The Accident
Kasalukuyan namang nasa isang bar si Carvy at nagpapakalunod sa pag- inum ng alak. Hindi pa rin tumitigl ang luha niya sa pag-agos kasabay ng wala ring tigil na paninikip ng kanyang dibdib. Hindi pa rin siya halos makapaniwala na hiwalay na sila ni Anthony at ikakasal na ito sa ibang babae sa susunod na buwan. Buong akala niya ay ito na ang lalaking makakasamaa niya sa buong buhay niya, hindi pala dahil nakalaan na ito sa iba.
“Bakit mo gina-gawa sha akin to Anthony?” lasing na siya ngunit wala pa siyang balak na tumigil sa pag-iinum. Gusto niyang magpakalasing para makalimutan niya ang sakit na nadarama. Dahil kung hindi baka ikakabaliw niya ang nangyari sa kanila ngayon ni Anthony.
“Ngayon lang to, Maricarvy,ngayon lang.”kausap niya sa sarili. Pinagtitinginan na siya ng ibang custumer pero wala siyang pakialam.
“Huwag mo silang pansinin Maricarvy, basta magpakalasing ka lang. Ngayon mo lang ipagluksa ang paghihiwalay niyo ni Anthony. Bukas makalimutan mo na lahat ng sakit.” tila baliw na patuloy niyang pakikipag-usap sa sarili.
Kanina pa tumatawag ang mga kaaibigan niya, wala siyang sinasabi sa mga ito at alam niyang kuryuso lang ang mga ito sa naging date nila ni Anthony. Alam din niyang isa din ang mga ito sa masasaktan sa nangyari sa kanila ni Anthony. Dahil sa limang taon nilang relasyon ay saksi ang mga ito sa pag-iibigan nila. Muli na namang kumirot ang dibdib niya ng maisip ang mga masasayang alaala nila ni Anthony. Patuloy naman sa pagtulo ang luha niya, hindi na niya napigilang humagulgol sa mesa. Sobrang sakit ng nararamdaman niya, na tila hindi na siya makahinga sa sakit.
“I hate you Anth-thonyy!”malakas niyang sigaw na ikinagulat ng lahat ng taong naroon sa bar. Bigla tuloy naalarma ang manager at pinaawat siya sa bouncer. Pinipilit siya ng mga ito na paalisin na.
“Hey, anong kharapatan niyong pa-aalisin ako dito?”galit niyang baling sa mga bouncer.
“Maam, lasing na po kayo. Ayaw naman po naming mandamay kayo sa iba naming custumer kaya ikukuha ko nalang kayo ng taxi para makauwi kayo sa inyo.”paliwanag ng isang bouncer na labis na ikinainit ng ulo niya.
“Bahkit, anong akala niyo hindi ko kayang magbayad sa nainum ko? Hoi, kung sino man kayo, wala kayong pakialam sa buhay ko kaya pabayaan niyo akong magpakalasing. Walang bashagan ng trip!”galit niyang wika sabay tulak sa mga ito at tinungga pa ang laman ng bote.
“Pero maam nag-eskandalo na po kayo sa bar namin.”lumapit na rin ang manager ng bar sa kanya.
“Hindi ako nag-eskandalo, kayo ang mga atribida!” galit niyang wika sa babae. Halos lahat naman ng taong naroon ay nasa kanya ang mata.
“Kayo, anong tinitingin-tingin niyo diyan? Ngayon lang ba kayo nakakita ng lasing?” galit naman niyang baling sa ibang custumer.
Nakita niya nagtitinginan ang mga ito. Sumenyas naman ang manager ng bar na ilabas na siya. Kaya ng sapilitan na siyang akayin ng dalawang bouncer palabas ng bar ay wala na siyang nagawa. Iniwan lang siya nito sa gilid ng kalsada. Pasuray-suray naman siyang naglalakad, habang naghihintay ng masakyang taxi. Gusto na niyang maiyak sa inis dahil pati taxi ay tila pinagkaisahan siya. Ilang minuto na siyang naghihintay ngunit walang bakanteng taxi na dumaan sa harapan niya. Nakaramdam na siya ng pagkahilo dahil sa dami ng nainum lalo pat hindi siya sanay sa pag-inum ng alak. Tumingala siya sa langit, nakita niya ang maraming bituin na nagkikislapan, naalala niya tuloy ang magulang lalo na ang ina. Wala sa sariling kinausap niya ang mga bituin na tila iyun ang tatay at nanay niya.
“Tay, Nay bakit ang daya niyo? Bakit hinayaan niyo akong mag-isa? Kung ganito din lang ang buhay ko di sana isinama niyo nalang ako diyan sa itaas.” umiiyak siya habang binibitawan ang mga salita na iyun.