Chapter 3

49 14 140
                                    

Napakunot ang noo ko nang makita ko ang unread messages sa phone ko. Kakatapos ko lang maligo tapos may ganito na? Sinong tanga naman yata ang kakausap sa 'kin sa ganitong oras?

Mas lalong napakunot ang noo ko nang mabasa ko ang pangalan ni Jared. Matapos niya akong pagsabihan ng kung ano-ano kanina, magme-message request siya?

Aba siyempre hindi ako magrereply. Hindi naman ako marupok 'no! Manigas siya diyan!

"Forever kang nasa message request ko," bulong ko pa habang pinapatuyo ang buhok ko.

"Nak, baba ka na, maghahapunan na tayo. Nandito na ang papa mo," sigaw ni mama sa labas.

Kailangan ba talagang sumigaw, ma? 

Hindi naman ako bingi pero kung makasigaw siya parang nasa kabilang baryo pa ako.

"Opo!" sigaw ko pabalik.

Dapat kasi fair and same energy kami. Kung sisigaw siya, sisigaw din ako.

Mabilis akong nagsuklay at bumaba na pagkatapos. Suot ko ang university shirt namin at pajama kaya ready na talaga akong matulog. Kung hindi lang dumating si papa baka hindi na ako bumaba.

"Kumain ka na. Hindi ka pa naman nag-almusal," bungad ni mama sa 'kin nang nasa dining area na ako.

Kitang-kita ko naman sa kabilang banda kung paano nagsisikuhan ang dalawa kong kapatid. Ano na naman ba ang issue ng dalawang 'to?

"Mel, kumain ka na at magpahinga. May training pa ba kayo bukas? Malapit na ang pasko," biglang sabi ni papa.

"Wala na po. Christmas break daw po namin. Balik lang ulit sa training kapag may pasok na," marahan kong sagot bago umupo katabi ng isa kong kapatid.

"Mabuti naman. Nakiusap ang lola mo na doon ka daw muna sa kanila," dagdag niya.

"Sa subdivision po?" takang tanong ko.

"Oo 'nak, wala raw kasama eh. Samahan mo naman kahit hanggang December 29 lang," pakiusap pa ni papa.

Nababuntong-hininga ako at tumango na lang bilang tugon. Hindi ko kasi bet ang atmosphere do'n. Wala naman akong problema kay lola pero may mga tita kasi ako na bumibisita sa kanya minsan at hindi ko gusto ang ugali nila.

Palaging ako ang nakikita.

Pagkatapos kong kumain ay bumalik na ako sa kwarto ko. Muli akong napabuntong-hininga nang makita ko ang mga gamot sa ibabaw ng study table.

Bakit kasi ang hina ng puso mo, Mel?

Nagsipilyo na muna ako bago inumin ang mga gamot. Nakakapagod naman, gusto kong itigil lahat ng 'to. Hindi ko gustong isipin na mahina ako.

Humiga agad ako sa kama at nagtalukbong ng kumot. Nagpapadyak pa ako at pinigilan ang sariling sumigaw dahil sa inis.

Kalma, self. Hindi ka mamamatay.

Sa hindi malamang dahilan ay hinablot ko ang phone ko at binuksang muli ang messenger. Ilang beses kong binasa ang chat niya kahit naman simpleng 'hi' lang 'yon.

May isang message pa pala sa messages ko pero hindi ko 'yon pinansin. Hindi ko alam pero bigla na lang ako nag-type ng reply.

Akala ko ba forever mo siyang hindi papansinin, Mel? Kinain mo na naman ba ang mga sinabi mo?

Ilang minuto pa akong naghintay sa reply niya pero hindi naman dumating! Inis kong inihagis muli ang phone ko at nagdesisyong matulog na lang. Bakit ko ba pinag-aaksayahan ng oras ang lalaking 'yan?

7:30 ng umaga nang ako ay tuluyang magising. Rinig na rinig ko ang ingay sa baba dulot ng mga kapatid ko na walang ginawa kung hindi maglaro buong araw.

Walang gana akong tumayo at nagdesisyong maligo. Bakit kapag wala akong pupuntahan, ang aga kong nagigising?

Nagsuot lang ako ng simpleng maong shorts at black T-shirt. Hinanap ko pa ang tsinelas ko pero hindi ko makita.

Kung kailan kailangan, do'n pa nawala.

Saan ko ba kasi 'yong iniwan? Parang dala ko naman 'yon dito kagabi ah? Nagiging makakalimutin na ba ako? Nakakainis naman.

Bumaba ako na walang suot na tsinelas. Ang lamig pala ng tiles. Takte, nagmumukha akong pulubi sa mismong pamamahay namin.

"Good morning, ma," bati ko kay mama nang naabutan ko siya sa kusina.

Amoy na amoy ko ang adobong niluluto niya mula sa kinaroroonan ko. Grabe naman ang aga pa pero ganyan na agad ang ulam.

"Magwalis ka na," sagot niya sa 'kin.

Napabusangot ako nang sabihin niya 'yon. Maling desisyon ata na bumaba ako dito.

Imbes na umangal ay hinanap ko na lamang ang walis at nag-umpisa sa sala. Kitang-kita ko ang mga kapatid ko na naghahabulan sa labas. Aba, ang sarap ata ng buhay nila.

"Carl!" tawag ko sa isa.

Napahinto naman siya sa kakatakbo at tumingin sa 'kin. Takang-taka pa siya dahil biglaan ang pagtawag ko sa kanya.

"Bakit ate?" tanong niya habang papalapit sa 'kin.

"Magwalis ka dito, dali!" sabi ko.

Mabuti naman at hindi na siya umangal. Mabilis naman niyang tinanggap ang walis na hawak ko at nag-umpisang palitan ako sa ginagawa.

Napangiti ako dahil do'n. Minsan lang 'to maging mabait kaya lulubos-lubusin ko na. May topak ata siya ngayon.

Ilang minuto na ang lumipas at nagpapahinga na lang ako sa sofa habang sinusundan ng tingin si Carl na nagwawalis.

Biglang umupo ang isa ko pang kapatid na lalaki sa tabi ko kaya tumawa kami ng mahina. Alam kasi namin na hindi mapagsasabihan 'yang si Carl. Sobrang himala talaga ngayon.

"Ate, may bisita ka ata," biglang sabi ni Jun.

Napakunot naman ang noo ko matapos niyang sabihin 'yon. Nakatingin siya sa labas ng gate kaya sinundan ko rin ang tingin niya.

Napamura ako ng mahina nang makita ko ulit si Jared. Kakababa lang niya sa sasakyan ni coach at may suot pang shades. Takte, saan ang punta nito? Beach?

"Carl, akin na 'yang walis," sabi ko sa kapatid ko.

Nagtaka naman siya sa inasta ko kaya ako na mismo ang umagaw. Nagwalis pa talaga ako kahit na natapos na ni Carl ang parteng ito.

"Ang weird mo naman ate," saad ni Carl bago ako iniwan do'n.

Tangina, bakit ako nagwawalis?

"Good morning po," rinig kong bati ni Jared.

"Oh, Jared. Akala ko wala kayong training ngayon? Si Mel nagwawalis pa," sabi naman ni mama.

Kahit nakatalikod ay ramdam na ramdam ko ang tingin nila sa 'kin kaya pinilit ko na lang ang sarili kong magwalis muli.

"Ate, kanina pa tapos diyan. Paulit-ulit ka naman," biglang sigaw ni Carl.

Alam ng walis kung gaano ako napahiya dahil sa sinabi niya. Takte, kailangan ba talaga niyang sabihin 'yon? Tiningnan ko siya ng masama pero tumaas lang ang kaliwang kilay niya sa 'kin.

"Pinagwalis ako ni ate, ma. Tapos ngayon inagaw sa 'kin at nagwalis sa mga parte na tapos ko na," dagdag pa niya.

Lagot ka talaga sa 'kin Carl. Humanda ka talaga.

"Maybe she's trying show me how hard working she is," Jared suddenly said bago tumawa ng mahina.

Langit, please kainin mo na ako ngayon.

When The Sky Let Me Meet YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon