Ang Bata sa Puno ng Mangga

32.9K 517 118
                                    

Siyam na taong gulang ako nang lumipat kami sa bagong bahay namin sa may Quezon province. Isang bungalow na husto lamang para sa apat na miyembro ng pamilya, ang aking magulang at ang kuya ko na tatlong taon ang tanda sa akin.

Ako si Kai at ito ang istorya ng bata sa puno ng mangga,

Isang mahabang biyahe ang kailangan mong bunuin bago mo marating ang lugar ng Quezon. Paglapag namin sa tapat ng bahay ay tanaw mo na ang matataas na damo. Madidinig mo ang kaluskos ng mga dahon sa tuwing iihip ang malakas na hangin. Ang bakod ng bahay ay gawa lamang sa pinagtagpi tagping piraso ng kahoy. Bagsak na ang pintuan ng gate na parang nabubulok na ang kahoy nang dahil sa tagal. Pagbukas ni Papa ng gate ay maririnig mo ang langitngit ng lumang kahoy na parang dumadaing na at nais nang magpahinga.

"Ito na ang bagong bahay natin." Kahit pinipilit ni Papa ang ngumiti ay nababanaag mo sa kanyang mukha ang kalungkutan. Mukhang kahit siya ay hindi kuntento sa bago naming tirahan.

"Magiging ayos ba tayo dito?" tanong ni Mama sa kanya. Nilapitan siya ni Papa at niyakap nang mahigpit. Hindi ko alam noon kung bakit bigla na lamang umiyak si Mama. Hindi ko na rin sila tinanong. Ano nga naman ang pakialam ng isang tulad kong musmos pa lamang.

Matapos iyon ay kinuha na nila ang iilang gamit na nakalagay sa sasakyan. Iniwan na daw nila ang karamihan sa mga gamit namin sa dati naming tirahan dahil hindi na sa amin iyon.  Pati ang paborito kong upuan ay naiwan na rin.

Tutulong sana ako sa pagpasok ng mga gamit namin pero sinabihan ako ni Papa na h'wag na at baka makatagal lang daw lalo ako. Si Kuya naman ay parang wala sa huwisyo at padabog na pumasok sa loob ng bahay. Noong isang araw pa siya nagagalit at pilit na ayaw sumama kila Papa dahil ayaw niyang iwanan ang kanyang eskwelahan at mga kaibigan. Pero sabi ni Papa, kailangan daw talaga naming umalis.

Umupo ako sa isang bato na nasa ilalim ng mayabong na mangga nang bigla akong makarinig ng isang pasuwit. Luminga-linga ako para hanapin kung saan nagmula ang tunog na iyon pero hindi ko nakita ang pinanggagalingan ng pasuwit. Inisip ko na lamang na ihip lamang iyon ng hangin. Maya-maya pa ay muling naulit iyon, hindi ko alam pero awtomatiko ko nang inangat ang ulo ko at tiningnan ang nasa itaas. Isang bata na nasa kaparehas na edad ko ang nakaupo sa isa sa mga sanga ng mayabong na mangga. Nakangiti siya sa akin at ginalaw niya ang kanyang kamay na parang niyayaya akong umakyat ng puno ng mangga.

"Kai! Pumasok ka sa loob. Hindi pa nalilinis ang lugar na iyan. Baka may ahas diyan o malamok." Utos sa akin ng aking Papa.

"Papa may bata!" sagot ko sa kanya

"Pumasok ka sa loob!" gigil na sabi n'ya sa akin.

Hindi na ako muling nagsalita at pumasok na lamang sa loob ng bahay. Pumunta ako sa may sala kung saan tanaw mo ang punong mangga. Sinubukan kong silipin ang bata ngunit dahil sa yabong ng mangga ay hindi ko na makita kung naroon pa ba ang bata.

#

Kinabukasan ay lumabas ako ng bahay, ganoon pa rin ang lugar.  Mataas pa rin ang mga damo liban na lamang sa mga tuyong dahon na ngayon ay naiipon na sa isang sulok. Pumunta ako sa ilalim ng puno ng mangga at muli kong tiningala ang lugar kung saan nakaupo ang bata pero wala na ito doon.  Nakaramdam ako ng kaunting panghihinayang.  Nais ko sanang magkaroon ng kaibigan sa bagong lugar na ito.  Inisip ko na lamang na siguro ay babalik din ang batang iyon.

"Bulaga!" nagulat ako sa sigaw ng bata na nasa likuran ko.  Napagtanto kong siya rin ang batang pumapasuwit sa akin kahapon. Nakakainis makita ang reaksyon niya na tawa ng tawa na animoy nagtagumpay sa pangugulat sa akin. Pero hindi ko na lang siya pinansin. Papasok na sana ako nang yayain niya akong umakyat sa puno ng mangga. Pabilisan daw kami at kapag ako daw ang nauna magkaibigan na kami.

Kahit naman sa siyudad ako namalagi nang matagal ay marunong akong umakyat ng puno. May puno kami ng makopa sa harap ng bahay namin at palagi ko iyong inaakyat kaya't pumayag na rin ako. Pum'westo kami sa magkabilang panig ng puno at saka siya bumilang ng tatlo. Pagkatapos niyang bumilang ay nag-unahan kami na abutin ang tuktok ng mangga. Gaya nga ng inaasahan, nauna ako sa taas ng mangga. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan huminto na siya noong nasa kalagitnaan na siya. Bumaba ako at umupo rin sa sanga ng mangga.

"Magkaibigan na tayo. Ang galing mo palang umakyat. Natalo mo pa ako." Nakangiting sabi ng bata.

"Magaling talaga ako." Nagmamalaking sabi ko.

Naging malapit kaming magkaibigan ng batang iyon. Sa tuwing umaga mag-uunahan kaming umakyat sa puno ng mangga.  Sa tuwing maglalaro kami ng tulad noon ay nagkakaroon kami ng pustahan para lalo kaming ganahan sa pag-akyat.

"Pustahan tayo, ang matalo ikukuha ng bunga ng mangga ang mananalo."

"Pustahan tayo ang matalo kailangang umakyat at bumaba ng apat na beses."

"Ang matalo kailangang sundin ang utos ng nanalo sa loob ng isang araw."

Palaging ganoon ang laro namin at palagi din akong nananalo. Pero sa pagtataka ko ni minsan daw ay hindi nakita nila Papa o Mama ang kalaro ko. Minsan kong ikinuwento ito sa kanila pero wala naman daw akong kalaro. Normal lang naman daw sa isang bata ang may imaginary friends.

Hanggang dumating ang isang araw.

Lumabas akong muli ng bahay at muli ko siyang natagpuan sa may mangga. Inalok niya uli ako na makipag-unahan sa tuktok ng mangga ngunit sa pagkakataong iyon ay mas maganda raw ang pagpupustahan namin.

"Ang matatalo, kailangang mamatay kapag 30 years old na siya." Nagulat ako sa hamon niya pero hindi ko sineryoso iyon. Tinanggap ko ang hamon niya at gaya ng dati ay pumuwesto kami sa magkabilang panig ng puno. Bumilang siyang muli ng tatlo at pagkatapos noon ay nag-unahan kami. Hindi ko na napansin kung nauuna ba ako o siya. Laking gulat ko na lamang nang makita kong nasa taas na pala siya at mukhang kanina pa siya nandoon. Sa madaling sabi ay natalo ako sa pustahan.

Matapos ang araw na iyon ay hindi ko na muling nakita ang batang iyon. Lumaki ako at parang nakumbinsi ako na imaginary nga lang ang batang iyon.

Dalawampu't anim na taong gulang na ako at nakahiwalay na sa aking mga magulang. Si Kuya naman ay may asawa na at noong isang araw lamang ay binisita ko siya. Nag-inuman kami sandali at nagkwentuhan. Ewan ba kung paano dumako sa puno ng mangga ang usapan namin. Nanghilakbot ako sa kwento ni kuya.

"Alam mo noong bata tayo may bata akong kalaro tuwing uuwi ako ng hapon sa puno ng mangga. Nakikipag-unahan sa akin umakyat sa puno, palagi naman siyang talo. Bigla na lang nawala yung batang iyon eh."kwento niya

"Nakikipagpustahan ba siya sa iyo?" nagulat si kuya sa tanong ko at hindi siya agad nakapagsalita.

"Oo" isang maikling sagot niya ngunit kitang kita mo ang pagbagsak ng kanyang panga sa susunod kong sinabi.

"Pinusta mo ba ang buhay mo at natalo ka?"

Sa susunod na Linggo ay kaarawan na nga pala ni Kuya. Tatlumpong taong gulang na siya.

Pinoy Horror Stories II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon