“KENTUCKY, and that’s final!”
“Max’s na lang, Rad,” ani Divie. “Nakakasawa na ang Kentucky Fried Chicken. Lagi na doon lang tayo pumupunta.”
“Oo nga naman, Rad,” ani Liza. “Sa Max’s naman tayo kumain ng manok bukas.”
Umiling si Rado. Hindi sila nag-i-scrabble nang gabing iyon ng Linggo. Nagtu-tong-its sila kina Rado, kasali si Boboy. Wala silang trabaho bukas pagkat Araw ng Kalayaan, na bagaman isang regular holiday lamang ay nakasanayan nang gawing official holiday ng kanilang kompanya.
“I think you need a referee,” ani Boboy. “Hindi kayo magkasundo, e.”“Baka mediator o arbiter lang ang ibig mong sabihin,” ani Rado. “Hindi naman kami naglalaro ng basketball, a!”
“Kow! Pareho na rin ‘yon, Kuya.”
“O, sige… ikaw ang referee,” natatawang pagsang-ayon ni Rado. “Saan tayo kakain bukas?”
“Sa Ma Mun Luk.”
Binatukan ito ni Divie. “Um! Tado!”
“Areko naman, Ate! E ‘yon kasi ang paboritong restawran ni Mama, e!”
“Hee! Basta ang gusto namin ni Liza e sa Max’s tayo pupunta bukas!”
“Buweno, okey lang,” ani Rado. “Pero kayo ang magbabayad.”
Inirapan ni Divie ang nobyo. “Masaya ka! Ba’t kami pa ang pagbabayarin mo? Toss coin na lang. Head, Max’s; tail, Kentucky. Okey?”
“Okey,” ani Rado na dumampot ng coin na pantaya nito. “Mabuti pa nga.”
Inihagis ni Rado ang coin paitaas. Sinalo iyon ni Boboy at itinaob ang palad sa mesitang pangsalas.
“Head!” nagtatawang sabi ni Rado nang angatin na ni Boboy ang palad. “Malinaw ‘yan, ha? It’s Kentucky!”
MAG-AALAS-DIYES ng umaga kinabukasan, binabagtas na ng pick-up van nina Sammy ang EDSA. Inabot sila ng hanggang alas-onse ng gabi sa pagbubuhos ng semento. Sa mungkahi ng drayber, umalis sila sa Baguio nang alas-tres ng madaling-araw.
Ginamit ni Sammy ang kanyang cellphone makalampas nang SM City North. Tinawagan niya ang kanyang ina. Ang kanilang maid-labandera ang sumagot. Kaaalis lang daw ng kanyang mommy, patungo kina Mark sa Roxas District.
Doon niya nakausap ang kanyang ina.
“Paalis na rin kami dine, anak,” sabi nito. “Patungo kami sa Max’s Restaurant… dito lang sa malapit sa kanila. Ang mabuti pa’y dito ka na rin pumunta.”
“Hindi ba nagsasawa sina Kuya Mark sa restaurant na yan?” natatawang sabi niya.
“Linggu-linggo na lang ‘ata e d’yan sila kumakain, a!”
“E saan mo ba gusto?”
“Sa McDo.”
“Naku, e, doon na nga sila kumain kahapon.
Dito na lang sa Max. ‘Asan ka na ba?”
“Approaching Quezon Avenue intersection.”
“Aba’y malapit ka na pala rito, e…”
“Uuwi na lang ho kaya ako sa San Juan, Mom,” aniya. “Pagod ho ako, e.”
“E, sige… hintayin mo ako roon.” Isinarado na niya ang telepono. “Mang Ric, doon na lang ho tayo mananghalian sa McDonald’s na nasa kanto ng Araneta at Aurora Boulevard.”
Tumango ang drayber.
LIMA silang sakay ng kotse ni Rado nang magtungo sa Kentucky Fried Chicken sa Quezon Avenue. Kasama nila si Tiya Lucy.
BINABASA MO ANG
My Neighbor :> (Completed)
Novela Juvenilpaki basa. magnda to promise. hindi kayo mag sisisi :)