ALAS-ONSE na ng gabi pero nasa Bar pa rin si Cordial kasama si Brandy. Pagkagaling nila kanina sa trabaho ay dumiretso na sila roon para mag-unwind. Hindi siya alcoholic at lalong hindi siya sanay na nalalasing. Mahilo lamang siya ng kaunti ay tumitigil na siya sa pag-inom.
On duty si Gin at ito ang nagtitimpla ng inumin nila ni Brandy. Hanggang roon ay pinag-uusapan nila ang trabaho.
"Nakapag-deal ka na ba sa Batangas project, dude?" tanong niya kay Brandy.
Nahipo ni Brandy ang batok. "Deal or no deal ba 'yon? Sa palagay mo may choices pa ako kapag si Daddy ang nagdesisyon?" anito.
"Hindi pa ata nakipag-deal ang daddy mo sa client, pero nakita ko na ang contract noong isang araw na pumunta sa site si Mr. Chun," aniya.
"Kulang pa nga tayo sa tao, e," angal ni Brandy.
"May bagong hired, a," sabad naman ni Gin.
Kumislot si Brandy at tinapik ang balikat niya. "Oo nga pala, may bago tayong Architect. 'Yong anak ni Archt. Montales," maligalig na wika ni Brandy.
Mariing kumunot ang noo niya. "May anak bang lalaki si Archt. Montales?" maang na tanong niya.
Inakbayan siya ni Brandy. "Dude, lalaki lang ba ang alam mong Architect? Siyempre babae. Wala atang anak na lalaki si Archt. Montales, puro diyosa," sabi ni Brandy.
Tumawa siya ng pagak. "Baka sa halip na makatulong e, sakit sa ulo 'yon," pilyong sabi niya.
"Hey, don't judge her gender, malay mo, siya pala ang hinihintay natin para mabuo ang Batangas Project," ani Brandy.
"Tsk! Wala akong bilib sa mga babaeng architect. Dakilang ina lang ang alam kong epektibong papel ng mga babae sa mundo," simpatikong turan niya.
"Ang talas naman ng dila mo, dude. Bully ka talaga ng mga babae. Hindi mo pa nga nakikita o nakilala 'yong tao. Oy, you never know, hindi ka magiging lalaki kung walang babae. Palibhasa hindi ka catholic at iba ang pananaw mo sa mga babae," litanya ni Brandy.
"I don't care. Para sa akin, walang karapatan ang mga babae na maghanap-buhay. Gawain iyon ng mga lalaki. Dapat sa bahay lang sila at gumagawa ng mga gawaing bahay," depensa niya.
"Iyon ba ang sabi ng mga ninuno mo'ng hapón? Dude, noong panahon pa iyon ni kupong-kupong. Wala nang gano'n ngayon. Practical na ang mga babae ngayon. Nakakalalaki pero ganoon talaga. Hindi lahat ng pagkakataon ay lalaki ang nasa ibabaw. Madalas na ngayon ay babae ang nangingibabaw," makahulugang pahayag ni Brandy.
Napansin niyang pangiti-ngiti si Gin. Mabilis siyang napipikon sa tuwing nalalamangan siya sa usapan. Gusto niya siya ang tama at nasusunod sa daloy ng usapan. Iyon ang ugali niya na minsan ay ikinababanas niya.
"Never mind," aniya.
Inabutan pa siya ni Gin ng cocktail na tinimpla nito. Ayaw na sana niyang uminom dahil medyo nahihilo na rin siya. Pampatulog lang sana ang iinumin niya, pero heto, napasubo na siya. Sumasarap na rin kasi ang usapan nila ni Brandy lalo pa't dumating ang makulit na si Moonshine at nakisawsaw sa usapan.
Ala-una na ng umaga nang makarating sa bahay nila sa Cubao si Cordial. Tanging aso na lamang ang nadatnan niyang gising. Hindi pa siya bumababa ng kotse. Napansin niya ang itim na Toyota Ennova na nakaparada sa garahe katabi lamang ng kotse niya.
Wala siyang ideya kung sino ang bisita nilang dumating. Mayamaya'y bumaba na rin siya. Tahimik ang kabahayan pagpasok niya. Nakapatay ang lahat ng ilaw.
Limang taon pa lamang silang naninirahan sa mansiyon na iyon ng lolo niya. Ang mga magulang niya ay nasa Bulacan at minsan sa isang buwan dumadalaw roon. Adapted siya ng grandparents niya at lahat ng gusto niya ay naibibigay ng mga ito ngunit nakakulong naman siya sa batas ng mga ito.
BINABASA MO ANG
Bartenders Series 7: Cordials (Complete) Unedited
RomanceJapanese-Filipino, ipinanganak sa Pilipinas ngunit namulat sa batas ng mga ninunong Hapón. Seryoso, prangka, sarkastiko at mahilig mam-bully ng mga babae. Sadista sa salita ngunit malambing sa gawa. Mataas ang pride. Mahilig siya sa Asian at Organic...