Kamera

22 5 0
                                    


Kay gandang tanawin.
Ang halimuyak ng hangin na dumadampi sa aking balat ay nagbibigay paalala sa mga alaala na hanggang nakaraan na lamang at mananatiling habang buhay sa aking isipan at puso.

Ang munting batis na sinasabayan ng hangin sa pag-agos. Mga ibon sa himpapawid na nagtutumpukan na parang isang buong angkan na nagkakasiyahan. Punong matatayog at mga dahon nitong napakakakalmang tingnan habang nakaharang sa sinag ng araw .Ang ulap na asul ay napakaaliwas sa  kalangitan. Ang kapaligiran na punong-puno ng kulay berdeng tanawin.

Nakakamiss lamang ang nakaraan na kasama ko siya. Parang kailan lang ang mga sandaling magkasama kaming dalawa.

Ngayon ay nakaupo ako sa isang bangkong kahoy. Sa tabi nito ay isang malaking puno. Nasa harapan ko naman ang munting batis. Nagkalat naman ang mga tuyong dahon na nahuhulog  sa lupa mula sa mga sanga ng puno at tuluyang natakpan ang mga berdeng damo.

Ako lang ang tao rito. Sayang ang ganda pa naman ng mga tanawin at gusto kong magpakuha ng litrato.

Tiningnan ko ang hawak-hawak kong Digital Camera na parati kong dala-dala sa tuwing pupunta ako sa mga ganitong lugar upang kumuha ng magagandang pagkakataon. Makaluma ang istilo nito ngunit matibay.

Ngayon ay parang gusto kong ako naman ang may kuha mula rito. Wala pa kasi akong picture rito sa kamerang hawak ko.

Binuksan ko ang Camera upang kunan ang mga nagliliparang ibon na kanina pa palipat-lipat ng pwesto sa himpapawid. Tumayo ako upang makuhanan ng mas magandang anggulo. Matapos kong makunan biglang sumagi sa aking isipan ang mgaalaal sa lugar na ito.

Isa sa mga libangan namin sa lugar na ito ng aking asawa ang pagpiknik.

15 taon ng nakalipas. Nakalatag sa mga berdeng damong ito ang banig na dala-dala ng aking irog. Habang bitbit ko naman ang mga pagkain naming inihanda para sa una namin piknik.

Napabuntong hininga ako ng maalala iyon. "Kamusta na kaya siya ngayon?"

Pabalik na ako sa kahoy na upuan ng mahagilap ng aking mga mata ang isang lalaki sa likod nito. Nakasuot siya ng purong puting damit at pantalong maong. Walang emosyon siyang nakatitig sa akin.

"Anong ginagawa mo dito?" pagtatanong ko sa kanya.

Lumakad siya at diretsong pumunta sa upuan at umupo. Lumapit naman ako at tumabi sa gilid niya.

"Tamang-tama nandito ka. Pwede ba akong magpakuha ng picture?" tanong ko sa kanya ngunit diretso parin siya nakatingin sa batis. Siguro pumunta siya rito dahil naramdaman niya ring napakakalma ang paligid. "Pakiusap... Sige na..." pagpipilit ko.

At sa wakas lumingon na rin siya sa akin."Tssk. Bakit ba ang hilig mong kumuha ng litrato?"

Kumunot naman ang aking noo.
"Mga alala, hindi mo ba alam? Sabi nga nila mas maiging may konkretong memorya. Malay natin na isa sa atin nabagok ang ulo at magka-amnesia, kaya mayroon akong bala na ipapakita kung hindi mo pa maalala. Hindi ba?" pag-aadya ko sa kanya. Ngumiti naman siya.

" Tsk. Dinamay pa ako. " tumawa naman siya ng bahagya. Tiningnan ko naman siya ng masama. Ngunit sa huli ay binawi niya naman iyon. " Biro lang yun. Akin na at kukuhanan kita ng litrato.

"Yun naman pala. Pinahaba pa."

Una akong nagpakuha ng litrato habang nakaupo sa kahoy na bangko. Nagpakuha ako ng higit limang kuha kasali na angmga posisyon na kunwari ay hindi ako nakatingin sa kamera. Kumbaga ay nakaw na kuha.

Sunod naman sa tabi ng batis. Lahat ng mga anggulo na magaganda ay nagpakuha ako nun. Hindi naman nagrereklamo ang kasama ko sa pagkuha. Parang nag-enjoy pa. Ganito pala ang pakiramdam kapag kinukuhanan ka ng litrato, nakakakaba na masaya. Hindi mo alam kung anong sunod mong puwesto.

Pinakiusapan ko ang kasama ko na kuhanan ako mula sa baba na parang inaabot ang kalangitan. Kaya, lumuhod siya sa mga tuyong dahon at nilapit niyang muli sa Digital na kamera ang kanyang mukha.

Nang nakalimang kuha na siya dumiretso muna siya sa upuan at umupo. Tumingala ako ulit sa kalangitan at ang mga memorya ko sa kanya ay muli kong naalaala. Masayang-masaya kami noon, nagbibiruan, sabay na nagkakantahan at nagkukuwentuhan kung paano kami nagkatuluyan.

Bumalik lang ako sa reyalidad ng umihip ang malakas na hangin dahilan upang ilipad ang aking mahabang buhok. Buti nalang at mahaba ang asul na kaswal kong bestida, at hindi ito inilipad.

Kinuha ko ang kamera sa kanya. Tiningnan ko ang kanyang mga kuha.
"Ang galing mo palang litratista. Bakit hindi mo pinasok ang pagkukuha ng mga litrato?" Halos perpekto na kasi ang kanyang mga kuha. " Ang gaganda ng kuha. "dagdag ko pa.

" Depende 'yan sa modelo ko. Lalo na kapag espesyal." sagot niya.

" So espesyal ako? " pagtutukso ko. Napangilti ako sa sinabi at nag-init naman ang pisngi ko.

" Pwede mong sabihin yan. " bumagsak ang aking kaninang ngiti.

Tumawa naman siya ng bahagya at tiningnan ako sa mga mata na ang kaninang walang emosyon niyang mukha ay parang nasasabik na ikaw ay makita.

"Halika nga dito, asawa ko." tawag niya sakin. Pinipigil ko naman ang aking damdamin upang hindi bumigay sa pagbagsak ng aking mga luha. Lumapit ako sa tabi niya at niyakap sa kanyang gilid at isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat. "Biro lang yun, espesiyal ka talaga sa akin, sa buhay ko." pag-amin niya. Niyakap naman niya ako ng mahigpit gamit ang kanyang mga braso.

Iniharap ko ang likod ng Camera sa aming dalawa na sana ay maganda ang kuha. "Mahal, tingin ka dito dali!" At tumingin naman siya sa kamera pero hindi man lang ngumiti. Parang parati nalang siyang may problemang dala. Hay naku.

Tiningnan ko ang litratong kuha ko ngunit nagkamali ako nakangiti siya. Loko talaga. Doon na nagsimulang bumuhos ang mga luha ko na kanina pa kinikimkim ng aking mga mata at damdamin. Namiss ko ito. Ang kanyang mga ngiti, boses at yakap.

Hinawakan naman niya ang aking baba gamit ang kaliwa niyang kamay at hinarap sa mukha niya. "Huwag ka ng umiyak,Larisa." Pagtatahan niya sa akin." Ang ganda ng paligid. Tingnan mo, mahal.Maging ang hangin na sariwa ay nakikiayon sa atin upang magbigay ng pagkakataon. Ang huni ng ibon, batis at ng mga dahon sa puno. Diba napakakalma? "

Tumango nalang ako bilang sang-ayon.

" Alam ko naman na sinasabi mo yan para gumaan ang pakiramdam ko at dahil mahal kita gagawin ko, asawa ko." hiniga ko ulit ang aking ulo sa kanyang balikat at napabuntong hininga.

" Tandaan mo, asawa ko. Nasa isip at puso mo ako habang buhay. Alam ko na kahit na mahirap, naniniwala ako sa'yo na malalagpasan ang pagsubok na'to." Pagkatapos niyang sambitin iyon nanatili lang kaming tahimik habang yakap-yakap ang isa't isa hanggang lumipas ang ilang oras.

Malapit ng mag-agawan ang liwanag at dilim. Kumalas na kami sa aming pagkakayakap.

" Asawa ko, magdidilim na at kailangan ko ng bumalik." Paalala niya sa akin.

"Hindi ka talaga sasama sa akin?"tanong ko. Ito na naman ang aking damdamin.

"Mahal pakatandaan mo na kahit nasa malayong lugar ako hinding-hindi kita makakalimutan at palagi kitang gagabayan. Alam mo yan. Hihintayin kita sa kabilang buhay aking Larisa." Bilin niya sa akin.

Nagsimula ng bumuhos ang mga pait na luha mula sa aking mga mata. Nasaksihan kong tuluyan ng binabalot ng puting liwanag ang kanyang katawan at mukha. Kasabay ng ihip ng hangin ay unti-unti siyang naglalaho . Sa huling pagkakataon nakita ko ang kanyang matamis at malawak na ngiti sa akin. Pilit ko siyang abutin ngunit hindi ko na siya kayang mahawakan dahil tumatagos ang aking mga kamay sa kanyang naglalahong katawan.

"Mahal na mahal kita, Pablo. Hanggang sa muli." Huli kong sambit bago siyang tuluyan naglaho.

Oo, alam kong habang buhay kitang iisipin at mamahalin. Ang mga memoryang nakuha ng kamerang ito ay tunay kong pahahalagahan hanggang sa huli ng aking hininga.

Iisipin kong ikaw ay nagbabakasyon lamang sa malayong lugar at hindi na magbabalik kailanman. Ganun din ang palagi nilang sinasabi kapag nawalan ka ng minamahal sa buhay. Ang sakit sa katotohanang wala na siya.
Ngunit naniniwala ako na balang-araw ay magkikita rin tayo.

"Hintayin mo lamang ako aking asawa. Hanggang sa muli nating pagkikita. Paalam."

At tuluyan ko ng linisan ang lugar.

One Shot Stories (Compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon