand at wini-wish na maging frog. Kahit noong tinawag siya ni Frankie para ayusin ang tali ng buhok, hindi siya lumapit.
Kay Daddy lang daw siya dahil parehas kaming hindi marunong sumipol.
Jackpot. Kaso lang, kailangan kong alalahanin na hindi ako puwedeng marinig ni Lyra na sumipol. Kapag nabisto niyang nagsisinungaling ako, pahirapan na naman.
BINABASA MO ANG
Fleeting Moments
RomanceTHE WATTY AWARDS 2021 WINNER: ROMANCE Due to an unexpected pregnancy, ex-lovers Ryo and Frankie are forced to live under the same roof. They can't stand each other but when the moments from their past are slowly catching up, their lingering feelings...