Sabrina - I

6 1 0
                                    

<Author's POV>

Undas noon, nanunood sa kanilang kusina ang kasambahay at ang tagapag-alaga ni Sabrina na si Yaya Lourdes ng halloween special ng isang panggabing programa sa telebisyon. Ang halloween special ay tungkol sa isang abandonadong hotel sa Baguio City na diumano ay binabalot ng kababalaghan.

Lagpas alas diyes na noon ng gabi subalit hindi pa rin mapakali si Sabrina sa kanyang silid sapagkat pinapanuod niya mula sa kanyang bintana ang mga maliit na nilalang na naghahabulan sa labas ng kanilang bakuran.

Sa loob ng tahimik na silid ni Sabrina ay tanging ang mahinang tunog lamang ng aircon ang maririnig ng isang ordinaryong tao, ngunit hindi sa siyam na taong gulang na si Sabrina. Abot sa kanyang pandinig ang mahina at patong-patong na tinig ng mga hindi nakikitang nilalang na nagtitipon sa ilalim ng buwan, inaanod ang tinig ng mga ito ng malamig na ihip ng hangin na humahampas sa bintana ng kanyang silid.

Nagmumula ang mga tinig sa playground ng kanilang subdivision ilang metro ang layo mula sa bahay nila Sabrina. Para sa paslit ay tila nag-aanyaya ang huni ng malamig na hangin at ang tunog ng nagkikiskisang bakal sa pag-ugoy ng duyan.

Malayang nakalabas ng pinto si Sabrina nang hindi namamalayan ng mga kasambahay, maingat niyang isinara iyon upang hindi gumawa ng anumang ingay. Bago lumabas ng gate ay sinilip muna ni Sabrina ang kanilang driver na nakaupo sa tabi ng kanilang nakaparadang sasakyan, nakaidlip na iyon habang naghihintay sa pagdating ng kanyang ama. Halos puno na ng upos ng sigarilyo ang gamit nitong ashtray na nakapatong sa isang bakanteng upuan sa tabi ng tasa ng kape na halos kalahati lamang ang bawas.

Mabuti na lamang at hindi nakasarado ang gate kaya mabilis na nakalabas si Sabrina, tila ba sinadya iyon ng pagkakataon upang malayang makalabas ang paslit. Tanaw mula sa labas ng gate ang silid ng kanyang mga magulang, maliwanag ang ilaw na nagmumula roon. Sa isip ni Sabrina ay siguradong naghihintay pa rin ang kanyang ina sa pag-uwi ng kanyang ama na si Don Ramon Tuazon. Ilang gabi na kasing hindi nagpapakita ang kanyang ama sa kanilang bahay.

Labis ang pagkagulat ng tatlong maliliit na nilalang na naglalaro sa harapan ng kanilang bahay nang makita ng mga ito si Sabrina sa labas ng gate ng kanilang bahay. Marahil ay hindi inaasahan ng mga nilalang na iyon ang isang tao, lalo na ang isang bata, na maglalakad-lakad sa pangmayaman na subdibisyon na iyon sa ganoong oras ng gabi.

Nang magtagpo ang kanilang mga mata ay ilang sandaling naghintay si Sabrina kung ano ang gagawin ng mga iyon na nananatiling nakatulos sa kanilang kinatatayuan. Hanggang sa naglakas loob ang isa sa mga ito na lumapit kay Sabrina. Ang tatlong maliliit na nilalang ay nakasuot ng puting damit na may mahabang manggas, mahabang salawal, at patusok na balanggot. Kapansin pansin din ang kulay abo na mga mata ng mga ito.

"San ka pupunta Sabrina? Delikado na ang lumabas ng ganitong oras. Mas makakabuti siguro na manatili ka sa loob ng bahay," wika nito sa matinis nitong boses.

"Oo nga pumasok ka na sa loob Sabrina... pasok ka na sa loob.." magkasabay na wika ng dalawa pa sa mga ito.

Sasagot sana si Sabrina nang biglang tumakbo ng matulin palayo ang mga maliliit na nilalang at nagtago sa malalagong halaman ng isa sa kanilang mga kapitbahay. Luminga-linga si Sabrina upang alamin ang dahilan ng matinding takot ng mga ito. Ilang metro mula sa kanyang kaliwa ay tumambad ang isang malaki at itim na lobo. Nagliliyab ang isang mata nito, nakalabas ang mga matatalim na ngipin, at aninag mula sa kaliwanagan ng buwan ang isang mahabang pilat mula sa kanan nitong mata pababa hanggang sa kaliwa nitong pisngi.

Kinuyom ni Sabrina ang kanyang mga kamay upang labanan ang takot at ang udyok na tumakbo. Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakita siya ng kakaibang nilalang, at kagaya ng palaging sinasabi ng kanyang Lola Sol ay wala siyang dapat ikatakot sa mga ito. Ilang sandaling nakipagtitigan si Sabrina sa lobo hanggang sa ito na ang sumuko at lumakad paalis.

EncantadoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon