chapter 5

1.8K 168 16
                                    











Unedited...

May dalang pitong pirasong sardinas at noodles ang dalawang pinsan ni Brandon na galing sa bayan na nagbenta ng ginto. Nalaman niyang tatlong daan na lang pala ang naiuwi nila dahil binayaran nila ang utang sa bumibili ng ginto dahil bumali sila noon. Sa isang linggo nilang pagpapagod, iyon lang ang naiuwi nila. Magkano lang din ang benta ng sinibak na kahoy ni Brandon na binuhat pa nila mula rito pababa.

"Wala ba kayong sasakyan dito? Hindi ba nandito sa Mindoro ang tamarraw?" tanong niya. Siyempre kapag sabihing Mindoro, mga mangyan at hayop Tamarraw agad ang nasa isip ng mga tao.

"Wala kaming Tamarraw. Mahal 'yon eh. Wala kaming pambili," sagot ng binata.

"Gusto kong makakita ng Tamarraw," sabi niya.

"Hindi ka pa nakakita?"

"Hindi pa. Kalabaw pa lang."

"Magkamukha lang sila ng Kalabaw pero mas matulis lang ang sungay ng Tamarraw," sagot ng binata. Isa sa ipinagmamalaki nila ay Tamarraw na dito lang sa Mindoro matatagpuan. Isa pa sa nakakatakot ay paubos na rin ang mga Tamarraw.

"Okay lang 'yan," sabi ni Arianna na nalulungkot. Nakikita niya ang pagsusumikap ng mga ito at sobrang kulang pa ang kinikita kaysa sa pagod na inilaan nila sa trabaho.

"Okay lang. Tara, kain na tayo," yaya ng binata.

Nasa mga mata ng mga kabataan ang galak nang makitang sardinas ang ulam nila. Napabuntonghininga ang dalaga at naupo saka pinagmasdan ang mga ito habang masaganang kumakain at nag-aagawan pa sa isda ng sardinas na tig-iisa. Ang isang bata ay kinuha pa ang lata ng sardinas at nilagyan ng kanin sa loob para simutin ang sarsa nito.

"Kain ka na," sabi ni Brandon na inabutan siya ng sardinas na sadyang tinabi ng mga ito sa kanya at may tatlong piraso ng sardinas.

"Huwag na, yung baboy-ramo na lang ang iulam ko," sagot niya at kinuha ang platong may inihaw na karne ng baboy-ramo mula kagabi. "Ibigay mo na lang 'yan sa mga bata."

Siguro sobrang yaman na nila dahil hindi siya kumakain ng sardinas at minsan ay pinapakain lang nila sa asong kalye ang sardinas.

"Sigurado ka?" tanong ni Mica.

"Oo, salamat. Masarap ang karne ng baboy-ramo," sagot niya na sinawsaw sa suka at magana nang kumain. Nakakatunaw sa puso na sa halip unahin ang mga anak nila, inuuna pa siya na bisita lang nila. Siguro special na sa mga kanila ang sardinas dahil minsan lang sila makakain tapos kakaiba pa ang sarsa. Paborito pa nila ang pulang Ligo. Siguro hindi lang dahil sa maanghang kundi mas marami pa ang laman nito kaya mabibigyan nila ang lahat. Sa ganitong kahirapan, mas pipiliin pa nila ang maliliit ang laman pero marami para mabigyan ang lahat kaysa malalaki pero kaunti.

Napahigpit ang pagkahawak niya sa kutsarang hawak. Namimigay sila ng ayuda kapag may nasalanta tapos minsan dino-double pa sa ibang pamilya pero paanong hindi nila narating ang mga katutubo? Paanong hanggang gilid lang sila ng kalsada kung ang mas nangangailangan ay nasa tuktok ng kabundukan?

"Okay ka lang?" tanong ng binata nang makitang natahimik ang dalaga.

"Oo," sagot niya at ipinagpatuloy ang pagkain. Napapansin niyang madalas ang pagsulyap ni Brandon sa kanya kaya nakaramdam siya ng pagkailang.
Kapag nasa tabi niya ang binata, panatag ang kalooban niya lalo na't nalaman niyang iniligtas siya nito.

"Tikman mo 'to," sabi ni Mica at inabot sa kanya ang sinangag na lami/Kayos/Karrot/Nami/Kalot/Kot. Ito ay wild at poisonous root crops na sa kagubatan tumutubo. Para siyang puting ube tapos binabalatan nila at tinatadtad ng manipis, piniga at ilang beses na hugasan para mawala ang dagta at hindi nakakahilo, nagpapaantok, nakakapagtae at nakakamatay. Binababad nila sa ilog ng tatlong araw at binilad sa araw ng apat na araw hanggang sa matuyo talaga para makasigurong walang lason. Ito ang madalas nilang sinasaing pamalit sa kanin lalo na kapag tiggutom talaga. Nilalagyan lang ng kaunting asin para magkalasa.

Ang Prinsesa at ang mga MangyanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon