Chapter 2

120 0 0
                                    

GALING sa restroom at pabalik na sa office table, napatigil si Mrs. Rina Santos sa tabi ng computer desk ni Liza nang umagang iyon ng Martes, pangalawang araw ng Mayo.

“Liza, ngayon ko lang napansin, ang ganda ng bago mong singsing, a!”

Napatigil sa pagtipa sa keyboard si Liza. “A, ito ho?”

“Oo. “Laki ng bato. Ang mahal siguro nyan.”

Pangiting sumulyap siya kay Divie, ang bago nilang section chief. Pagkuwa’y ibinalik niya ang tingin kay Mrs. Santos.

“Ito ho iyong regalo ni Sammy kay Divie,” aniya. “Ayaw ho niyang isuot e ang ganda-ganda. Kaya hinihiram ko muna. Saka… ako ho ang pinagsuot niya nito nang nasa Baguio pa kami last Holy Week. Kasi, maluwag sa daliri niya at baka raw mahulog sa pagdya-jogging namin doon.” Tumingin uli siya sa kanilang bagong office supervisor na ang desk ay nasa gawing kanan niya. “Di ba, Boss Divie?”

“Oho, Aling Rina,” nakangiting tango ni Divie. “At isa pa… binigyan na ho ako kahapon ni Rad ng engagement ring. Look… it’s simplier. Hindi gaanong malaki ang diamond.”

Napatawa si Mrs. Santos. “Simple ka lang talaga, Divina. Hayy… kawawang Engr. Cuervas! Nasayang lang ang mga iniregalo niya sa ‘yong basket-basket na mga roses, bila-bilaong pansit palabok… at napornada pa pala ang kanyang engagement ring.”

Napahagikhik si Liza.

“Asang-asa na siyang magiging nobya ka niya, Divie,” dugtong pa ni Mrs. Santos. “Kung bakit naman nagbakasyon lang kayo nina Rado sa Baguio… kayo na ang nagkamabutihan.”

Nag-blush ang magandang section chief. “Aling Rina, sa umpisa pa lang ho naman e wala talaga akong gusto sa Engr. Sammy Cuervas na ‘yon.”

“E bakit mo naman tinanggap ang singsing?”

“Ayaw ko nga hong tanggapin ang engagement ring na yan. Pero siya ho ang mapilit, e. Sabi pa nga ho niya, ‘It’s just a ring. A friendly ring or an engagement ring. Depends upon you.’ E di tinanggap ko na rin ho para naman hindi siya mapahiya.”

“Kawawa naman.”

“E talaga hong gano’n ang buhay,” ani Liza. “Kasabihan nga ho e… kung hindi sa ‘yo ukol, hindi bubukol. Hindi ho talaga sila ang magkapalad ng kaibigan ko, Aling Rina.”

“Sabagay nga. Tama ka, Liza.”

TUMUNOG ang telepono sa isa pang mesang kalapit ng computer desk ni Liza. Malapit nang mag-lunch break.

Ipinihit niya ang kanyang swivel chair paharap doon at dinampot ang pulang office telephone.

“Metropolitan Development Corporation, Administrative Department, hello, good morning…”

“Good morning. This is Mrs. Consuelo Cuervas. Puwede ho bang makausap si Miss Divina Morales?”

Napakunot-noo si Liza. “Sandali lang ho…” Tinakpan niya ang mouthpiece at tumingin kay Divie. “Divie, ang mother ni Sammy, gusto ka raw makausap.”

Tumango ang dalagang nakakahawig ni Lorna Tolentino nang ang artista’y wala pang beinte-singko anyos. “Sige, Liza, ibaba mo na.”

Ibinaba niya ang hawak na telepono at dinampot naman ni Divie ang extension phone sa desk nito.

Ilang minuto lang na nag-usap sina Mrs. Cuervas at Divina.

“Bakit siya tumawag, Divie?” tanong niya nang maibaba na nito ang telepono. “Do you mind?”

“Nope. Gusto lang daw niya akong makita nang personal. Kasi raw, masyadong dinamdam ng anak niya ang… alam mo na. Wala raw naman siyang personal na pagdaramdam sa akin, pero gusto nga lang daw niya akong makita.”

My Neighbor :> (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon