Yaman
“Nag enjoy ka ba?” tanong sa akin ni Eshym habang nasa sasakyan kami at tinatahak ang daan pauwi.
“Oo. Maraming salamat talaga sa mga damit saka sa libreng pagkain.”
Kanina ay pumunta kami ni Eshym sa isang restaurant na kahit kailan ay hindi ko napuntahan. Sa pagpasok ko ay dama ko agad na out of place ako. Parang mayayaman lang ang may kakayahan na kumain doon. Yung mga tao, ang gaganda ng suot pati na rin yung mga waiters and waitress. Natikman ko rin yung pagkain na kahit kailan ay hindi ko pa natitikman. Tuwang-tuwa tuloy sa akin si Eshym nang makita niya ang tuwa sa mata ko.
“Huwag kang mag-alala, next time masusulit mo na talaga yung day off mo. Ewan ko ba kay Brynn, bakit kailangan mag set ng oras sa pag-uwi mo.”
Next time? Ibig sabihin pala ay may susunod pa ang paglabas namin? Papayag kaya ako? Parang nakakahiya kapag nilibre na naman niya ‘ko. Baka akalain niya ay mukha akong libre.
“Ayos lang, Eshym. Nag enjoy naman ako kahit saglit lang ako nakalabas.”
Ngumiti siya sa akin. Mukhang kailangan ko na pigilan ang sarili ko ang mapatitig kay Eshym tuwing tumatawa at ngumingiti ito. Maliwanag pa sa future ko yung mga ngiti niya. Hindi ko naman sinasadya pero napapatitig talaga ako. Siguro asset niya talaga ‘yon para makakuha ng babae.
“Oo nga pala may itatanong ako.”
Bigla kong naalala ang bilin sa akin ni Megan tungkol sa lalaking moreno. Baka magalit pa sa akin yung isang ‘yon kapag nakalimutan ko.
“Ano ‘yon?”
“Yung kaibigan mo na moreno, yung may dimples…”
Napabaling sa akin si Eshym. “What about him?”
“Uhm….anong pangalan niya?”
Nakita ko ang saglit na pagkabigla sa kaniyang mukha.
“Bakit? Type mo?”
Nanlaki ang mga mata ko at kaunting napaahon sa upuan. Mukhang mali yata ang pagkakatanong ko kay Eshym.
“N-Naku hindi! Hindi sa ganon. P-Parang pamilyar kasi siya sa akin. M-May kamukha siya na kakilala ko.”
Sunod-sunod akong napalunok sa pagsisinungaling ko. Nakakainis! Mapapahamak pa yata ako sa utos ni Megan na ‘to. Napagkamalan pang ako ang may gusto.
“Si Trese? Siya lang ang may dimples sa aming magkakaibigan.”
“Ahh Trese. Nagkamali lang siguro ako. Baka kahawig lang niya yung kilala ko.” Pekeng pagtawa ko.
Okay. Nakuha ko na. Trese ang pangalan ng lalaking gusto ni Megan. Pero hindi ko na yata kaya itanong pa ang isang inuutos niya sa akin. Iyon ay alamin kung may girlfriend ba yung lalaking ‘yon. Ayoko na. Baka lalong pagkamalan ni Eshym na may gusto ako sa lalaking ‘yon.
Nang malapit na kami sa mansion ay may tumawag kay Eshym. English man ang kanilang usapan ay naintindihan ko naman ‘yon. May pupuntahan si Eshym pagkahatid niya sa akin. Siguro kaibigan o…..girlfriend.
“Ihahatid nalang kita sa loob.”
Agad akong tumanggi kay Eshym. “Huwag na, kaya ko na. Salamat talaga sa lahat ngayong araw.”
“Are you sure?”
Tumango ako at ngumiti.
“Okay, see you around.”
Bitbit ang limang paperbag ay pumasok ako ng mansion. Katulad ng una kong pagpasok dito, napakatahimik ng paligid dahil sa laki ng bahay. Pero bumagal ang lakad ko pagtapat sa minibar ng mansion. Nakaupo ro'n si Sir Brynn kaharap ng alak at walang saplot pang itaas. Tirik pa ang araw sa labas pero umiinom na siya.
“M-Magandang hapon po, Sir Bynn.” Mahinang pagbati ko. Napatingin ito sa akin at sa hawak ko.
“Si Eshym?” tanong nito.
“Umalis na po.”
Ininom niyo ang laman ng alak at tumayo. Lumakad palapit sa akin.
“Binalaan kita kay Eshym pero parang ang kaibigan ko yata ang kailangan kong balaan sa mga katulad mo.” Nang iinsulto ang mga ngisi niya. Bigla ko naman naramdaman ang panlalamig ng aking mukha.
“A-Ano pong ibig niyong sabihin, Sir Brynn?”
“Baka maubos mo ang yaman ng kaibigan ko. Hindi ba ganyan naman talaga ang ugali ng probinsyanang katulad mo? Pag nakakita ng mayaman, susunggaban. Talagang nag pabili ka pa ah.”
Kung hindi ko lang amo ang kaharap ko ay baka nasampal ko na ‘to. Nakakaramdam ako ng galit sa mga sinasabi niya laban sa akin pero hindi ko mailabas. Yung galit na nararamdaman ko ay naging luha. Yung nangangati kong palad na masampal siya ay mahigpit ang pagkakakapit sa paper bag.
“Hindi ko ‘to pinabili kay Eshym, Sir. At kahit kailan, hindi ko pag iintresan ang pera ng iba. Ganyan po pala kababa ang tingin mo sa probinsyanang katulad ko. Gusto ko lang po sabihin sa inyo, Sir…..na yung probinsyanang ‘to, pinalaki ng maayos ng magulang.”
Nanginginig ang boses ko dahil gusto ko isigaw ang mga sagot ko pero pinilit kong ikalma.
Ngumisi sa akin si Sir Brynn. “Talaga? Dapat tumanggi ka nung binigay niya ‘yan.”
Malalim akong humugot ng hininga. “Huwag po kayong mag-alala, kapag may nagbigay ulit sa akin at tatanggihan ko na. Papasok na po ako sa kwarto.”
Sinabi ko lang iyon para matapos na ang interaksyon namin ni Sir Brynn. Napakasama niya. Hindi ko malaman kung saan nagmana ang magkakapatid na ‘yon at ang sasama ng ugali. Alam kong kapag nagtagal pa ako ro'n ay lalo lang akong masasaktan sa mga sinasabi niya. Napaka-mapanghusgang tao!
Bago ako pumasok ng kwarto ay siniguro ko na walang bakas ng luha sa aking mata. Ayoko ng magtanong pa si Megan.
“Saan ka galing?” tanong ko pagpasok ng kwarto. Nagpapalit kasi si Megan ng pang araw-araw na damit mula sa pang lakad.
“Diyan lang may binili lang sa labas. Ikaw, bakit ang aga mo? Uy! Ano ‘yang dala mo?”
Kinuha nito sa akin ang dala at binuklat isa-isa. Umupo naman ako sa kama ko.
“Ang ganda nito, Reiza! Binili mo? Mukhang mamahalin ‘to ah!”
Dinala niya ang isang dress at humarap sa salamin.
“Binili sa akin ni Eshym. Gusto mo?”
Ngumiwi ito sa akin at ibinalik sa paper bag ang mga damit.
“Ayoko, sa iyo ‘yan binili. Siguro napansin niya yung mga damit mo over size na lahat.”
Hiniga ko naman ang kalahati ng aking katawan sa kama. Masaya sana ang araw na ‘to kung hindi lang ako binigyan ng sama ng loob ni Sir Brynn.
“Kumusta naman yung date niyo ni Eshym?” pag-upo ni Megan sa higaan ko.
“Anong date? Hindi date ‘yon no!”
Ipinasyal lang ako ni Eshym, hindi iyon date. Siguro tama si Megan kung bakit ako binili ni Eshym ng damit. Baka naaawa lang sa akin. Pero iyon na yung last time na tatanggap ako ng kahit ano mula sa kaniya. Tiyak na pagsasalitaan na naman ako ni Sir Brynn kapag nalaman niya na binigyan na naman ako ni Eshym.
“Oh sige, anong nangyari sa paglabas niyo ni Eshym? Kwento mo naman! Damot nito.”
“Naglakad-lakad tapos kumain, iyon lang.”
“Kumusta naman yung pinapatanong ko sa ‘yo?”
“Trese raw yung pangalan. Doon ka nga muna sa higaan mo at matutulog muna ‘ko.”
Inunat ko ang aking katawan sa higaan at tinabunan ng kumot ang buong katawan.
“Ay taray! Pinagod ka girl?”
Kailangan ko magpahinga. Hindi ng katawan kundi ng isipan. Kailangan ko kalimutan yung naging engkwentro namin ni Sir Brynn para mawala yung bigat sa dibdib ko. Ganun ba talaga ang mayayaman? Ganun ba talaga sila mag-isip? Sana pala talaga ay tinanggihan ko si Eshym kung alam ko lang na ganito ang sasabihin ni Sir Brynn.
Pagdating ng hapunan ay tumulong kami ni Megan sa paghahanda ng pagkain. Nasa hapag na ang pamilya maliban sa isa. Si Sir Brynn.
“Reiza, tawagin mo muna si Brynn.” Utos sa akin ni Ma'am Grasha. Napahinto ako sa paglalapag ng ulam.
“Wala si kuya, Ma. Baka raw bukas na siya umuwi,” sagot ni Lilibeth sa ina.
Malalim akong napahinga. Buti nalang. Parang hindi ko pa kasi kaya harapin si Sir Brynn.
“Reiza, hindi naman siguro namin kayo napapabayaan sa pagkain no?” si Sir Timothy.
“Hindi naman po, Sir…” nag-aalangan na sagot ko dahil biglang nabaling sa akin ang usapan.
“Kung ganon bakit parang pumapayat ka? Baka sabihin ng magulang mo na hindi ka nakakakain ng maayos dito.”
“Naku, Sir! Mas okay nga po ‘yon. Tingnan niyo po oh, kumikinis na rin siya. Siguro po totoong may magic yung tubig dito sa Manila.”
Natawa ang mag-asawa sa pahayag ni Megan.
“Balita ko inilabas ka raw ni Eshym, yung kaibigan ni Brynn. Baka mapingwit mo pa ang isang ‘yon.” Pagbibiro ni Ma'am Grasha na ikinapula ng pisngi ko.
“Naku po, Ma'am, parang malabo naman po ‘yan,” tanging naging sagot ko.
“Sabagay. Mukhang hindi naman iyon papatol sa katulong. Takot lang non sa ama niya na gustong mag asawa siya ng mayaman at mainpluwensya. Kahihiyan sa pamilya niya na makapangasawa siya ng katulong.”
Nagkatinginan kami ni Megan. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko sa sinabi ni Ma'am Grasha. Nabahiran ko ng pang iinsulto ang sinabi niya o baka naman mali lang ang pagkakaintindi ko. Hindi ako magugustuhan ni Eshym dahil isa lang akong katulong. Katulong na hindi nababagay kay Eshym.
YOU ARE READING
In Between
RomanceSa murang edad ay namulat si Reiza sa kahirapan. Second year high school lamang ang kaniyang natapos dahil sa kakulangan sa pinansyal. Nais ni Reiza na makatulong sa kaniyang mga magulang kaya naman namasukan ito bilang katulong sa pamilya Martinez...