Ika-apat na Kabanata

1.6K 56 28
                                        

Patuloy na nagdiwang ang mga mamamayan na parang may isang malaking piging. Sayawan, awitan at halakhakan parang naging isang malaking fiesta ang kanilang ginagawa habang binabato pa ng ilan ang walang buhay na katawan ng tatlong nakabigti.

"Tatlong alagad na naman ng Diablo ang nawala," sigaw ng isa sa mga tanod hindi iniisip na ang tatlong nakabigti ay mga dati niyang kasamahan.

"Mabuhay si Mang Lino!" sigaw pa ng isa sabay itinaas nito ang kamay ni Mang Lino na parang isang kampeon.

Pinakalma ni Mang Lino ang mga mamamayan sa sigawang nagaganap, may nais siyang sabihin na sana ay suportahan naman ng mga tao.

"Kumalma kayo. Sa mga sunod-sunod na pangyayari nitong mga nakaraang araw. May nais sana akong imungkahi at sana ay suportahan tayo ni Padre Pio at ng ilang namumuno sa pagdarasal sa simbahan," wika nito sa mga tao.

Isa-isang naglapitan ang mga tao na kanina lamang ay nag-aawitan at nagsasayawan. Umupo ang mga bata sa harapan na parang makikinig ng isang kwento. Lumapit na rin si Padre Pio at nais nitong marinig ang mungkahi ni Lino.

"Nais ko sanang bumuo ng isang komite na magsasaliksik sa mga mamayan kung sino ang na-aalihan ng demonyo. Alam kong meron pang mga nagtatago dito sa bayan na sugo ng Diablo at kailangan nating puksain lahat iyon. Ang mga may sala ay dadalhin sa komite at sila ang maghahatol kung talaga bang panig sila sa demonyo o hindi," ani Lino sa mga kasama.

Kasunod ng kanyang mungkahi ang mahihinang bulungan at sunod-sunod na tango ng mga taong naroon.

"Tama si Mang Lino. Hindi tayo kailangang magpakakampante dahil lamang sa iilang alagad ng demonyo na napuksa natin," wika ng isa

"Ilagay natin sa komite si Padre tiyak malalaman niya kapag pwersa ng Diablo na ang kaharap niya," sabi pa ng isa

"Isama rin natin si Elsa at si Lupe. Sila ang namumuno sa rosaryo sa simbahan," sumegunda naman ang iba.

Mula sa kawalan ay lumabas na lamang si Anndi at nagprisinta na isama siya sa komite.

"Nais ko sanang maging kabilang sa mga maghahatol hanggat narito kami at nagbabakasyon kasama ng mga kaibigan ko," wika ni Anndi iniisip niya na pwede siyang maging kasangkapan para maipagbago ang isipan ng mga kabaryo niya ukol sa mga aswang at Diablo.

Inakbayan ni Mang Lino ang anak na parang ipinagmamalaki niya ito. Habang bakas na bakas mo sa mukha nila Maya at mga kaibigan nito ang pagkagulat nang makita nila ang nakabigting tatlong lalaki na dinuduyan pa ng hangin.

"Isa itong kabaliwan," mahinang sabi ni Janni buti na lamang at sila Ichi at Mikmik lamang ang nakarinig.

Matapos mabuo ang komiteng iyon ay agad na nagbalikan sa mala-fiestang selebrasyon ang mga taong bayan. Lumapit si Anndi sa mga kaibigan na nakahalukipkip ang mga braso ng dahil sa lamig.

"Bakit ka nagprisintang tiga-usig?" tanong ni Ichi sa kaniya.

"Mas maganda na iyon na mayroon sasalungat sa kanila. Baka kahit paunti-unti habang narito tayo, mapagbago ko ang isipan ng mga kabaryo ko. Tutulong naman kayo hindi ba?" tanong nito sa mga kaibigan.

"Oo naman," mabilis na sabi ni Mikmik sabay nangiti si Anndi

Habang nagkakasiyahan sa paligid ay may isang taong namimilipit sa sakit. Naka-alalay sa kanya ang kanyang buntis na asawa. Butil-butil ang pawis nito at namumutla habang tangan-tangan ang kanyang kamay na kinagat ng diumano'y isang malaking aso. Sinusubukan niya iyong itago sa lahat at baka isipin ng mga ito na nasasaniban siya ng demonyo.

............

Pagbuka ng liwayway ay isa-isang bumangon ang mga mamayan na dumalo sa isang malaking piging, ang ilan sa kanila ay sa gubat na nakatulog ang iba naman ay nagpa-abot pa ng umaga. Sila Anndi ay nagsalu-salo sa isang simpleng agahan na inihanda ni Aling Lupe at Mang Lino. Sariwang gatas ng kalabaw na isinabaw sa kanin.

Credendum (Completed)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon