'Yung Paa

25 1 0
                                    

Kwento ng isa kong kaklase.

Masaya kaming nagkwentuhan ng mga pinsan ko sa may sala. Nagbabakasyon kasi sila at dito sila mag-stay ngayong gabi. 

Balak naming late na matulog dahil gusto naming manood ng horror movies, kung kakayanin buong gabi kaming bababad sa TV.

Walo na lamang kaming nanonood habang 'yung mga pinakabata sa amin ay pinapasok na namin sa kanilang kwarto para hindi matakot.

Nasa pangalawang movie na kami nang naisipan kong kumuha na ng snacks. Kanina pa dapat ito pero busog pa kaming lahat at tamad pa akong ihanda ang mga ito.

Mag-eeleven na kasi at nagrereklamo na 'yung iba dahil nagutom na raw. Tahimik lamang akong naglagay ng pagkain sa mga plato nang naka-isip ako ng kalokohan, balak kong takutin ang mga ito. Hindi ako nagpahalata at bumalik sa inuupuan ko. Ako kasi ang may hawak ng remote sa TV. 

Balak kong patayin ito, hindi naman mapause 'yung video kasi hindi naman 'yung laptop ang papatayin na nakaconnect roon sa TV. Saktong may jumpscare kaya noong palabas na 'yung multo saka ko pinatay kaya dumilim agad ang paligid. Ang TV lang kasi ang nagsisilbing ilaw namin. Nagsigawan naman lahat at kanya kanyang talukbong ng kumot. Lalo na 'yung mas bata sa amin.

Nagsitawanan naman kami sa aming nasaksihan at nakipag-apir pa sa akin ang isa kong pinsan na kasing edad ko lang. Pero kung tutuusin, ako ang pinaka-matanda sa lahat. Pero ako pa ang pasimuno ng kalokohan. 

"Walang hiya ka teh! Muntik na akong maihi!" agad ko rin naman silang pinatahan, dahil baka isumbong pa ako nito. Buti nalang at nasa taas sila mama, malakas naman aircon roon kaya impossibleng marinig kami. 

"Oh sige na, balik na ako. Nakakatawa kayong lahat." bumalik ako sa kusina, nang hindi maalis alis sa mukha ko ang nakakaloko kong ngiti. Success!

Ang hagdanan papuntang kwarto ay nasa kusina, katapat ng lababo. Nagtitimpla ako ng ice tea nang bigla akong napalingon sa likuran ko kasi may naramdaman akong tumakbo. Bumalik nanaman 'yung ngiti ko saka nagsalita.

"Sus, ako pa takutin." Inihanda ko na rin 'yung baso at noong pabalik na ako sa lababo, bigla akong napatigil. 

Sa hagdanan ay may paa. Paa ng isang bata na hanggang tuhod lang ang aking nakita, ang puti rin nito. Ay hindi, ang putla nito. Nakatingin ito sa baba, kung saan ang sala.

Hindi naman ako sinaniban ng takot. Baka si Kaye 'yan, ang batang pinsan ko na pinaaga namin ng tulog. Naingayan siguro kaya sumilip. 

Nakatip toe pa akong bumalik sa lababo, tatakutin ko rin sana. Pero tumalikod na ito at bumalik sa taas. Kaya dali dali ko pang sinilip.

"Ang bilis tumakbo nitong batang toh." sambit ko pa at dinala na sa sala ang mga pagkain. 

"Hoy! Ang ingay niyo. Sinilip na tayo ni Kaye." nagtutulakan pa kami kung sino ang may sala sa pag-iingay. Hindi rin naman kami nagtagal dahil inaantok na kami, kaya natulog ng mga alas dose.

Kinabukasan, himalang nagising naman agad kami nang gisingin kami nila mama para kumain. Kanya kanyang labas kasi doon raw inihanda ang almusal. Napansin ko ring wala pa 'yung mga bata kaya nagvolunteer akong akyatin sila para tawagin. 

Nauna kong gisingin 'yung magkapatid na sina Renee at Ben, saka si Kaye. 

"Anong oras kayo natulog kagabi?" tanong sa akin ni mama. 

"Alas dose, ang aga noh?" muntik na niya akong batukan ng tinapay.

"Aga? Gaga ka? "

"Si Kaye rin mama oh! Ang tagal rin natulog niyan." turo ko kay Kaye. Tiningnan niya pa ako, litong lito sa sinabi ko.

"Ang aga kaya natulog ng pinsan mo oi." saway naman nito sa akin. 

"Ehh, lumabas nga 'yan kagabi. Sumilip." natatawang saad ko.

"Hindi naman ako lumabas kagabi ate." nabubulol pang pagprotesta nito. 

"Eh sino 'yung lumabas kagabi? 'Yung sumilip?" nagtinginan silang tatlo sabay sabing 'wala'.

"Ehhhh, niloloko niyo lang ako. Basta, isa sa kanila ang tagal rin natulog. Gusto nga atang sumali." natatawa pa ako sa pagsumbong.

"Ano ba kasing nakita mo?" tanong naman sa akin ng isa kong tito.

"Sumilip. Alam kong sumisilip 'yun kahit 'yung paa niya lang ang nakita ko." kumain naman ako ng sandwhich. 

"Baka iba na 'yang nakita mo." nabilaukan naman ako sa sinabi nila at natawa.

"Baka si Renee 'yun." pero napatigil ako nang narealize ko lang din, minataan ko silang tatlo. 

"Ganyan 'yung suot niyo mula kagabi?" umiba na 'yung boses ko. Sumagot sila ng Oo, kaya naramdaman kong medyo nawalan ako ng balanse. 

Silang tatlo, nakapajama with design. 

"Giatay na ni, nakabestidang puti 'yung nakita ko kagabi." 

🙂

True Horror Stories (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon