NAIINGGIT si Anniza sa ate niya sa tuwing mapapanood niya ito na rumarampa sa entablado. Noong mga bata pa sila ni Arian ay madalas silang nagpapasiklaban sa pagandahan.
Siya ang mas interesado na maging modelo pero mas nabigyan ng oportunidad ang ate niya na wala naman noon balak maging modelo. Lahat ng pinangarap niya noon ay walang ni isang natupad. Napunta ang lahat ng iyon sa ate niya.
Masama ang loob niya sa Papa niya dahil sa pagtutol nito sa kagustuhan niya. Wala siyang nagawa nang pag-aralin siya nito para maging architect. Kahit papano'y tinapos niya ang kurso at nakapasa siya sa exam.
Nagdaos ng munting salo-salo ang magulang niya bilang pagpapasalamat sa kasipagan niya sa pag-aaral. Dumalo rin ang ilang mga kaklase niya at guro. Masaya naman siya kahit papano.
"Congratulations, Anniza!" bati ni Engr. Duellas kay Anniza. Si Engr. Duellas ang may-ari ng construction site na pinagtatrabahuhan ng Papa niya.
"Maraming salamat po, Engineer," malumanay na tugon naman niya.
Sa kasalukuyang dinaraos ang piging para sa kanyang tagumpay na ginaganap sa bahay nila sa Quezon city. Naroroon lahat ng mga kaibigan ng Papa niya.
Nilapitan pa siya ni Engr. Duellas sa table niya para lang batiin. Minsan na niya itong nakita noong isinama siya ng Papa niya sa kompanya ng mga ito.
"Excited na akong mapabilang ka sa kompanya ko, hija. Ikaw ang kauna-unahang Architect na babae sa kompanya ko pagkuwan," wika ng ginoó.
Natigilan siya. Hindi niya malaman kung dapat ba siyang matuwa o malulungkot. Talaga palang gagampanan niya ang kursong tinapos. Akala niya'y magagawa na niya ang gusto niya kapag nakapagtapos siya ng pag-aaral.
"Ano po'ng ibig n'yong sabihin, Engineer?" pagkuwa'y tanong niya.
"Napag-usapan namin ng Papa mo na pagkatapos mong mag-aral ay magtatrabaho ka sa kompanya ko. Natutuwa ako at iyon din pala ang plano niya," anito.
Nag-aalangan siyang ngumiti. Plano kasi niya na pumasok sa fashion company na pinagtatrabahuhan ng ate niya. Plano niyang kakausapin ng masinsinan ang papa niya. Pero tila hindi na siya mabibigyan ng pagkakataon.
Nang mapagsolo sila ng Papa niya ay sinubukan niya itong kausapin. Nagpapahinga na ito sa sala nang lapitan niya. May iniinom itong red wine habang nanonood ng telebisyon.
"Congratulations, Anak!" bati ni Welfredo kay Anniza.
Umupo naman siya sa tabi nito at kunwari ay naglalambing. Yumakap siya sa likod nito.
"Ang guwapo talaga ng Papa ko at ang macho pa," aniya. Pinisil-pisil siya ang muscle nito sa braso.
"Naku, kinakabahan ako sa mga paglalambing mo na iyan, anak, a," natatawang wika ng ginoó.
"E, Papa naman...." Bahagyang lumuwag ang pagkakayakap niya rito.
"Anak, alam kung kukumbinsihin mo na naman ako tungkol riyan sa pagmomodelo. Sinasabi ko sa iyo, huwag ka nang umasa na mapapayag mo ako. Ngayon pa na nakapagtapos ka na. Bukas makalawa ay magsisimula ka na sa trabaho bilang architect kaya tigilan mo na ang pangungulit sa akin," prangkang pahayag ni Welfredo.
Bumusangot siya at dagling kumalas sa pagkakayakap mula sa Papa niya. Alam naman niyang hindi niya ito makukumbinsi pero heto pa rin siya at nangungulit.
"Puwede naman ako mag-model kahit nagtatrabaho ako sa construction site, eh. Hindi naman araw-araw ay magtatrabaho ako sa fashion company," giit niya.
Inakbayan siya nito. "Anak, ayaw ko'ng umasa ka. Huwag mong hintayin ang pagkakataon na pagtatalunan na naman natin ito," anito.
Hindi na lamang siya umimik. Humalik na lamang siya sa pisngi nito saka padabog na umakyat siya sa hagdan at tinungo ang kuwarto niya.
BINABASA MO ANG
Bartenders Series 7: Cordials (Complete) Unedited
RomantikJapanese-Filipino, ipinanganak sa Pilipinas ngunit namulat sa batas ng mga ninunong Hapón. Seryoso, prangka, sarkastiko at mahilig mam-bully ng mga babae. Sadista sa salita ngunit malambing sa gawa. Mataas ang pride. Mahilig siya sa Asian at Organic...