"Sandali, sandali! Hindi niyo maaring patayin si Fluffy. Matagal ko na siyang kasama and I assure you na hindi siya pwedeng maging demonyo gaya ng sinasabi niyo." Kinuha ni Maya si Fluffy mula sa isang lalaking may hawak ng patalim at niyakap niya ito.
Tiningnan ng lalaking may patalim si Mang Lino na para bang humihingi ng kompirmasyon kung hahayaan nilang mabuhay ang isang aso o hindi. Agad nilapitan ni Anndi ang kanyang ama para hilingin na pabayaan ang isang aso na kadarating lamang sa loob ng kanilang barrio
"Tay! Kadarating lang namin dito, imposible namang maging aswang yan."
Matamang tiningnan ni Mang Lino ang anak na punong-puno ng pagtutol.
"Ah, siya siya! Hayaan niyo na yan. Basta lahat ng natitirang aso, wakwakin ang tiyan at ihagis sa apoy," utos nito sa mga tanod.
At ganoon nga ang nangyari sa gabing iyon. Isang gabi ng patayan sa mga inosenteng aso, mawala lamang ang pinaniniwalaan nilang aswang na nagbalatkayo bilang isang hayop. Isa-isang pinila ang kani-kanilang mga alagang aso sa mga tanod na may hawak na matatalim na bagay, mga aso na napakatagal na nilang kasama na handa nilang ipapatay para sa ikatatahimik ng lahat.
Itatali ng amo ang mga paa ng aso nito, sabay papaikutan ng tali ang bibig. Hahawakan ng may-ari ang ulo ng aso niya sabay sasaksakin ng isang tanod at bubuksan ang tiyan. Ilang iyak lamang ng aso at patay na ito. Matapos iyon ay ihahagis nila ang walang buhay na katawan ng aso sa apoy na ginawa nila Mang Lino.
Nakakadiri at nakakapanlumo ang eksenang iyon. Mismong may-ari pa na pinagkakatiwalaan ng aso ang nagdala sa kamatayan ng sarili nilang alaga. Nakakapanghina na pagkatapos ihagis ng aso sa apoy ay magsisigawan ang lahat habang ang tatlo sa mga tanod ay nag-iinuman pa na parang nagdiriwang sa patayang nagaganap.
Mayamaya ay biglang dumating si Padre Pio at nagulantang sa nakitang pagpatay sa mga hayop.
"Anong. . . ." halos hindi matuloy ni Padre Pio ang sasabihin nang dahil sa pagkagulat. Isang bundok ng nagliliyab na aso ang nasa kanyang harapan at hindi niya maintindihan kung bakit.
"Padre Pio, nakita ng isa sa aking mga tanod na ang halimaw ay nagpalit ng anyo bilang isang aso sa katotohanan nga ay inatake pa siya nito. Halika dito, Roberto," tawag niya sa isa sa mga lalaking nangunguna sa pagpatay sa mga aso.
Pinakita ng lalaki ang kanyang sugat na may marka ng ngipin ng aso.
"Ikwento mo ang nakita mo," utos ni Mang Lino.
"Naghati po kami ng mga grupo para makita si Ofelia. Nang mapunta po kami sa may gubat ay may nakita kaming gumalaw, akala ko ay isang bakang ligaw pero mabilis ang mga galaw niya. Nakita na lang namin na aso pala iyon. Inatake niya ako at kinagat pero natamaan ko rin siya ng itak. Nang padating na po yung iba, nagtatakbo na po yung malaking aso."
"Si Ofelia? Hindi ba't matagal ng patay si Ofelia. Nilinis at binasbasan na natin ang mga bangkay na naalihan ng demonyo. Bakit may ganito pa rin?" tanong ng pari.
Agad tinawag ni Mang Lino si Elsa na nagsabing nakakita kay Ofelia.
"Elsa! Sandali at may tinatanong si Padre tungkol kay Ofelia."
Agad namang lumapit si Elsa na medyo aligaga nang dahil sa pangyayari.
"Kasi po Padre, 'yung sakit ng anak ko nagsimula lang ilang araw pagkamatay ni Ofelia. Sinabi niya pong nakikita niya kapag gabi si Ofelia, tapos nagsimula na siyang magsusuka ng dugo. Kaninang gabi po, nakakita ako ng isang babae na nasa unahan ko, hindi po ako maaring magkamali, si Ofelia po 'yon."
"Hindi kayang magpalit ng isang tao sa anyo ng isang hayop. Imposibleng magkaroon siya ng kakayahan na ganoon, " paliwanag ni Padre Pio
"Papaano po yung mga nakita namin?" tanong ng mga tao doon
BINABASA MO ANG
Credendum (Completed)
HorrorIsang nobelang hahamon sa inyong paniniwala tungkol sa relihiyon at kultura. Due to insistent public demand, I will upload the Book 2 of Credendum soon.
