Chapter Six

13K 322 5
                                    

DALAWANG beses nang inulit ni Anniza ang lobby sketch na pinagawa sa kanya ni Hanzen. Noong nakaraang gabi nang ihatid siya nito sa studio nina Arian ay sinabi nitong ulitin daw niya ang layout na ginawa niya. Para iyon sa Hotel na ginagawa ng grupo nila sa Bulacan.

Nagpuyat na naman siya para pagpasok niya kinabukasan ay maipresenta na niya iyon kay Hanzen. Huwag lamang nito iyong lalaitin dahil baka punitin niya sa harapan nito ang papel.

Kinabukasan pagpasok niya sa site ay dumiretso siya sa conference room para sa meeting. Dala-dala niya ang naka-rolyong sketch paper. Katabi niya si Gerald sa upuan at panay ang kuwento nito kaya wala siya masyadong naintindihan sa sinasabi ni Engr. Duellas.

Pagkatapos ng meeting ay nagpaiwan siya kasama si Hanzen at Gin. Pinakita niya kay Hanzen ang bagong gawa niyang plano para sa lobby ng hotel. Matagal bago nito iyon hinatulan. Nakaupo lamang siya sa tabi nito habang sinusuri nitong maigi ang bawat anggulo ng obra niya.

"Masyadong matakaw sa space. Hindi mo man lang nilakihan ang pasilyo papuntang second floor. Kahit layout lang, bigyan mo ng buhay. Ayaw ko ng scratch," hatol nito sabay ibinalik sa kanya ang sketch paper niya.

"Pangatlong ulit ko na ito," aniya.

Tumayo ito. "Alam mo, sayang ang mga punong pinuputol para gawing papel. Pag-aralan mo muna ang kabuuan ng plano na ginawa ni Gin. Hindi ka naman nagtanong sa kanya o sinilip man lang ang ginawa niya." Pumapalatak ito habang kumikilos.

Lumabas na ito. Nagmadaling sinundan niya ito. "Dapat kasi si Gin na rin ang gumawa ng additional part doon sa plano, e. Siya pala ang gumawa," reklamo niya.

Huminto ito sa paglalakad. Hinarap siya nito. "In-give up na nga ni Gin ang project na ito dahil sinisimulan na niya ang Batangas project. Ang client ang nag-request ng additional facilities para sa hotel. Hindi kasi kasama sa planong ginawa ni Gin ang lobby na gustong makita ng client. Hindi na panagutan ni Gin iyon dahil labas na ito sa kontrata niya. Tapos na ang project," paliwanag nito. Muli na naman itong naglakad.

"Hanzen, napapagod na ako sa kakaulit sa lobby sketch," reklamo niya habang nakabuntot pa rin rito.

"Then quit! Walang problema doon, Ms. Montales," anito.

Nasalubong nila si Brandy na kararating lang. "Ano, uulit na naman ako?" tanong niya.

"As soon as possible, do it please..." anito.

Sa inis niya'y nagtiuna siya sa paglalakad. Hindi na ito nakasunod sa kanya. Marahil ay sumabit iyon kung saan. Naiinis na pumasok siya sa canteen at nag-order ng almusal.

"Nakakainis siya! Ano kaya ang gusto niyang makita sa sketch?" bulong niya habang humihigop siya ng sabaw ng sopas.

Abot lalamunan na ang inis niya kay Hanzen. Wala na siyang ginawang tama sa mga mata nito. Bakit ba kasi sa dami ng Engineer sa kompanya nila ay sa panig pa siya ni Hanzen napunta?

Pagkatapos niyang mag-almusal ay isinama siya ni Hanzen sa Bulacan kung saan ang hotel na project nila. Ipinakilala siya nito sa kliyente nilang si Mr. Chan—na siyang may-ari ng hotel. Tapos na ang hotel pero ang extension sa harap ng hotel ay sa kasalukuyan pang nakabinbin dahil hindi pa naaprobahan ang panibagong kontrata para sa lobby.

Doon na rin sila nananghalian kasama si Mr. Chan, habang pinag-uusapan nila ang tungkol sa extension ng hotel. Kahit hindi gusto ni Hanzen ang ginawa niyang plano ng lobby ay pinakita pa rin niya iyon kay Mr. Chan.

At sa awa ng May Kapal, nagustuhan iyon ni Mr. Chan. Meron lang itong pinabago na ilang bahagi sa plano pero nagustuhan nito ang kabuoan. Inirapan niya si Hanzen nang nagustuhan ni Mr. Chan ang gawa niya. Dahil sa ipinakita niyang plano para sa extension ng hotel ay nagpasya si Mr. Chan na isagawa ang proyekto sa lalong madaling panahon.

Bartenders Series 7: Cordials (Complete) UneditedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon