Mataas ang haring araw ngunit hindi naman ganoong kainitan ang ihip ng hangin. Sa loob ng isang unibersidad ay may isang babaeng hindi katangkaran ang nasa ilalaim ng isang mayabong na puno. Pinipilit niyang iwasan ang mga sinag na tumatagos sa mga siwang ng dahon at sanga. Paminsan-minsan ay mapapansin mo ang pagpadyak ng kanyang paa at ang kunot sa kanyang noo. Mayamaya pa ay makikita mong minamasahe niya ang kanyang balikat tanda na ngawit na ang parteng iyon ng kanyang katawan dahil sa hindi kagaanan na shoulder bag. Binaba niya tuloy iyon sa isang batong upuan na nasa kanyang harapan. Uupo na rin sana siya ngunit nang sinalat niya ang sementong upuan ay napaso siya.
Ilang minuto pa ang lumipas ngunit hindi nagalaw ang babae sa paghihintay. Tila ba mahalaga dito ang manatili lamang sa lugar na kinatatayuan. Siya si Anndi, si Anndi ang tipo ng babae na mahilig magsuot ng simpleng shirt kadalasan walang print at iisa lang ang kulay, ang skirt niya ay palaging lampas tuhod at palagi lang siyang naka flat shoes. Wala siyang suot na singsing , kwintas o kung anumang palamuti sa katawan liban na lamang sa isang pares ng lumang hikaw na minana pa yata nito sa kanyang lola. Ang buhok niya ay palaging nakatali nang mataas at mapapansin mo ang itim sa paligid ng mata nito dala ng kadalasang pagpupuyat ng dahil sa pag-aaral. Maputla rin ang kanyang kutis na parang kulang na kulang sa sikat ng araw.
Mangilan-ngilan na lamang ang makikita mong naglalakad sa loob ng campus. Karamihan sa mga ito ay naghahabol ng huling requirements, incomplete o di kaya ay mga nagmamakaawa sa Prof na ipasa na sila. Lalo tuloy nakaramdam ng pagaalangan si Andi, ayaw niyang mapagkamalang isa sa mga estudyanteng ito. Hindi naman sa minamaliit niya ang kakayahan ng mga estudyanteng iyon pero iba siya sa mga ito. Hindi niya nga lang alam kung bakit siya napabarkada sa dalawang babaeng ginagawang laro ang buhay sa University.
Nagpakawala ng malalim na hinga si Anndi. Inabot niya ang kanyang bag na nasa may bench at kinuha ang kanyang telepono. Sinilip niya ang oras at muli siyang napahinga ng malalim. Sa lahat ng ayaw niya ay pinaghihintay siya. Balak kasi ng dalawang kaibigan niya na sumama sa kanilang probinsya ngayong sembreak. Pero hindi niya alam na aabutin pala siya ng siyam-siyam sa paghihintay sa mga ito.
Mayamaya sa di kalayuan ay napansin niya ang dalawang babae na naglalakad patungo sa kaniyang direksyon. Malayo pa lang ay sigurado na siyang ito ang kanyang dalawang kaibigan. Sa kulay ba naman ng mga suot nito, isama mo pa ang kakaibang taste nito sa fashion, imposibleng hindi niya ito makilala kahit sa madilim.
Agad lumapit ang dalawang babae kay Anndi na para bang walang nangyari. Abot tenga pa ang mga ngiti nito, hindi alintana ang nakakunot at tila mainit na ulo ng taong pinaghintay nila.
"Ano ba naman kayo! Sana kung alam ko lang na paghihintayin niyo ako ng ganitong katagal, sa apartment na lang ako naghintay," reklamo ni Andi sa dalawa.
"Si Maya kasi, naki-usap pa sa Prof niya na baka pwedeng huwag na siya i-incomplete. Nakapagpasa na naman siya ng Special project," sabay nagtawanan ang dalawa na parang isang malaking sikreto ang hawak nila. Hindi nila napansin na naiinsulto na si Anndi dahil parang balewala sa dalawang ito ang paghihintay niya.
Si Maya o Marianna Corpuz ay may katangkaran, hapit na hapit sa katawan nito ang suot na skinny jeans. Fit ang pangangatawan na maikukumpara mo sa mga school athletes. Nakasuot ito ng leather jacket para pang ibabaw sa suot na tube. Meron ding itong silver na necklace na parang barbed wire at tatlo ang hikaw nito sa kaliwang tenga.
"Janni ang ingay mo, marinig ka ng iba isipin delinquent na student ako," saway nito sa kaibigang si Janni
Janni or Jannina Alejandro ay member ng isang band sa school. Lead vocalist ito pero kaya niya ring humawak ng lead guitar o ng base pati na rin ang keyboard. Ang buhok nito ay abot hanggang balikat niya lamang, may arm band ito na gawa sa leather na punong puno ng bakal na butones na may chain pa kaya't nagmukha iyong posas, may hikaw ito sa dila at katakot takot na singsing sa daliri. Mas maliit ito kumpara kay Maya at kay Andi at ang kutis nito ay marosas-rosas.
BINABASA MO ANG
Credendum (Completed)
HorreurIsang nobelang hahamon sa inyong paniniwala tungkol sa relihiyon at kultura. Due to insistent public demand, I will upload the Book 2 of Credendum soon.
