Damit
“Ipapakuha ko nalang ‘yan kay kuya Canor.” Pagpigil sa akin ni Sir Brynn na bitbitin ang mga pinamili pagdating namin sa bahay.
“Kaya ko naman po.”
Inagaw nito ang ibang hawak ko at ibinalik sa sasakyan.
“Hindi ko naman sinabing hindi mo kaya. Namumula na ang kamay mo tingnan mo, kaya bitawan mo na ‘yan at ipapakuha ko.”
“Sige po, Sir.” Binitawan ko ang hawak at tumuloy na pagpasok ng mansion. Tiningnan ko ang kamay kong namumula dahil bumakat ang binitbit na plastic. Nauna pa ni Sir Brynn na makita ito.
“Oh Reiza, nandiyan kana pala. Nasaan yung pinamili niyo?” si Nanay Sony.
Inubos ko muna ang iniinom na tubig bago sumagot.
“Iuutos nalang daw po si Sir Brynn kay Kuya Canor,” sagot ko. Tumungo ako sa isang upuan para magpahinga muna. Sumakit ng kaunti ang mga binti ko kakaikot para hanapin ang mga nakalista. Pero at least sa susunod kapag inutusan ulit ako ay alam ko na.
“Nasa'n yung bago na ‘yon?! Yung matabang babae!”
Nagkatinginan kami ni Nanay Sony sa malakas na sigaw. Napatayo naman ako sa pagpasok ni Lilibeth sa kusina na nanlilisik ang mga mata sa galit.
“Ikaw! Anong kabobohan ang ginawa mo?!” pagduro nito sa akin.
Nakaramdam ako ng takot. Nanginig ang aking kamay at hindi ako makapagsalita sa nararamdamang takot kay Lilibeth.
“Lilibeth, anong problema?” tanong ni Nanay Sony. Itinago ako nito sa kaniyang likuran.
“Iyang bobong baguhan na ‘yan! Hindi ba inutos ko sa ‘yong labhan mo ‘to? Anong ginawa mo at nasira ng ganito?!”
Inihagis ni Lilibeth sa sahig ang mga damit na kaniyang iutos sa akin kanina. Kinuha iyon ni Nanay Sony at hinanap ang naging deperensya. Nagkaroon ng punit ang iba at nasira rin ang ibang disenyo. Namutla ako dahil doon.
“M-Ma'am Lilibeth, hindi po ako yung may gawa niyan,” nanginginig na boses ko.
“Kanino ko ba ‘to inutos? Hindi ba sa ‘yo?! Alam mo ba kung magkano ‘yang nasira mo?! Katumbas ‘yan ng tatlong taon na sweldo mo hampaslupa ka!”
Nagsimulang mangilid ang aking luha. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nakatanggap ng masasakit na salita katulad nito.
“Lilibeth, hindi naman yata mainam na nangbibintang ka. Sigurado ka ba na si Reiza ang gumawa niyan? Kadarating lang nung bata na ‘to dahil inutusan ko.”
Lalo akong naawa sa sarili ko sa pagtatanggol sa akin ni Nanay Sony. Hindi ko man lang maipagtanggol ang sarili ko dahil natatakot ako.
“Kahit hindi siya ang gumawa, she’s the one who is responsible for this! Kung sinunod niya ako agad hindi mangyayari ‘to! Ang pangit mo na ngang babae ka, ang bobo mo pa!”
Pinahid ko ang sunod-sunod na luhang tumulo sa akin. Ayoko na. Sobrang sakit na ng mga sinasabi niya.
“S-Sorry Ma'am, h-hindi ko sinasadya.”
Parang gusto ko nalang bigla umuwi sa probinsya namin. At least doon ay walang nagsasalita sa akin ng ganito. Wala akong natatanggap na panliit at pangungutya katulad nito.
“Sorry? Sa tingin mo mabubuo ito ng sorry mo?!”
Lalo akong napatago sa likod ni Nanay Sony sa pagbasag ni Lilibeth ng pinggan.
“Anong nangyayari dito?! Lilibeth!”
Nag echo sa buong paligid ang malakas na boses ni Sir Brynn. Humihikbi akong napakapit sa mga damit ni Nanay Sony. Kasunod ni Sir Brynn ay si Megan na agad na dumalo sa akin.
“Iyang hampaslupa na ‘yan! Sinira ang damit ko!”
“Watch your words, Lilibeth!” sigaw ni Sir Brynn sa kapatid.
“Paanong hindi ako magsasalita ng masama? Tingnan mo yung ginawa niya!”
Kinuha nito kay Nanay Sony ang damit at pinakita kay Sir Brynn ang sira.
“Hindi ginawa ni Reiza ‘yan, Lilibeth,” tinig ni Nanay Sony.
Masamang tingin naman ang iginawad sa amin ni Lilibeth. Lumakad ito palapit sa amin at sinipat ako ng masamang tingin.
“Siguro sinadya mo ‘yon no? Nagandahan ka sa damit ko kaya sinira mo? Naiinggit ka dahil hindi mo afford yung mga ganung bagay! Sisihin mo yung magulang mo na hindi ka nabigyan ng magandang buhay kaya naiinggit ka!”
Sa pagkakataong ito ay hindi ko napigilan ang sarili ko na magsalita.
“H-Hindi po ako ganung klase ng tao, Ma'am. Pinalaki ako ng maayos ng Nanay ko. Kahit kailan ay hindi ako naiingit kung ano ang meron sa iba. H-Hindi ko po magagawa iyang ibinibintang niyo.”
“Oh talaga? Why don’t you-”
“That’s enough, Lilibeth. Bibigyan nalang kita ng pera.” Pagpigil ni Sir Brynn sa kapatid.
“It’s not about the money, Kuya! Susuotin ko ‘yon bukas. Ano na ang susuotin ko? Dahil sinira ng babaeng iyan yung damit ko!” pagpadyak nito sa sahig.
“Marami kang damit, Lilibet,” kalmado ngayong boses ni Sir Brynn.
“Kinakampihan mo ba siya, Kuya?” pagturo sa akin ni Lilibeth, tinapunan ako nang tingin ni Sir Brynn at napabuntong hininga bago bumaling muli sa kapatid. Para bang sa pagbuntong hininga nito at nagpapahiwatig na naman ng kapalpakan ko.
“Wala akong kinakampihan, Lilibeth. You are just over acting. Damit lang ‘yan.”
“You fucking bitch!”
Akmang susugod si Lilibeth sa akin ngunit hinatak siya pabalik ni Sir Brynn.
“Lilibeth! I said stop throwing bad words at her! Go to your room now and get something to wear for tomorrow!” galit na sigaw ni Sir Brynn. Padabog namang lumabas si Lilibeth sa kusina.
“Pasyensya na sa inasal niya, pagsasabihan ko siya.” Nanantiya ang mga tingin sa akin ni Sir Brynn bago sundan ang kapatid.
“Megan, ihatid mo muna si Reiza sa kwarto. Magpahinga ka muna, Reiza.” Utos ni Nanay Sony.
Nanginginig pa rin ang aking mga kamay habang tinatahak ang kwarto. Hindi ko inaasahan na may mangyayari sa aking ganito sa mansion na ‘to. Matinding trauma ang idudulot sa akin nito, alam ko ‘yon. Nakakatakot si Lilibeth at nakakatakot ang sagutan nilang mag kapatid.
“A-Ayos ka lang ba, Reiza?” nag-aalalang tanong ni Megan. Sa paghaplos nito sa aking likod ay nagsimula na namang tumulo ang luha ko.
“M-Megan, g-grabe magsalita si Lilibeth. Napakasakit ng…ng pang-iisulto niya. Megan, hindi ko naman kayang gawin iyong sinasabi niya.”
Nagulat ako sa biglang pag-iyak din ni Megan at mahigpit na yumakap sa akin.
“Reiza…..s-sorry…..patawarin mo ako.”
Napahawak ako sa mga braso niyang nakapulupot sa akin.
“Bakit humihingi ka sa akin ng sorry? Wala ka namang kasalanan.”
Umalis siya sa pagkakayakap at umiiyak na umiling sa akin.
“Kasalanan ko, Reiza. K-Kasalanan ko kung bakit ka napagalitan ni Ma'am Lilibeth. A-Ako…..ako yung nakasira.” Malakas itong umiyak. Napatulala naman ako kay Megan.
“Ano bang sinasabi mo, Megan? Bakit…..bakit mo naman gagawin ‘yon?”
Humihikbi ito. “Kasi….sinukat ko yung damit, Reiza. Nagandahan ako kaya sinukat ko. Sa pagmamadali ko na hubarin ay nasira ko yung damit. Patawarin mo ako, Reiza. H-Hindi ko sinasadya, gusto ko lang talaga sukatin yung damit.”
Napatitig lamang ako kay Megan. Hindi ako galit at wala akong nararamdamang galit sa kaniya. Nakita ko sa kaniyang mga mata na nagsisisi talaga siya sa nagawa niya. Sa halip na magalit ay niyakap ko si Megan.
“Okay na, Megan. Tapos na yung nangyari hindi na natin mababago. Pero ‘wag mo na uulitin iyon ah? Huwag ka nang gagalaw ng mga bagay na hindi atin. Baka lalo lang natin iyon ikapahamak, Megan.”
Tumangu-tango itong humihikbi.
“S-Sorry talaga….promise hindi na mauulit.”
“Sige na, pahiran mo na ang mga luha mo. Baka hinahanap ka na ni Nanay Sony.”
Ilang sandali pagkatapos kumalma ni Megan ay lumabas na rin ito ng kwarto. Nakaramdam ako ng matinding lungkot ng mag-isa nalang ako sa kwarto. Napayuko at kusang tumulo ang mga luha. Tumatak sa isipan ko ang pagtawag sa akin ni Lilibeth ng hampaslupa, bobo, at pangit. Hampaslupa pala ang tawag niya sa mga katulad kong mahihirap. Sobrang sakit pala makatanggap ng ganung salita
Napahinto ako sa pag-iyak sa pagtunog ng cellphone ko. Mabilis kong pinahid ang luha at inalis ang pagbabara ng lalamunan ko nang makita kong si Nanay ang tumatawag. Sinagot ko ito.
“Reiza anak! Kumusta na, Anak?” masiglang bati sa akin ni Nanay. Nang marinig ko ang boses niya ay parang gusto ko ulit umiyak. Miss na miss ko na ang nanay ko at ang boses niya.
“A-Ayos lang ako, Nay. Kayo?”
“Ayos lang din, pumasok na si Liza sa paaralan. Teka, may sakit ka ba? Bakit parang sinisipon ka?”
Tumikhim ako. “May konting sipon lang po, Nay, pero ayos lang po ako huwag kayong mag-alala.”
“Uminom ka na ng gamot ha? Huwag mong pababayaan ang sarili mo. Yung huling padala mo nga pala ay ibinili ng isang kabang bigas at ulam. Tuwang-tuwa ang mga kapatid mo dahil pinagluto ko sila ng sinampalukan. Maraming salamat, Anak Reiza, ha? Sa pinadala mo e, isang linggo na kaming tatlong beses kumakain sa isang araw.”
Bakas sa boses ni Nanay ang kagalakan. Natutop ko nalang ang aking bibig upang hindi marinig ni Nanay ang pag-iyak ko. Hindi nga pala ako pwede mapagod dahil kailangan ako ng pamilya ko. Hindi ko dapat dibdibin ang mga natanggap kong salita dahil kapalit no'n ay pera na maipapadala ko sa probinsya. Kailangan ko nga pala maging matatag dahil may gampanin ako bilang panganay.
YOU ARE READING
In Between
RomanceSa murang edad ay namulat si Reiza sa kahirapan. Second year high school lamang ang kaniyang natapos dahil sa kakulangan sa pinansyal. Nais ni Reiza na makatulong sa kaniyang mga magulang kaya naman namasukan ito bilang katulong sa pamilya Martinez...