Mara - III

5 2 0
                                    

<Author's POV>

Tinakpan ni Mara ng kanang kamay ang kanyang bibig at ang kaliwa naman ay isinapo nito sa kanyang tiyan. Ginawa niya ito upang pigilan na masuka nang makita ang duguang kamay ng nilalang... ng babaeng halimaw.

Sa kaliwang kamay ng halimaw ay may hawak itong puso ng tao, tumitibok-tibok pa rin nang mabagal ang duguang puso na kubkob ng mga daliri ng halimaw. Ang mga daliri nito ay tulad ng sa ibon- mabubuto at mahahaba na may matutulis na mga kuko. Tangan naman ng kanang kamay nito ang pugot na ulo ng isang matandang lalaki. Mula sa likod ng babaeng halimaw ay sumulpot ang isang malaking lobo na kulay itim. May pilat sa kanang mata ang lobo na abot hanggang kaliwang pisngi nito. Tumutulo ang laway ng lobo tanda ng pagkagutom, kita mula sa nakabuka nitong bibig ang matatalim at nakakatakot nitong mga ngipin.

Ipinakain ng babae ang tumitibok na puso sa lobo na agad naman nitong sinunggaban at mabilis na inubos. Hinimod pa ng lobo ang natirang dugo na nakadikit sa kamay ng babae. Tinapik ng babae ang ulo ng lobo tanda na nasisiyahan ang babae sa pagiging masunurin nito.

Matapos niyon ay ibinaling ng babaeng halimaw ang tingin sa pugot na ulo. Minasdan nito ng ilang sandali ang pugot na ulo na tila kinakabisado ang bawat sulok ng mukha nito. Sunod na ginawa ng babaeng halimaw ay ang halikan ang maputlang labi nito, sinipsip nito ang nakalabas na dila ng pugot na ulo ng matandang lalaki bago dinilaan ang buong mukha nito- mula sa mata pababa sa ilong papunta sa tainga.

Tumingin kay Mara ang babaeng halimaw at ang kasama nitong lobo, nang-uuyam ang tingin ng mga ito. Magkahalong takot at pandidiri ang naramdaman ni Mara noong sandaling iyon.

Nagsimulang manginig ang katawan ni Mara sa mabalasik na mga mata ng dalawang nilalang, sa isip ni Mara ay siya naman ang susunod na papatayin ng mga ito.

Ngunit hindi siya makagalaw... ni hindi siya makasigaw. Parang isang malaking bara ang nakaharang sa kanyang lalamunan na pumipigil sa kanyang paghinga.

Iniunat ng babaeng halimaw ang kanan nitong kamay upang ipakita sa kanya kung sino ang matandang lalaki. Nakagat ni Mara ang kanyang labi nang makilala na ang matandang lalaki ay ang kanyang Tito Ramon. Sa pagkakataon na iyon ay tuluyan nang sumabog ang kanyang dibdib sa takot.

"Ahhhhh!!!! Ahhhhhh!!!" Paulit-ulit na sigaw ni Mara. Napapitlag ito nang isang kamay ang biglang humipo sa kanyang balikat.

"Mara.... Mara... ayos ka lang ba?? Napapano ka bang bata ka??"

Ilang tapik sa kanyang pisngi ang nagpabalik kay Mara sa kanyang ulirat. Hinabol nito ang kanyang hininga na mistulang nanggaling sa mahabang pagtakbo.

"Ano bang tinitingnan mo diyan at kanina pa kita tinatawag ay hindi ka sumasagot?" Puno ng pagaalalang tanong ni Yaya Lourdes habang minamasdan ang namumutlang mukha ni Mara.

Sa nanginginig na mga kamay ay tinuro ni Mara ang kinatatayuan ng nakakatakot na babaeng halimaw at ang lobo na kasama nito. Ginawa ni Mara iyon nang hindi inaalis ang tingin sa kanyang Yaya Lourdes. Hindi na magawang sikmurain ni Mara na muling lingunin ang kahindik-hindik na pangitain.

"Oh... ano yung tinuturo mo? Yung puno????

Anong meron sa puno???"

"Hay... Mara... nanuod ka nanaman ba ng horror??

Kanina pa nakabukas yung pinto oh, halika na sa loob at nang makita ka na ng mama mo." Sunod-sunod na wika ni Yaya Lourdes sabay hila sa nanginginig na braso ni Mara.

Sandaling huminto si Mara upang muling lingunin ang kinalalagyan ng babaeng halimaw at ng lobo, subalit wala na ang mga ito doon. Nakakunot ang kanyang noo habang pilit na inuunawa kung tunay ba ang kanyang nasaksihan o produkto lamang iyon ng kanyang imahinasyon.

EncantadoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon