Kabanata 8: Lobo ng Panginoon

1.2K 55 2
                                        

"Oo mga aswang kami." Inulit ni Ichi ng mas malakas ang kanyang sinabi. Lalong nagngalit ang mga tao sa loob ng simbahan at sinimulan silang pagbabatuhin ng kahit anong madampot nila.

Hindi naman agad nakagalaw sila Janni, Maya at Anndi na parang hindi makapaniwala sa narinig mula kay Ichi, alam nilang sa oras na umamin sila Ichi at Mikmik ay katapusan na nila. Nahimasmasan lamang silang tatlo matapos marinig ang boses ng ama ni Anndi at inutos na dalhin sa gitna ng bayan sila Ichi at Mikmik.

"Damputin niyo na ang mga ito at kailangang puksain ang mga demonyong iyan," utos ni Mang Lino sa mga tao.

Akmang maglalapitan na ang mga tao sa dalawa nang magsalita muli si Ichi.

"Mga aswang kami ngunit hindi kami mga sugo ng Diablo," malakas na sabi ni Ichi

Napakunot noo si Padre Pio pati na rin ang ibang tao sa loob ng simbahan hindi nila maintindihan ang sinasabi ni Ichi. Paano nga ba na ang isang aswang ay hindi magiging isang sugo ng Diablo?

"Nililinglang niya tayo!" sigaw ng isa doon at sabay sabay na ngang nagsigawan ang mga tao sa loob.

"Magsitahimik kayo! Igalang ninyo ang tahanan ng Panginoon," utos ni Padre Pio sa mga tao sa loob at agad nga silang tumahimik. "Hayaan natin silang magpaliwanag."

"Kami ay mga taong lobo na nakikipaglaban sa mga mangkukulam na pumepeste sa mga pananim ninyo. Kami ang mga taong lobo na naninigurado na may makakain kayong lahat pagkatapos ng anihan."

Patuloy ang bulong-bulungan sa loob ng simbahan. Pati sila Anndi ay hindi na maintindihan kung ano ang nais ipahiwatig ni Ichi. Nagsimula nang makialam si Mang Lino at mukhang hindi niya nagugustuhan ang kanyang naririnig.

"Kahit ano pa kayong klase ng lobo, ang pagpapalit ng anyo ay galing pa rin sa demonyo,"wika ni Mang Lino

"Wala kang alam. Kami ang lobo ng Panginoon. Umuupo kami sa ibaba ng kanyang trono. Ipinapatupad namin ang kanyang mga kagustuhan," saway ni Ichi kay Mang Lino. Hindi na siya papayag na makialam pa ito.

"Padre Pio, h'wag niyong sabihing naniniwala kayo sa pinagsasasabi ng isang ito?" bumaling na si Lino kay Padre Pio na parang hinihiling na magdesisyon na sa kaso nila Ichi at Mikmik.

Ngunit bago pa makapagsalita ang Pari ay muling nagsalita si Ichi.

"Ang mga kagaya naming Lobo ng Panginoon ay hindi lamang sa Pilipinas matatagpuan. Taong 1692 sa lugar ng Livonia ng may isang lalaking nagngangalang Thiess ang nagsabi na isa rin siyang Hound of God. Sa Croatia at Slovenia isang nilalang ang may kakayahang magpalit ng anyo ng isang hayop para kalabanin ang mga Kudlak na isang uri ng bampira. Sa Bulgaria ang Zduhac ay inatasang lupigin ang mga mangkukulam na nagdadala ng masamang panahon, sa Hungary ang Taltos ay may karapatang makipag-usap ng direkta sa Panginoon, sa Roma naman ay may sikretong grupo na tinatawag na Calusari na may kapangyarihang gamutin ang mga sugat na dulot ng mga diwata. Hindi lahat ng nagpapalit ng anyo ay sugo ng Diablo."

Naging matalino si Ichi, nilaro niya ang laro ng bayan na iyon. Mabuti na lamang at may alam siya sa kasaysayan ng Relihiyon matapos siyang maging interesado sa kaso ni Joan of Arc. Alam niyang hindi maniniwala ang mga ito kung tungkol sa siyensya ang pagpapaliwanag na gagawin niya kaya't ginamit niya ang dahilan na ginamit ng mga Benandanti Werewolves noong unang panahon.

Natahimik lahat sa sinabi ni Ichi. Kahit ang pari na nasa kanilang harapan ay nagulat sa lawak ng kanyang nalalaman.

"Magkwento ka tungkol sa mga lobong sugo ng Panginoon," utos ni Padre Pio kay Ichi.

Matamang nakinig ang lahat sa kwento ni Ichi. Bago sa kanilang pandinig ang isang taong may kakayahang magpalit ng anyo pero kinakalaban ang mga sugo ng demonyo.

Credendum (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon