MINES VIEW PARK, Hunyo 18, mag-iikasiyam ng umaga.
I won’t miss him, naisaloob ni Liza habang kunwari’y tumitingin ng mga souvenir items sa harap ng isang stall sa tabi ng daang iyon, kalinya ng iba pa. Wala siyang ibang dadaanan kundi ang lugar na ito patungo sa mga railings sa bingit ng bangin.
Naroon na siya labinlimang minuto pa bago mag-alas-nuwebe. Nagpahatid siya sa pick-up van na dala ng kanyang Kuya Jun hanggang sa pasukan ng mga tao sa pamosong liwasang iyon. Sinuwerte sa pag-aahente ng iba’t ibang industrial chemicals sa Nothern Luzon, sa Baguio na tumitira ang kuya niya.
Kahit maaga pa’y bumabaha na ang mga tao at turista sa lugar na iyon. Mga agos ng tao na nagkakasalubong, patungo sa may cliff at paibaba sa entrada ng park. Tulad ng iba pang lugar sa siyudad, ang Mines View Park ay foggy nang umagang iyon.
Nagmukha siyang mas bata nang talian niya ng white ribbon sa likod ng ulo ang kanyang light brown hair. Parang naging hugis puso kasi ang kanyang mukha sa pagkawala ng taba sa kanyang pisngi. Sapagkat nabalik na ang dating lantik ng beywang, lalo nang nagmukhang mataas ang kanyang mga dibdib. Nakaparagan kasi sa kanyang white shorts ang baby pink shirt-blouse.
Nakapamulsa ang kanang kamay sa kanyang white silk jacket na ang kahabaan ng manggas ay may stripe na yellow, humakbang siya nang mabagal patungo sa kasunod na souvenir item store.
Sinalat niya ang munting jewelry box sa bulsa ng jacket. Sa paghakbang ay tumitingin siya sa ibaba pagkat parang malalapad at mababang baitang ang mga adobeng nakalatag sa pavement.
Paghakbang tungo sa kasunod na adobeng baitang, nahakab pa sa kanyang shorts ang mabibilog at mapuputi niyang hita. Tumanaw siya sa dulo ng maluwang na daang iyon.
Di kalayuan sa isang puno na may mga upuang semento sa ilalim, abala sa pagbibenta ng nilagang mais ang isang vendor habang sa di kalayuan, ilang turistang banyaga ang nagpapakuha ng litrato, sakay ng dalawang kabayong puti na pinauupahan para sa ganoong layunin.
Napangiti si Liza. Marami nang beses na nagpa-picture taking sila roon ni Divina, sakay ng mga kabayong iyon.
Banda roon pa, sa likod ng eksenang iyon, ay ang mga sementong railing sa bingit ng bangin. Kinortehang parang mga trosong ginagamit na pambakod sa mga rantso.
Nakahilera sa dakong iyon ang ilang magkakaparehang binata’t dalaga. Nakatanaw sa malayo, sa wari’y kumpol ng mga bahay-bahayang nasa mas mababang bundok, gawing kanan. Sa ibayo ng bahayang iyon, wari’y ibinabang kurtina ang isang nangangasul, mas mataas at magubat na bundok.
Kapag tinanaw mula sa barandilya, para bang ang langit ay kay lapit, at ang likod ng kabundukang iyon ay bingit o dulo na ng mundo.
Wala pa siya, naisaloob niya nang suklayin ng tanaw ang nakahilerang mga tao sa barandilya. Sa bagay, five minutes pa lang before nine. Baka nga past nine na siya dumating… para kapag nauna ako rito ay maghahanap na lang siya at hindi na maghihintay pa nang matagal.
Kung alam lang niyang hindi na siya magtatangkang umiwas kay Sammy, kung alam lang niyang kusang-loob na pala siyang pasisilo sa bitag na kung tawagi’y pag-ibig, hindi na sana sila maglalaro ngayon ng hide and seek.
Sana’y nagtagpo na lang sila sa isang secluded place, sa cozy nook ng isang coffee shop sa dibdib ng lunsod, halimbawa.
Doon sa puwede niyang masdan ang guwapong mukha ng binata at hayaang matunaw ang puso niya sa titig at simpatikong ngiti nito.
Napabuntunghininga siya nang sumimoy sa malarosas niyang pisngi ang maulap na hangin. Why did I finally fall in love with you, Sammy? nangingiting naisaloob at muling sinalat ang kahita sa bulsa ng jacket. Dahil ba dalawang beses mo na akong nadadampian ng halik sa mga labi?
BINABASA MO ANG
My Neighbor :> (Completed)
Ficção Adolescentepaki basa. magnda to promise. hindi kayo mag sisisi :)