“ENGR. CUERVAS…!”
Hindi narinig ni Sammy ang papalapit na foreman. Nang madaling-araw na iyon, pangalawang linggo na ng Mayo, inoobserbahan niya ang paglalagay ng prefab concrete railing sa ginagawa nilang isang tulay sa Paniqui, Tarlac.
“Engineer…!”
Hindi pa rin niya napapansin ang foreman. Nakatayo siya sa itaas ng isang malaking bato, di kalayuan sa crane na pinalusong niya sa dahilig na pampang ng mabatong ilog.
Sa pamamagitan ng mahabang boom, isa-isang binubuhat ng crane mula sa ibaba ng tulay ang mga concrete slabs tungo sa gilid ng tulay. Sa ibaba ng tulay ginawa ang mga slabs.
Nasa tulay ang portable generator na pinagmumulan ng kuryenteng nagpapailaw sa malalaking bombilyang nagbibigay ng liwanag sa buong project site.
Sa generator din nakakabit ang tatlong welding machines na gamit nila sa paghihinang ng mga bakal na reinforcement ng mga slabs at maging ng tulay mismo.Nakasisilaw ang tumitilamsik na liwanag mula sa harap ng nakamaskarang tatlong welders. Parang mga itim na kaluluwang naglisaw-lisaw sa tulay ang iba pang manggagawa.
Namputsa… ang bagal! lihim niyang pagmumura. Kapag di kami nakatapos bago mag-alas-singko ng umaga, tigil na naman ang trabaho. Mumurahin ako ni Dante kapag na-delay na naman ang pagbabakod sa tulay na to!
“Engr. Cuervas…!” sigaw ng kapatas na nakalapit na sa boulder na tuntungan ni Sammy.
“Sandali lang ho, Boss…!”
Napalinga siya sa lalaking tulad niyay may dilaw na construction helmet sa ulo. Ibinaba niya ang zipper ng kanyang itim na jacket at tumalungko sa ibabaw ng bato para marinig ang sinasabi ng foreman. Maingay kasi ang makina ng crane.
“Ano ho yon, Mang Boy?” pasigaw niyang tanong.
“Nagrereklamo’ng mga welders,” sigaw rin ng foreman. “Mali yong idineliber na mga welding rods… pang-asero kasi at hindi pangbakal! Nahihirapan silang magpakapit!”
Anak ng tokwa naman! “Bakit di n’yo muna ininspeksiyon kaninang nasa kabayanan pa tayo?” inis niyang sigaw. “Tawagin n’yo si Godo Melaya …” Dinukot niya sa bulsa ng jacket ang susi para sa ginagamit niyang dilaw na pick-up van na pag-aari ng kompanya. Initsa niya sa foreman ang susi. “Palitan nyo ngayon din ang mga welding rods!”
“Pero, Engineer… alas-dos pa lang ng madaling-araw. Sarado pa ang hardware!”
“So what? Gisingin nyo dahil emergency kamo. Hindi ho natin puwedeng isara sa trapiko ang tulay na ‘to hanggang mamayang alas-singko. Alam naman ninyong hanggang alas-singko lang ang ibinigay sa ating permit!”
“Samahan n’yo na lang kami, Boss! Baka ho magalit sa amin ‘yong me-ari ng hardware!”
Tang’na naman…! Kaka-high blood ang mga tauhang ‘to ni Kuya Mark! Saan ba n’ya pinagkukuha ang mga ‘to? Tumalon siya mula sa boulder.
“Akina ho’ng susi,” aniya. “Kung sasama rin lang ako, maiwan na lang ho kayo rito. Pare-pareho pa tayong maaabala.”
“E kasi nga —”
“Tuluy-tuloy pa rin ang pagkakabit ng slab,” bulyaw niya. “Mag-iiwan ako ng tatlong kahong welding rod. Pagtiyagaan na muna kahit mali basta h’wag lang matigil ang trabaho.”
“Ganoon nga ang gagawin, ‘Gineer,” anang kapatas. “Iniutos ko na. Basta maistedi lang muna ang mga slabs…!”
Kinuha niya ang parang cellphone na walkie-talkie mula sa kanyang beywang at ini-on. “Aalis lang ako sandali, Jim! Tuluy-tuloy lang, ha?”
BINABASA MO ANG
My Neighbor :> (Completed)
Teen Fictionpaki basa. magnda to promise. hindi kayo mag sisisi :)