Laro Tayo!

519 20 0
                                    

Jenna

Kararating ko lang sa boarding house galing sa part time job ko. Nagulat pa ako nang mukha agad ng dalawa kong kasama ang nadatnan ko. May lakad ata dahil nakaayos ang itsura.

May event nga pala sa school nila kaya naman nagpaalam na hindi na raw nila ako masamahan kumain dahil may handaan naman sa school nila. 

Katunayan ako ang pinakamatanda sa aming tatlo kaya naman hindi ako makakarelate sa kaganapan ng mga kasama ko. Napatango na lamang ako at sinabihan silang mag-ingat.

"May susi naman kayo, 'diba?" tanong ko pa at winiwagayway lamang ni Rina 'yung susi niya. 

Tinungo ko ang cabinet ko na malapit lang sa bintana para iligpit 'yung mga gamit ko.

"Taya! Ikaw na!" rinig ko mula sa baba. Saglit kong dinungaw ang ulo ko at napangiti na lamang sa mga batang sa tingin ko lima sila. Naghahabulan at kahit pagod na pagod, bakas pa rin sa mukha ang sigla nito. 

"Ang sarap talaga maging bata." sambit ko nalang sa kawalan bago bumuntong ng hininga. Sinimulan ko na rin ang pagluluto sa sariling ulam para gawin ang mga pending kong gawain sa school.

"Taya! Ikaw na ulit!" napabangon tuloy ako sa malakas na sigaw ng bata sa labas. Hindi ko na pala namalayang nakatulog ako sa mesa habang binabasa ko 'yung libro ko. Niligpit ko nalang ang mga gamit ko bago ko tiningnan ang orasan. 

Mag aalas dose na. Agad akong tumayo para sana sawayin ang mga batang naglalaro pa. 

"Mga bata! Anong oras na!? Magpatulog na kayo!" sigaw ko pa. Nakita ko pa silang nagtawanan sabay punta sa kabilang bahay. Dalawa na lamang silang naglalaro.

"Psst! Oi, hindi ba kayo natatakot!? Matulog na kayo. Gabi na." sabi ko pa pero lumipat nanaman sila sa mismong building namin. Napailing na lamang ako at isinara ang bintana at pinto. Hindi naman na sila nagsisigawan kaya hindi na sila makakadisturbo ng mga nagpapahinga. 

Pumasok na ako sa kwarto saka nagbihis ng pantulog. Hapon pa naman ang klase ko kinabukasan kaya hindi naman ako nag-alalang hindi agad magising kinaumagahan. 

Pahiga na sana ako nang makitang wala ng laman ang maliit kong lagayan ng tubig kaya naman lumabas na muna ako saglit para kumuha.

Malamig ang hangin ngayon, gusto kong bumalik na agad sa kwarto kasi parang nanghihina ang buong katawan ko. Pabalik na sana ako ng matigilan ako sa narinig ko. 

"Laro tayo."

Mahinang bulong lang, parang sumabay lang sa hangin. Napalingon ako at nang ibalik sa harapan ang tingin, nakita ko sila.

Dalawang batang nakaharap sa akin. Babae at lalaki, maputla ang balat at hindi klaro ang mukha. Nanigas ako sa kinatatayuan ko.

Unti unting lumapit sa akin ang dalawang nilalang at walang balak akong umatras. 

"Laro tayo."

Huling sabi ng dalawa bago naglaho at bumukas ang pinto. 

"Oh, ate? Ba't gising ka pa?" bungad sa akin ni Rina. 

Naramdaman ko ang panghihina ng tuhod ko kaya napahawak ako sa pader. 

"Oh, ate! Ayos ka lang?" agad naman silang pumunta sa kinatatayuan ko para alalayan ako. 

"Nananaginip ata ako ng gising." sabi ko bago ako hinatid nila Rina sa loob ng kwarto namin. 

Kinabukasan, nakakapagtakang maaga akong nagising kaya naabutan ko pa sila Rina sa pag-aayos. 

"Oi, Celine ang dumi ng sapatos mo kagabi. Bakit mo pinasok?"

"Hah? Hindi naman tayo dumaan sa putikan ah."

"Tingnan mo 'yung sahig sa harap ng pinto. Grabeng putik." 

Napatigil ako.

Doon mismo nakatayo 'yung dalawa at nakita kong nakayapak sila. Puno ng putik ang mga paa nila. 

Isa lang ang masasabi ko. Totoo 'yung nakita ko, totoong may multong mga bata ang nakita ko kagabi. 

🙂

Thank you for reading! Stay safe and God bless ya'll. Until next update, Sweet Dreams!

True Horror Stories (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon