Prologue
“Reiza anak, mag-iingat ka ro'n ah? Huwag mong pababayaan ang sarili mo at kahit sana isang beses sa isang buwan ay makatawag ka. Aalagaan mo ang sarili mo dahil wala tayong kamag-anak doon na pwedeng mag-alaga sa'yo.” Paalala sa akin ni Nanay habang ihinahatid ako sa sakayan ng tricycle.
“Huwag ninyo kong masyadong alahanin, Nay. Kasama ko si Megan kaya siguro ay hindi ako mahihirapan doon sa Manila. Tatawag po ako sa inyo madalas saka ienroll niyo na rin si Liza ngayong school year. Magpapadala po ako ng pera sa inyo.”
Luluwas ako ng Manila ngayon kasama ang kaibigan kong si Megan para mag trabaho. Ayaw akong payagan nung una ni Nanay dahil wala akong alam sa Manila at 19 anyos palang ako. Pero desidido na ako. Hindi ko kayang kitain dito sa probinsya ang pwede kong kitain sa Manila. Mapag-aaral ko ang mga nakababata kong kapatid at matutulungan ko na si Nanay, na siyang mag-isa na nagtataguyod sa amin noon pa man.
“Ano ka ba, anak? Huwag kang masyado mag-alala sa amin dahil kaya ko pa naman mag trabaho. Basta kapag nandoon kana, bilhin mo lahat ng kailangan mo. Unahin mo muna ang sarili mo at mag ipon ka para makauwi ka na ulit dito.”
Kinawayan ni Nanay ang tricycle na nakaparada sa paradahan.
“Basta magpapadala po ako sa inyo buwan-buwan. Mag-iingat po kayo rito at tawagan ninyo ako kapag may problema.”
Isinakay ko ang isang malaking bag sa loob ng tricycle na kinalalagyan ng mga damit ko. Wala akong masyadong dala dahil wala rin naman akong masyadong damit.
“Mauna na po ako.” Pagharap ko kay Nanay na malungkot ang mga mata sa pag-alis ko. Mahigpit ko itong niyakap.
“Huwag kang magpapaloko sa mga lalaki ro'n sa Manila ha?”
Hindi ko napigilan ang matawa. Para namang napaka ganda ng anak niya. Dito nga sa probinsya ay wala sa aking nagkakagusto sa Manila pa kaya.
“Aalis na po ako.” Huling pamamaalam ko kay Nanay bago tuluyang sumakay sa tricycle.
Wala akong naramdamang lungkot sa pag-alis ko. Ang totoo nga niyan ay excited ako dahil alam kong sa pag-alis ko para mamasukang katulong ay matutulungan ko kahit papaano ang Nanay ko. Mapag-aaral ko ang mga kapatid ko at hindi kailangan pang mag trabaho ni Nanay araw gabi.
Pagdating ko sa terminal ay agad kong hinanap si Megan. Dito namin napagpasyahan na magkita at ayon sa kaniya ay may van na susundo sa amin papuntang Manila.
“Megan!” malakas na tawag ko sa kaniya nang makita ko itong nag pipicture katabi ang maleta niya. Grabe, parang hindi siya nangangailangan ng trabaho sa postura nito. Hinahangaan ko talaga siya sa ganitong mga bagay. Maganda si Megan at hindi mukhang anak mahirap.
“Reiza! Ang tagal mo naman kanina pa ako nandito.”
“12 naman ang usapan natin hindi ba? Nandito na ba yung van?” pag-upo ko sa tabi niya.
“Wala pa. Ang tagal nga eh, gustong-gusto ko na umalis. Sa tingin mo mabait ang amo natin? Sana mabait no?”
“Sana nga.” Pag sang-ayon ko sa kaniya.
Hindi namin kilala ang amo namin dahil galing kaming agency ni Megan pero sana nga ay mabait ang mga iyon. Natatakot ako na matulad sa mga napapanood ko sa palabas na minamaltrato ang mga katulong.
“Sa unang sweldo ko bibili ako ng cellphone. Ang labo ng camera nitong gamit ko. Ikaw saan mo gagamitin unang sweldo mo?”
“Papadala ko. Pag-aaralin ko si Liza ngayong school year.”
Suminghap ito. “Grabe, isingit mo naman kahit pangbili ng eskinol d'yan sa tigyawat mo.”
Ningiwian ko si Megan. Kahit kailan ay hindi pumasok sa isip ko na unahin ang mga ganoong bagay. Mas importante sa akin ang pagkain ng pamilya ko kaysa ang mawala ang mga tigyawat sa mukha ko. Saka sanay naman na ako, hindi ko ito ikinakahiya. Bunga ito ng puyat at pagtatrabaho ko sa initan.
“Pulbos lang sa akin ayos na,” tugon ko kay Megan.
“Sana may gwapo ro'n no? Naku! Kapag talaga nakapingwit ako ng lalaki ro'n hindi na ‘ko uuwi rito sa probinsya. Ang hirap ng buhay dito.”
Tinawanan ko ito. “Sabi ni Nanay manloloko raw yung mga taga Manila.”
“Kayo ba si Megan at Reiza?”
Sabay kaming napatingala sa lalaking nakatayo sa aming harapan. Naka sunglasses ito at ang suot na t-shirt ay hapit na hapit sa kaniyang mga braso. Totoo nga yata ang nabalitaan ko na mapuputi ang mga taga Manila. Sabi ng kapitbahay namin ay dahil sa tubig na ginagamit nila hindi katulad sa amin na may kalawang.
“Ahh kami nga,” pag sagot ko sa lalaki.
Binalingan ko si Megan na halos hindi kumurap sa pagkakatitig sa lalaki. Pasimple ko itong siniko para bumalik sa wisyo.
“Nandoon na yung van sumakay na kayo. Help yourself.” Sabay talikod nito sa amin.
“Ang sungit naman ng driver na ‘yon.” Komento ni Megan.
Tinulungan ko ito sa mga dalang bag at sinundan ang pinuntahan na sasakyan ng lalaki. Mukhang masungit nga ang lalaking ‘yon base sa tono ng pananalita niya. Para siyang iritable.
“Oo, nasundo ko na.”
Sa pagbukas namin ng sasakyan ay naabutan namin ang lalaki na may katawagan. Saglit itong tumingin sa amin ni Megan ngunit agad ding binalewala.
“Mukhang antipatiko itong lalaking ‘to,” bulong sa akin ni Megan.
“Huwag kang maingay baka marinig ka,” bulong ko pabalik sa kaniya.
Napaayos ako sa pagkakaupo nang makita kong tumingin ito muli sa amin ni Megan gamit ang salamin sa harap ng sasakyan. Wala na itong suot na salamin at masasabi kong hindi ko kayang tagalan ang mga mata nito.
“Manong driver, kilala mo ba yung amo namin? Mabait ba? Nagpapakain ba ng maayos? Baka maging 28 ang baywang nitong kasama ko.” Pagturo sa akin ni Megan.
“Megan….” Pagpapatigil ko sa kaniya. Nakakahiya rin talaga yung isang ‘to minsan e. Sinama pa pati ang matimbang na katawan ko.
“Huwag kang mag-alala, mananatiling extra large iyang kasama mo,” malamig na tinig nito.
Bigla ay nag init ang mga pisngi ko at napayuko. Kinurot ko na lamang sa braso ni Megan para huwag na mag salita pa pero hindi nagpapigil ito.
“Sinasabi mo bang mataba ang kaibigan ko?” pag lapit pa ng katawan niya sa driver seat. Hinila ko naman siya pabalik sa upuan.
“Nakikita ko lang.”
Sa pagkakataong ‘yon ay lalong nag-init ang pisngi ko. Natitiyak kong pati ang mga tigyawat ko ay namumula na rin.
“Ganyan ba mga ugali ng mga taga Manila? Kung ganyan din ugaling ng amo ko baka hindi ko matagalan.”
Tumikhim ang lalaki. “Pwede bang manahimik na lang kayo habang nasa byahe? Ayoko kasi ng maingay.”
Nararamdaman ko na halatang nagpipigilan lang ang driver na mairita. Nakikita ko kasi mula sa salamin ang bawat pagkunot ng noo nito.
“Aba! Grabe naman ‘tong driver na ‘to! Kala mo-”
“I’m not your fucking driver, Miss,” madiing sambit niya.
“Sino ka kung ganon? Ang yabang naman ng pananalita mo! Gwapo ka sana kaso antipatiko.” Pag singhal ni Megan.
Ako na ang hihingi ng pasyensya sa ginagawa ni Megan. Baka makarating ito sa amo namin at maging dahilan para mapauwi agad kami sa probinsya.
“Pasyensya na po, Manong driver. Huwag niyo pong seryosohin ang sinabi ng kaibigan ko.”
Sa paghinto ng sasakyan sa traffic ay lumingon sa amin ang lalaki. Napalunok ako sa matalas na tingin nito. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nakakita ng ganitong klaseng mukha maliban sa palabas. Mas gwapo ito kumpara sa mga lalaking nakikita ko sa basketball court.
“Who I am? You really wanna know who I am?” pag ngisi nito sa amin ni Megan. “I’m your boss.”
YOU ARE READING
In Between
RomanceSa murang edad ay namulat si Reiza sa kahirapan. Second year high school lamang ang kaniyang natapos dahil sa kakulangan sa pinansyal. Nais ni Reiza na makatulong sa kaniyang mga magulang kaya naman namasukan ito bilang katulong sa pamilya Martinez...