<Author's POV>
Nagising si Jonah sa malakas na kaldag ng sasakyan dahil sa malaking bato na mabilis na dinaanan ng gulong nito. Inaantok man ay pilit niyang minulat ang kanyang mga mata upang obserbahan ang kanilang paligid. Natagpuan ni Jonah ang kanyang ina sa kanyang paanan sa kabilang dulo ng sasakyan, nakadungaw ito sa labas ng bintanang salamin ng kanilang sinasakyan. Komportable namang nakapatong ang kanyang mga paa sa hita ng kanyang ina habang ang kanyang ulo ay nakahiga sa isang malambot na unan.
Bagama't hindi nakikita ni Jonah ang mukha ng kanyang ina dahil natatabingan ito ng kanyang buhok ay batid mula sa malalim na paghinga nito at manaka-nakang pagyugyog ng kanyang mga balikat ang matinding kalungkutan na pilit nitong tinatago.
Hinaplos ng kanyang ina ang kanang paa ni Jonah na noon ay nagsisimula nang gumaling mula sa first degree burn na tinamo nito. Hindi daw sana magkakapeklat iyon sabi ng doktor kung hindi nadagdagan ng mas malalim na sugat dahil sa nabagsakan ito ng isang kahoy na may nakausling pako. Nagmula ito sa isang bahagi ng kisame na bumagsak nung araw na masunog ang kanilang bahay.
Itinuon ni Jonah ang aking paningin sa labas ng sasakyan. Batid nito na malalim na ang gabi dahil sa madilim na kalangitan na binibigyang liwanag lamang ng mangilan-ngilan na poste sa daan na kanilang tinatahak. Sinubukan ni Jonah na kilalanin kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan, subalit hindi nito maaninag ang mukha ng driver buhat sa kanyang kinalalagyan.
Nagpasya si Jonah na muling ipikit ang kanyang mga mata, umaasa na muling makabalik sa pagkakahimbing. Hindi nito maalala kung paano nakasakay sa sasakyan at kung kailan sila sinundo ng lalaking nagmamaneho. At ang isipin na may kasama silang estranghero patungo sa isang lugar palayo sa kanilang barrio ang nagpapanatiling gising sa kanyang diwa.
Mula sa kanyang tagiliran ay inilipat ni Jonah ang kanyang kanang kamay sa ibabaw ng kanyang dibdib at pinakiramdaman ang tibok ng kanyang puso. Bagama't nakaranas ng isang matinding pagkasindak dahil sa nangyaring sunog, na nagresulta din ng pagkamatay ng kanyang ama, ay tila hindi ito makaramdam ng matinding lungkot ng tulad ng nararamdaman ng kanyang ina.
Kahungkagan, iyon ang naramdaman ni Jonah noong sandaling iyon.
Kung mayroon man itong naramdaman na lungkot nang mga oras na iyon ay dahil sa katotohanan na malungkot ang kanyang ina, at ang katotohanan na wala na silang bahay na mauuwian.
Nanatili si Jonah sa kanyang pagkakapikit. Sumasabay ang kanyang katawan sa bawat galaw ng sasakyan na tila nagduduyan sa kanyang diwa, ang malamig na hangin mula sa nakabukas na bintana ang nagsisilbing oyayi sa tahimik na kapaligiran.
Tuluyan na sana itong makakabalik sa pagkakatulog nang may marinig si Jonah na boses ng isang babae na nagsalita. Inisip agad nito na ang boses ay sa kanyang ina, "sino pa nga ba ang kasama naming babae sa loob ng sasakyan kundi ang aking ina lamang?" Wika nito sa sarili.
Nagpasya itong magkunwaring natutulog upang makinig sa kanilang usapan.
"Ka Lukas, maraming salamat ulit ha at agad kayong dumating nang humingi kami ng tulong. Alam nyo naman na wala akong malapit na kamag-anak sa Pangasinan at kayo lang ang malalapitan ko na medyo malapit sa probinsiya ng aking asawa." Wika ng ina ni Jonah.
Isang malalim na buntong hininga ang pinawalan ng lalaki na tinatawag nito na Ka Lukas bago ito tumugon sa kanyang ina.
"Walang anuman iyon, Margarita. Hindi ba at sinabi ko naman sa iyo na palagi akong naririto para sa iyo at kay Jonah. Ang miyembro ng aming samahan ay palaging handang sumaklolo at magbantay sa iyong anak." Tugon ni Ka Lukas.
BINABASA MO ANG
Encantado
FantasyAno nga ba ang totoo at ano nga ba ang kathang-isip lang? Sino nga ba ang makapagsasabi kung alin ang kasinungalingan at ano ang dapat paniwalaan? Paano pasusubalian ang nakita ng iyong mata at nahawakan ng iyong mga kamay? Paano maikakaila ang mg...